Hindi maipaliwanag ni Erik ang naramdaman sa nasaksihan. Si Ivan ay hawak sa magkabilang braso ang kaibigang matalik na nakangiti habang hinahalikan ng nauna sa pisngi. Nakaramdam si Erik ng kirot sa dibdib, kirot na hindi niya maipaliwanag. Nagseselos nga ba siya? Subalit kaibigan lang naman ang turing niya kay Errol. Nakita naman niyang agad inilayo ni Ivan ang mukha kay Errol at tumingin sa kanya. Si Errol naman ay yumuko at tila nahihiya. Nasipat ni Erik na pinamulahan ito ng mukha.
"Pare, nakabalik ka na. Saluhan mo na kami," saad ni Ivan.
Naisip ni Erik na nagiging masyado ng komportable si Ivan sa bahay na di naman kanya. "Ang totoo, kailangan ko na ring umuwi." Nakita ni Erik na napalingon si Errol.
"Uuwi ka na? Akala ko mananatili ka pa." Dismayado ang ekspresyon sa mukha ni Errol.
"Nagtext kasi kapatid ko. Inatake na naman daw ng nerbyos si mama." Binulsa ni Erik ang mga kamay. "Bumalik lang ako para magpaalam."
"Ganun ba?" Tinitigan siya ni Errol.
"Oo, pasensiya na kayo." Lumapit si Erik sa dalawa. "Rol, okay ka lang naman dito, di ba?" Pagkatapos ay tumingin ito kay Ivan. "Andito naman si Ivan."
Tumango naman si Errol. "Oo, okay lang naman ako. Ikamusta mo na lang ako kay Tita Sol."
"Sige ba." Walang anu-ano'y niyakap ni Erik si Errol nang mahigpit. "Ingat ka, ha. Kita na lang tayo bukas sa school." Mahina ang boses ng binatang yumakap, may lambing.
Nagulat man si Errol sa di pangkaraniwang pagkayap ng kaibiga't katrabaho ay napayakap na rin ito. "Ingat ka rin sa daan. Tsaka salamat."
Pagkatapos bumitiw ni Erik sa pagkakayakap sa kaibigan ay tinapik nito ang isa pang binata. "Ivan, kaw na bahala ha."
"Oo, pare. Safe na safe 'tong si Errol. Di ko hahayaang mapahamak 'to." Ngumiti si Ivan.
"Sige, aalis na ako."
"Ihahatid na kita."
"Wag na, Rol. Ok lang."
"Sige."
Kumaway na lang si Erik pagkatapos ay sinarado ang pintuan. Nakayuko itong naglalakad sa gilid ng daan na medyo puno ng mga taong naglabasan sa kanilang mga kabahayan at pinagkwentuhan ang nangyaring pagkawala ng kuryente. Di sila masyadong napansin ng binatang nakapamulsa habang seryosong nilakad ang kalye't nakatuon ang tingin sa dinadaanan.
Nagsinungaling siya. Wala namang tinext ang kapatid niya sa kanya. Nag-isip lang siya ng alibi para makaalis sa lugar dahil... Teka, bakit nga ba nais niyang umalis na kaagad? Dahil ba sa nasaksihan niyang pagkakaigihan nina Ivan at ng matalik niyang kaibigan? Bakit ba ganito na lang ang nararamdaman niya? Nagseselos ba siya? Bakit naman siya magseselos gayong maliban sa pagkakaibigan ay wala namang namamagitan sa kanila ng kaibigan?
Nagpatuloy lang si Erik sa paglalakad hanggang makarating sa kanto. Sa di kalayuan ay andoon pa rin ang kumpol ng mga tao na pinalibutan ang isang banggaang kani-kanina lang ay nadatnan nila nina Shanice at Manny. Di na ito binigyan pa ng pansin ng binatang naglakad papalayo. Dinukot nito ang kanyang panyo at pinunas sa kanyang mukha. Teka, umiiyak ba siya? Bakit may dumadaloy na luha sa kanyang mga mata?
Walang imik na sumakay si Erik sa isang jeep na agad na napuno. Mukhang malalim ang iniisip ng binata. Pinagtitinginan siya ng iilang pasahero dahil sa basa nitong mga mata. Ano nga ba naman ang pwedeng magpaiyak sa isang matipuno't gwapong binatang ito? Hindi pinansin ni Erik ang mga pasahero. Bagkus ay patuloy ito sa pagpahid sa mga namumuo at tumutulong luha.
Umandar na ang jeep, ngunit hindi pa rin nakakaalpas ang binata sa lungkot na nadarama. Sinariwa nito ang kanilang pagkakaibigan ni Errol habang ang ilan sa mga pasahero ay pinag-uusapan ang kanina'y halos isang oras na pagkawala ng kuryente. Nadidinig ni Erik ang kanilang mga pag-uusap ngunit ang isip niya ay wala sa kung anumang kababalaghan o kakaibang nangyari.
Naalala ni Erik na madalas nitong itakbo ang kaibigan mula sa mga nang-aapi rito noong high school. Madalas siyang mangopya kay Errol noon, lalo na noong first year college pa sila. Sabay kasi sila noong kumukuha ng mga subjects kaya panay magkaklase sila.
Minsan naman ay pinag-uusapan nila ang kanilang mga personal na buhay. Madalas niya noon makwento kay Errol ang tungkol sa mga babaeng natitipuhan. Madalas naman niya itong tanungin noon kung sino ang nagugustuhan niya. Pero walang inamin si Errol sa kanya.
Isang araw ay napag-usapan nila ang tungkol sa nililigawan niya. Hindi niya maintindihan noon kung bakit bigla itong tumahimik. Nagpaalam siya noon sa kanya na tutungo siya sa library. Pero nalaman niya rin naman ang totoo dahil sa isang kwadernong naiwan ng kaibigan kung saan may sinulat itong lihim. Tinago niya ang kwadernong iyon.
Naalala niya noong sabay silang natanggap sa maliit na kolehiyong pinasukan. Ang saya nila. Kahit parehong walang pera ay nagliwaliw sila at nag-food trip. Oo, sinuyod nila ang mga tindahan ng fish ball at kwek-kwek. Madalas silang kumain ng mga ganoon, at masaya sila.
Nagbago ang turing sa kanya ni Errol noong maging sila ni Shanice wala pang tatlong buwan nang sila'y maging mga guro. Hindi makalimutan ni Erik ang lungkot sa mga mukha ni Errol nang banggitin niya dito ang tungkol sa unang date nila. Ngumiti noon ang kaibigan sa kanya, ngunit tumalikod rin. Nagdahilan itong abala siya. Pero nakita ni Erik na tila pinahiran nito ang mga mata.
Pagkatapos ng date nila ni Shanice ay pinuntahan niya si Errol sa bahay nila. Si Aling Celia ang sumalubong sa kanya. Sinabihan siya nito na tulog na ang kaibigan. Nang sumunod na araw ay binalikan niya ito, ngunit sabi ni Aling Celia ay wala raw ito. Simula noon ay tila iniiwasan na siya ni Errol.
Simula noong naging sila ni Shanice ay napansin na ni Erik na lumayo na sa kanya si Errol. Kadalasan ay umiiwas ito at pumupunta sa cafeteria o sa library. Minsan sinusuyo niya itong kumain sa labas pero madalas rin itong may alibi. Kapag naman dinadalaw niya ito sa bahay ay laging wala o tulog. Minsan iniisip ni Erik na baka iniiwasan lang talaga siya ng kaibigan. Nasaktan siya sa ginawang iyon ni Errol.
Ang pagdating ni Ivan ay nagpabagabag rin sa damdamin ni Erik. Tila ba ay nagseselos siya. May hindi siya maipaliwanag na kirot sa dibdib na naramdaman noong unang beses niyang nakitang magkasama sina Ivan at Erik. Nang makita niyang nakaangkas sa motor ni Ivan ang kaibigan ay naalala nito ang mga masasaya nilang tagpo noon, noong siya lamang ang matalik na kaibigang lalaki nito, mga panahong siya lamang ang yumayaya sa kanyang mamasyal.
Malamang ay nakatagpo na nga si Errol ng bagong kaibigan, ng kapalit niya. Natatakot ba siyang mawala na ang pagkakaibigan nila ni Errol dahil kay Ivan? Natatakot ba siyang mukhang nagkakaigihan na ang dalawa at tila higit na sa magkaibigang normal ang turingan nila? Natatakot ba siyang kayang punan ni Ivan ang pagkukulang niya, na kayang gawin ni Ivan sa kaibigan ang di niya kaya?
Nang makita niyang niyayakap ni Ivan ang kaibigang umiiyak, gusto niya itong sunggaban at gawin ang noo'y hindi niya nagawa -- ang yakapin ang kaibigan nang mahigpit. Nang makita niyang hinalikan ni Ivan sa pisngi ang kaibigan, tila ay may pinunit sa kanyang dibdib. Ngunit hindi niya mabatid kung anong klaseng selos ba ito. Gusto niya ring iparamdam kay Errol na andito pa siya, na andito pa ang dati niyang karamay... na mahal niya ito.
BINABASA MO ANG
Enchanted Series 1: Ang Huling Tagaingat
FantasyHighest Ranking #15 in Paranormal SYNOPSIS: Nang magtagpo ang landas nina Errol at Ivan, namuo ang isang pambihirang pagkakaibigan na sa kalaunan ay sinubok ng agam-agam at pag-aalinlangan. Si Errol ay isang simpleng guro na may simpleng pangarap...