Pagpasok ni Errol sa restroom ay nagbuntonghininga lamang ito. Umihi ito sa isang urinal at inisip ang mga nangyayari. Tatlong araw pa lamang nilang magkakilala ni Ivan pero parang malapit na sila. Natatakot siya. Natatakot na baka mahulog siya sa binata. At ang mas ikinakatakot niya ay mukhang dahan dahan na nga siyang nahuhumaling at nahuhulog dito. Ayaw niyang mahulog sa binata dahil mukhang hindi naman ito papatol sa isang katulad niya.
Sa isip ni Errol ay baka maulit ulit ang nangyari sa kanila ni Erik. Baka mapahiya siya. Kinumbinsi na lamang ni Errol ang sarili na nakikipagkaibigan lang si Ivan at baka gano'n lang talaga ang personalidad niya. Tsaka sa gwapo at kisig nung tao ay di imposible maraming umaaligid na babae dito o kaya naman ay baka may mga nililigawan ito.
Ito ang mga personal na bagay na bumagabagag kay Errol na hindi niya maitanong kay Ivan dahil ayaw niyang masyadong manghimasok sa personal na buhay nito. At isa pa, tatlong araw pa lang silang magkakilala.
Pagkatapos umihi ay humarap sa salamin si Errol at inayos ang sarili. Kumuha siya ng tissue at pinahid ito sa medyo oily na niyang mukha.
Biglang nagpatay-sindi ang ilaw.
Hindi ito pinansin ni Errol at nagpatuloy sa pagpahid ng tissue sa kanyang mukha. Patay-sindi pa rin ang ilaw. "Grabe naman itong sosyal na restaurant na ito, di man lang inayos itong sirang ilaw sa restroom nila," bulong niya sa sarili habang nakaharap sa salamin at tinitingnan ang kanyang ngipin kung may tinga. Patay-sindi ang ilaw. Maya-maya pa ay may napansin siya habang nakatingin sa salamin. Sa likuran ng kanyang repleksiyon ay isang kakatwang tanawing pamilyar.
Ang matada! Nakatalikod ito sa kanya, nakaharap sa dingding. Punit-punit ang suot nito.
Kinilabutan si Errol at hindi makagalaw. Dahan-dahan siyang lumingon sa likod. Wala! Walang matanda. Kung anu-ano ang tumatakbo sa isip niya. Ano na naman ba ito? Hindi naman siya nagdo-droga. Wala naman siyang sakit sa pag-iisip. Ano ba ito? Hindi niya mawari kung sisigaw o tatakbo.
Namatay ang ilaw.
Ngayon pa na lowbat ang cellphone niya. Kinakapa niya ang countertop ng lababo ng restroom upang makalakad papalabas ng banyo nang biglang bahagyang bumalik ang ilaw. Dahil nakaharap siya sa salamin ay hindi niya naiwasang makita ang repleksiyon.
Laking hilakbot niya sa nakita. Halos magkadikit ang kanilang mukha ng ermitanyo. Nilingon niya ito, at kita niya ang madungis na mukha nito, ang magulo nitong buhok, at mahaba nitong balbas at bigote na namumuti. Sisigaw na sana si Errol nang takpan ng matanda ang kanyang bibig. Nagpumiglas si Errol. Hinawakan niya ang kamay ng matanda at pilit na inalis ang pagkakatakip nito sa kanyang bibig. Ngunit mahigpit ang pagkakahawak ng matanda sa kanyang bibig.
Tuluyan nang namatay ang ilaw.
Kasabay ng paglahong tuluyan ng ilaw ay ang pagkawala ng nakahawak sa bibig ni Errol. Kinapa ni Errol ang kanyang labi. Parang dumikit ang amoy ng kamay ng matanda sa mga labi niya.
Ilang segundong katahimikan. Nakikiramdam si Errol. Wala siyang maaninag. Kinapa niya ang lababo. Wala ito! Kanina lang ay nasa tapat niya ito. Kinapa niya ang salamin. Wala! Naglakad lakad siya sa dilim. Tinaas niya ang kanyang mga kamay upang makapa ang mga dingding ng palikuran. Ngunit halos nakakadalawampung hakbang na siya ay wala pa rin siyang makapa. Naisip niya ang matanda. Kahit natatakot siya ay tinawag niya ito.
"Mamang ermitanyo, asan na kayo?"
Walang sumagot.
Naririnig na ni Errol ang pagkabog ng dibdib. Kinurot nito ang pisngi. Masakit! Panaginip ba ito? Ano ba 'to? Inisip niyang baka may drugs na nakalagay sa kinain niya kanina. Sa pagkatuliro ay naisip niyang idemanda ang restaurant na ito. Hindi pwede ito. Ganito na lamang ang takbo ng isip ni Errol na tulirong-tuliro. Sino ba iyong matanda? Ano ba itong nangyayari?
Pinikit ni Errol ang mga mata sa pag-aakalang sa muling pagdilat niya ay babalik ang ilaw at magiging normal ulit ang lahat. Dumilat siya. Wala pa rin siyang makita. Madilim. Tumakbo siya sa gitna ng dilim, naghahanap ng makakapa, naghahanap ng malulusutan. Naisip niyang sumigaw at humingi ng tulong. Ngunit walang tumugon. Madilim. Nakakabingi ang katahimikan. Ang kaitiman ng kawalang ito ay nakakapanghilakbot. "Patay na ba ako? Pero paano? Lord, patay na ba ako? Bakit dito ako napunta? Madilim. Nagsisimba naman ako."
Katahimikan.
Maya-maya pa ay may naaninag siyang mga ilaw. Nakalutang ang mga ito sa kadiliman na animo'y nagsasayaw. Papalapit ang mga ito sa kanya. Napaatras si Errol. Ano ba itong mga ito? Anong kinalaman ng mga ito sa matandang ermitanyo? Asan na nga pala ang matanda?
Pinaligiran na si Errol ng apat na mga kumikislap na mga bato. Animo'y nagsasayaw ang mga ito habang umiikot sa palibot niya. Ang isa ay kulay kayumanggi. Ang isa naman ay pinaghalong asul at puting ilaw. Ang isa ay tila kulay mapusyaw na puting usok. At ang huli ay animo'y pinaghalong dilaw at pulang usok. Kumikinang ang mga ito. Nilapit ni Errol ang kanyang kamay sa isang ilaw. Lumagpas lang ang kanyang kamay. Hindi niya ito mahawakan. Ganoon din ang iba.
Walang anu-ano'y may narinig siyang halakhak. Lumingon-lingon siya, hinahanap kung saan nanggagaling ang halakhak. Subalit mukhang ito ay nanggagaling sa lahat ng direksiyon.
Maya-maya pa ay biglang may lumitaw na malaking mukha sa harapan niya. Mukha ito ng maputing babaeng may matangos na ilong. Dilat na dilat ang mga mata nito. Ang buhok nito ay nakatali sa likod nang mahigpit, tila binabanat ang anit nito. Ang labi nito ay mamasa-masa at pulang pula na parang pininturahan ng dugo. Bigla nitong binuka ang bibig at lumabas ang mataas, matinis, at mala-ahas nitong boses. "Pangahas!"
Tumili ito ng matining kasabay ang pag-ihip nito mula sa kanyang bibig. Namatay ang mga nakalutang na ilaw sa lakas ng hangin at tinangay si Errol nito. Unti-unting bumalik sa kamalayan ng guro ang imahe ng palikuran, ngunit kasabay nito ang matinding kaba, panginginig, at pag-ikot ng kanyang paningin.
BINABASA MO ANG
Enchanted Series 1: Ang Huling Tagaingat
FantasyHighest Ranking #15 in Paranormal SYNOPSIS: Nang magtagpo ang landas nina Errol at Ivan, namuo ang isang pambihirang pagkakaibigan na sa kalaunan ay sinubok ng agam-agam at pag-aalinlangan. Si Errol ay isang simpleng guro na may simpleng pangarap...