Chapter 11

4.7K 229 0
                                    


Nang makuha ang baul sa mga magnanakaw ay mabilis na bumalik si Melchor sa kanyang kubong nasa liblib na lugar. Ang maliit na kubo na gawa sa mga piraso ng kahoy, sanga, sako, at dahon ng niyog ay naiilawan ng mahinang apoy na nagpapakulo sa laman ng isang lumang palayok na nakapatong sa tatlong bato. Sa tabi ng lutuang ito ay mga balahibo ng manok.

Nilapag ng matandang madungis at punit-punit ang kasuotan ang dalang baul sa gilid ng kubo. Yumukod siya sa tapat nito at binuksan ito. Di niya pansin ang mga gumagapang na langgam sa laylayan ng kanyang maruming suot na sumasayad sa lupa. Tahimik niyang tiningnan ang mga bato. Hindi niya maintindihan kung bakit may gustong kumuha sa mga ito. Ngunit ang mas nagpabagabag sa kanya ay paano nalaman ng mga may gusto sa mga hiyas ang kinaroroonan ng mga ito. Ang alam niya ay siya lamang ang nakakaalam kung nasaan ang mga ito at kung ano ang mga ito.

Sa kabilang banda nararamdaman na rin niya ang pagtawag sa kanya ng mga bato, tila nagbibigay babala. Kung ano mang panganib ang darating ay kailangang malaman ito ni Melchor at mapigilan ito.

Habang tinitingnan ang mga batong bahagyang nailawan ng mahinang apoy sa gilid niya ay sumagi sa isipan ni Melchor ang isang malagim na tagpo dalawampu't limang taon na ang nakakalipas, isang yugto sa buhay niya na hindi niya makakalimutan, ang araw na nagpabago sa takbo ng kanyang buhay.

Matindi ang pagtutunggali nila ng kapatid niyang si Damian na inangkin ang mga hiyas. Pareho silang sugatan at may punit ang ilang bahagi ng kanilang mga damit. Gustong ipabatid ni Melchor noon sa kapatid na hindi nila dapat angkinin ang mga ito. Subalit ang pagmamatigas ni Damian ang naging sanhi ng madugong komprontasyon. Nakuha ni Melchor ang mga bato mula sa kanya, ngunit napaslang niya ang kapatid.

Matapos tumakbo sa kanyang isipan ang alaalang iyon ay sinarado na ni Melchor ang baul at tahimik na pinagmasdan ang ningas sa ilalim ng palayok. Binago ng yugtong iyon ang buhay niya.

Enchanted Series 1: Ang Huling TagaingatTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon