Chapter 12

5.9K 259 8
                                    


Martes ng tanghali nang dumating si Ivan sa bahay nina Errol. Inaasahan na ng huli ang pagdating ng binata. Maaga siyang naligo at nag-ayos ng sarili nang hindi naman siya mapahiya sa pagdating ng bisita. Nag-ayos din siya ng bahay.

Ang mga katok ay nagpakaba sa kanya, kabang tinago niya. Bago buksan ang pinto ay huminga siya nang malalim. Bumungad sa kanya ang maaliwalas na ngiti ng gwapong lalaking ilang pulgada ang tangkad sa kanya. Ano na naman ba't tila nanghihina na naman ang mga tuhod niya? Sinukilan niya ito ng ngiti. Pero hindi niya inasahang hihilahin siya nito upang yakapin.

Malakas ang sigaw ng kanyang taimtim na panalangin sa loob niya na sana hindi mapansin ng yumayakap ang kabog ng kanyang dibdib. Subalit sa gitna ng kanyang pagkabalisa ay dinama rin niya ang yakap na iyon, ang mabangong leeg ng binata, ang matipunong dibdib nito na nagpagaan sa pakiramdam niya, at ang mga bisig nitong nakabalot sa kanya. May munting tinig sa kaloob-looban niyang humihiling na sana'y hindi na matapos ang sandaling iyon.

Kumalas si Ivan na nakahawak pa rin sa mga braso niya. "Okay ka na ba?"

"Okay naman talaga ako. Pagod lang siguro, sabi nga ni dok." Sandali niyang tinitigan si Ivan ngunit umiba din ng tingin at marahang ginalaw ang katawan upang sana'y alisin ni Ivan ang hawak sa kanya. "Ni wala nga akong nararamdaman."

"Ganun ba?" Inangat ni Ivan ang dalang paper bag. "Nagdala nga pala ako ng Blu-Ray movies para malibang tayo."

"Wow!" Agad namang inalok ng maiinom ni Errol ang bisita. "Softdrinks or juice?"

"Lunchtime na." Natawa naman si Ivan.

Nasilayan na naman ni Errol ang mga pantay na mapuputing ngipin ng binata. Hindi na naman niya mapigilan ang paghanga sa kanya. Ngunit bago pa man siya tuluyang matulala ay sumagot na rin siya. "Bili muna ako ng ulam." Napakamot naman siya sa ulo -- "Hindi kasi ako marunong magluto."

"Kain na lang tayo sa labas." Nginitian niya si Errol. "Alanganin na rin magluto."

"Nakakahiya naman sa iyo, Ivan," saad ni Errol. "Teka, magbibihis muna ako."

"Okay na 'yang suot mo."

"Ha?" Yumuko si Errol upang sipatin ang suot at sumimangot. Ngunit hinila na siya ni Ivan.

"Halika na. Nagugutom na ako."

Nang makarating sila sa mall ay nagpasya silang kumain sa food court. Maraming mga tao. Medyo nailang naman si Errol dahil sa suot nitong pambahay samantalang halos lahat ng kumakain ay nakauniporme. Si Ivan naman ay umakbay lamang kay Errol habang palingon-lingon sa mga stalls.

Nang makaorder ng makakain ay nagpasya silang umupo sa isang mesang bago lang inalisan ng dalawang magkasintahan. Mag-uumpisa na sanang kumain ang dalawa nang tinawag ni Ivan ang atensiyon ng kasama.

"Tingin ka sa kaliwa mo."

"Bakit?" tanong ni Errol na lumingon sa kaliwa. Bahagya itong kinabahan sa lalaking nakitang nakaupo na tila ay may tinitext. Mag-isa lang ito sa mesa nito at seryoso ang mukha. "Hindi naman siguro siya gagawa ng eksena dito." Umiwas na ng tingin si Errol.

Si Ivan ay nakatingin pa rin ng masama dito hanggang sa magtama ang mga tingin nila. Nakita lamang nito na tumayo ang lalaki at naglakad patungo sa mesa nila. Agad namang tumayo si Ivan na ikinabahala ni Errol.

"Ivan..." Kinabahan si Errol.

"Pare, kung manggugulo ka dito, antayin mo na lang kami matapos kumain tas sparring tayo sa labas. Ano?" Pinandilatan ni Ivan ang lalaking nasa tapat na ng mesa nila habang pinapatama ang isang kamao sa kanyang palad.

Enchanted Series 1: Ang Huling TagaingatTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon