Chapter 15

4.5K 224 11
                                    


Biglang tumumba sa sahig ang isang matandang madungis na nakahawak sa kanyang dibdib. Halata sa ekspresyon nito ang sakit na nadarama sa dibdib pati na rin ang hirap sa pagtayo. Natapon ang sinasaing nito sa sahig, at muntik na siyang masabuyan ng nagniningas na mga kahoy. Mabilis na tumayo ang matanda at tiningnan ang baul na naangkin mula sa mga magnanakaw noong nakaraang gabi. Binuksan ito ng matanda. Lumitaw ang apat na batong iba-iba ang kulay. Walang bakas ng pagiging espesyal ang mga ito. Lumabas ng kanyang kubo ang matanda at lumingon-lingon.

Halos dalawang dekada ng nakatira sa liblib na bahagi ng kagubatan si Melchor. Matapos ang pagkapaslang nito sa kapatid ay pinaghahanap ito ng mga autoridad. Dahil natatakot na makulong ay nilisan niya ang bahay nito sa ibabaw ng burol at namuhay bilang ermitanyo. Palipat-lipat ito ng tirahan hanggang mapagpasyahan nitong manatili sa kagubatan, malayo sa ingay ng modernong panahon.

Bago mamuhay bilang ermitanyo ay pinagkatiwala ni Melchor ang baul ng mga paganong katutubo sa kakilalang nagtatrabaho sa museo. Ito ay nakatago lamang sa isang silid sa museo kung saan nakatambak ang napakaraming artipakto na hindi nakadisplay para sa publiko.

Matagal nang walang pakialam si Melchor sa mga bato. Inakala niyang ang pagkamatay ni Damian ang tatapos sa kanyang tungkulin bilang tagaalaga ng mga ito. Subalit ang mga panaginip ni Magda nitong mga huling buwan ang nagpabalisa sa kanya. Ramdam niyang tinatawag ulit siya ng mga bato at nagpapahiwatig ang mga ito na may hindi magandang magaganap sa nalalapit na hinaharap. Hindi batid ng matanda kung bakit may gustong magkainteres sa mga bato at kung sino sila at kung paano nila nalaman ang sekreto ng mga bato. Tanging silang dalawa lamang ni Damian ang nakakaalam. Maliban na lamang, sa isip niya, kung may nakakaalam sa lihim bukod sa kanilang dalawa.

Biglang sumagi sa isipan ni Melchor ang naiwang pamilya ng kapatid. Kamusta na kaya sila? Alam niyang nakapangasawa ang kapatid at may dalawang anak. Ngunit minsan lang sa tanang buhay niya nakita ang mga ito, at ito ay noong matalik pa silang magkapatid. Hindi na inalam pa ni Melchor ang nangyari sa mga ito, at dahil sa pagsisi ay wala siyang mukhang naiharap sa mga ito pagkatapos mamatay ni Damian. Sa pananaw ng mga tao at ng mga nakakakilala sa kanila ay pinaslang nito ang kapatid.

Sa ngayon ay nakatira sa lumang kubo si Melchor, malayo ito sa magandang bahay nito mahigit dalawampung taon na ang nakakalipas. Umaasa lamang ito sa mga binibigay ng mga tagabundok na minsan ay napapadpad sa kubo niya. Minsan walang makain ang matanda. Subalit dahil sa taglay nitong hindi pangkaraniwang kakahayan ay napapadpad ito sa lungsod upang minsan ay manglimos o makapulot ng makakain sa mga basurahan ng mga pamilihan.

Ngayon ay alam na ni Melchor na kung sinuman ang nais kumuha sa mga bato ay hindi rin pangkaraniwang nilalang gaya niya. Subalit nagtataka pa rin siya dahil ang pagkakaalam niya ay silang dalawa lamang ni Damian ang may kakayahang kontrolin ang liwanag at dilim. Marahil marami pang katulad nila sa mundo na hindi lamang nila alam. Subalit naisip niyang hindi na rin importante iyon. Ang importante ay maprotektahan niya ang mga elementong bato bago pa man ito makuha ng kampon ng kasamaan.

May isa pang nagpapabagag sa kalooban ng matanda. Alam nitong nanghihina na siya dahil sa katandaan. Maaaring mas malakas sa kanya ang mga nais kumuha sa kapangyarihan ng mga bato. Maaaring matalo siya ng mga ito at tuluyang mapasakanila ang mga bato at manganib ang kaayusan sa kalikasan. Isang paraan na lamang ang naisip ni Melchor. Ang kanyang apo.

Ngunit sa pagtanto nito ay hindi handa ang kanyang apo upang tanggapin ang tungkulin. Wala itong alam sa mga bagay na kagaya nito, at kailanman ay hindi nila nakilala ang isa't-isa. Nitong huli ay isa ito sa mga nagpabagabag sa matanda.

Gaya ni Damian ay may anak ding babae si Melchor na higit sampung taong gulang ang tanda sa anak ng nauna, subalit nilihim ito ni Melchor sa kapatid. Tatlong taon na siyang nagtatago noon nang mabalitaang nagkaanak ang anak niyang babae. Ngunit dahil sa mga nangyari ay hindi na nagawa nitong mabisita ang anak at apo ng personal. Natatanaw lamang nito ang mag-anak sa malayo. Kahit papaano ay nasubaybayan niya naman ang pamilya.

Dapat ay sinasanay na nito ang apo kung paano tuklasin ang angking kaalaman upang magamit ito sa nalalapit na panahon. Matinding banta ang naghihintay, at maaaring hindi iyon malampasan ng matanda kung kaya ay kailangang may pumalit sa kanya sa lalong madaling panahon. Nagtatalo ang isipan ni Melchor. Sa isang banda ay ayaw niya ng madamay pa ang apo nito sa mga bagay na gaya nito.

At paano naman niya ito isasali sa matinding problemang hinaharap gayong noong huling beses na nakita niya ito ay takot na takot ito sa kanya? Alam ni Melchor na hindi na magtatagal at kailangan ng malaman ng apo ang kanyang kapalaran. 

Enchanted Series 1: Ang Huling TagaingatTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon