MLFTC-15

15.5K 517 11
                                    

MLFTC-15

*****

Iisa lang ang tema ng mga larawan ngunit kanya-kanya naman ng senaryo. Ngunit bago pa man ako malunod sa ganda ay hayan na naman ang musika. Pero ang ipinagtataka ko ay wala namang piyano dito sa loob. Ang tanging narito lang naman ay ang mga larawan at ang malawak na espasyo ng museo. Puwede nga itong maging bulwagan kung nanaiisin ng may-ari na dito ganapin ang isang importanteng okasyon. Saan ba talaga nagmumula ang musikang iyon. Nakapagtataka lang dahil tanging ako lang ang nakakarinig nito. Lumapit ako sa malaking larawan. Nakapinta rito ang nakatalikod na babae at mag-isang nagtatampisaw sa ilog. Akmang hahawakan ko na sana ito ngunit may narinig naman akong mga yabag papalapit sa pinto. Bumilis ang takbo ng tibok ng puso ko. Kinakabahan ako ng husto. Baka kasi mahuli ako ni Egoy na pumasok dito. Ang bilin kasi sa regulasyon dito, papasok lang kapag maglilinis. Diyos ko! Pinagpapawisan na ako ng malamig. May pumihit naman ng seradora kaya't mas lalo akong kinabahan.

Napasinghap ako nang tuluyang umawang ang pinto. Bahagya rin akong napaatras. Sa 'di malamang kadahilanan ay nasagi ko ang larawang pinagmamasdan ko kanina kaya't bigla na lamang akong bumaliktad.

"Hmm..." Ungol ko dahil sa tindi ng bagsak ko sa sahig.

Ngunit bago ko pa alalahanin ang sarili ko'y mabilis akong napatayo. Nasa isang lihim na lugar ako. Kinapa ko ang pader na dahilan nang pagkakapasok ko rito ngunit wala man lang akong makitang bakas na dito nga ako pumasok. Mas lalo akong kinabahan at nagsimula nang mangilid ang mga luha ko dahil sa sobrang takot. Hindi naman madilim ang napasukan ko dahil may nakasabit namang sulo sa bawat dingding. Ngunit ganoon pa man ay natatakot pa rin ako.

"Egoy! Tulong!" Puno ng takot kong sambit at tuluyan nang naglandas sa pisngi ko ang aking mga luha.

"Egoy!" Muli kong sambit habang pinupokpok ang pader.

Ngunit kahit ano ang gawin ko'y wala talaga. Napaluhod na ako at wala sa sariling naisandal ang aking ulo sa pader habang ako'y umiiyak pa rin. Napahikbi akong muli pero bigla akong napatigil sa pag-iyak dahil nakarinig ako nang rumaragasang tubig. Agad akong napatayo at lakas-loob na sinundan kung saan ito nagmumula. Natatakot man ngunit kailangang makaalis ako sa lugar na ito.

Lumakad ako ng ilang hakbang pakanan habang niyayakap ang sarili ko. Bawat hakbang ko'y siya ring paglinga ko sa aking likuran. Ano ba itong napasok ko!? Pinunasan ko ang aking mga luha at nagpatuloy sa pag-usad. Ngunit nang marating ko ang dulo'y ibig ko yata ang lumupasay sa sahig. Wala nang daanan at tanging pader na lang ang nakikita ko. Naiyak ako ng husto at walang nagawa kundi sandalan na lamang ang pader. Sa kinatatayuan ko'y rinig na rinig ko ang pagragasa ng tubig. Muli akong napaharap sa pader at kinapa ito. Bahagyang bumaon ang mga daliri ko sa pader. Wari'y may kung anong nakasulat dito. Dali-dali kong kinuha ang isang sulo at inilawan ang pader. May nakasulat nga. Hinawi ko ang mga alikabok na natatakip dito.

Isinulat ito sa ibang lengwahe ngunit kaya ko namang basahin ang mga nakasulat. Pinadaan ko ang aking mga daliri sa bawat letrang nakaukit sa pader.

"In...profundum...cordis...videam...secretum...iter..." Dahan-dahan kong sambit.

Napaatras naman ako dahil sa biglaang pagyanig ng pader. Bigla itong umangat. Naningkit naman ang aking mga mata dahil sa liwanag na nagmumula sa sikat ng araw. Kumurap ako ng dahan-dahan hanggang sa tuluyan ko nang maidilat ang aking mga mata. Nabitawan ko ang sulong hawak ko. Kung kanina'y naririnig ko lang ang rumaragasang tubig, ngayon ay nasa harapan na nito ako ngayon. Isang maliit na talon, na sa tantiya ko'y kasing haba lang ng isang bus. Ngunit hindi lang iyan ang pumukaw at bumusog sa aking mga mata. Nakahilera paikot sa talon ang tanim ng mga rosas na kulay itim. Iginiya ko pang lalo ang aking paningin. Para itong sekretong lugar. Naglalakihang puno ang nakapalibot dito at natatabunan ng baging. At dito mismo sa kinatatayuan ko nakasentro ang bawat paglubog at pasikat ng araw; na para bang sinadya ito.

Iginiya ko pang lalo ang aking paningin upang makahanap ng daanan ngunit wala akong makitang lagusan. Humakbang ako palapit sa talon at dumungaw sa malinaw na tubig. Para akong nananalamin lang dahil sa sobrang linaw.

"Yana..." Natigilan ako at napalingon ako sa aking likuran.

Ngunit sa 'di inaasahang pangyayari'y nawalan ako ng balanse at bumagsak sa tubig. Pakiramdam ko'y ang tagal nang pagkakabagsak ko sa tubig. Hanggang sa tuluyan akong lumubog. Kitang-kita ko ang bulto ng katawan ng isang lalaki hanggang sa lumabo ang aking paningin at tuluyan akong nawalan ng malay.

*****

May nabanggit sa TKITD na eksena kung saan nga ba raw mapipitas ang mga itim na rosas na sumisimbolo sa pagiging maharlika ng mga piling Zoldic. Ngayon alam niyo na, nasa lihim na lagusan ng museo. Lels!

MY LOVE FROM THE CENTURY [Zoldic Legacy Book 2]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon