Nagising si Errol sa isang masukal na kagubatan. Malamlam ang kapiligiran na tila nababalutan ng hamog o usok. Madilim ang kalangitan. Tila may unos na paparating. Maya-maya pa ay may narinig siyang mga kaluskos. Tumingin-tingin siya sa paligid. May naaninag siyang lalaking tumatakbo papunta sa kanya. Sumisigaw ito, ngunit tila malayo ang boses nito. Hindi niya rin ito mamukhaan dahil sa kumakapal na hamog.
Hinawakan siya nito sa kamay. Tumakbo silang dalawa. Sinuong nila ang masukal na gubat habang hinahampas sila ng mga matataas na talahib at tanim sa kanilang mukha. Naririnig ni Errol ang tunog ng mga nagtatakbuhan sa paligid. Nang lumingon siya ay may naaninag siyang mga lalaking nakaitim.
Nilingon niya ang nakahawak sa kanyang kamay, ngunit tila ba ay hindi niya maaninag ang mukha nito. Mahigpit ang hawak nito sa kanya habang tumatakbo sila. Maya-maya pa ay may nakasalubong silang isa pang lalaki, ngunit gaya ng nauna ay hindi niya rin ito mamukhaan. Nagulat siya nang yakapin siya ng lalaking nakasalubong. Hindi pa rin niya ito mamukhaan. Nagsisigawan sila ngunit hindi mawari ni Errol kung ano ang kanilang pinag-uusapan. Pagkatapos ay tumakbo na ang tatlo.
Napagtanto ni Errol na tinatakbuhan nila ang mga lalaking nakaitim na humahabol sa kanila. Kung bakit sila hinahabol ng mga ito ay hindi niya maintindihan. Ang batid niya nang mga sandaling iyon ay hindi sila ligtas habang nasa loob sila ng gubat. Sandaling tumigil sila sa pagtakbo. Tinanggal ng lalaki ang pagkakahawak sa kanyang kamay. Tinago siya nito sa likod ng isang puno. Pagkatapos ay tiningnan nito ang mga lalaking humahabol sa kanila. Nilingon ni Errol ang lalaking mabilis na gumalaw na tila handang makipaglaban sa mga paparating na hukbo.
Hindi maaninag ng husto ni Errol ang mga pangyayari. Ang sunod niyang nakita ay ang pagliyab ng isang bahagi ng kagubatan sa di kalayuan. Pinagmamasdan niya ang katakatakang pangyayari, ngunit nabigla siya nang hilahin siya ng lalaking kasama nilang tumakbo kanina. Nilingon niya ang kanina'y nakahawak sa kanya. Hindi pa sila nakakalayo ay naramdaman ni Errol na may tumama sa binti niya. Maya-maya pa ay natumba ito at doon niya na lang napansin ang isang bagay na nakatusok sa kanyang binting dumudugo. Ngayon lang napagtanto ng binata ang nagbabadyang lagim sa kagubatan. Kailangan nilang makaalis kaagad dito at mabigyan siya ng lunas. Tinangka niyang tumayo ngunit pinigilan siya ng matinding kirot na nadarama mula sa sugatang binti.
Yumuko sa tabi niya ang lalaki at akmang hinugot ang bagay na tumagos sa kanyang binti. Ngunit hindi niya ito matanggal. Hinubad niya na lang ang kanyang damit at binalot ito sa sugat. Pagkatapos ay binuhat niya ito sa likod at tumakbo sila. Alam niyang nahihirapan ang lalaki sa pagtakbo habang akay akay siya. Ilang sandali pa ang lumipas nang maabutan sila ng naunang lalaking kanina ay hinarap ang mga humahabol sa kanila. Hindi pa rin maaninag ni Errol ang dalawa. Ngunit ayaw niyang madamay ang mga ito sa nagbabadyang lagim.
Nilapag siya ng umaakay sa kanya sa lupa. Nagtatalo ang dalawang lalaki. Hindi pa rin niya maintindihan ang pinagsasasabi nila. Mahina ang kanilang boses, na tila galing sa malayo. Ngunit malapit lang sila kung kaya ay nagtataka talaga si Errol. Hindi niya rin mamukhaan ang mga ito. Parang kilala niya ang mga ito ngunit hindi siya sigurado. Ayaw niyang mapahamak ang mga ito dahil sa kanya. Sinigawan niya ang mga ito. "Iwanan niyo na ako dito! Iligtas niyo na ang mga sarili niyo!"
Hinawakan siya ng pangalawang lalaki sa pisngi at hinalikan siya sa noo. Bakit parang hindi iyon ang unang beses na hinalikan siya ng ganoon ng lalaking iyon?
Mabilis siyang inakay ng naunang lalaki at kinarga siya sa likod nito. Nilingon niya ang kanyang sugat. Ang damit na nakabalot sa kanyang binti ay napuno na ng dugo. Mabilis nilang sinuong ang makapal na gubat. Maingat na tinahak ng lalaking karga-karga siya sa likod ang pababang bahagi ng bundok. Tumigil sila sa isang nakakubling bahagi sa baba ng isang bangin. Ibinaba siya ng lalaki at tiningnan siya nito. Pilit na inaninag ni Errol kung sino ito, ngunit hindi niya talaga ito mamukhaan. Walang anu-ano'y hinalikan siya nito at niyakap.
Unti-unting umikot ang paningin ni Errol at naglaho ang paligid. Nang luminaw muli ang paligid ay nasa kagubatan pa rin siya. Ngunit nawala na ang dalawang lalaki. Wala ring humahabol sa kanila. Wala rin siyang sugat sa kanyang binti.
Nang iangat niya ang kanyang tingin ay nakita niya ang isang kubo mga ilang metro sa kanyang kinatatayuan. May umuudyok sa kanyang pumasok dito. Nang pumasok siya dito ay walang tao. Tumingin siya sa paligid ng masikip na kubo. Nakita niya ang isang baul sa sulok. Hindi niya alam kung ano ito pero may nag-uudyok sa kanyang buksan ito, at binuksan nga niya ito. Nakita niya sa loob ang mga kumikinang na bato. Parang nakita na niya ang mga ito ngunit hindi niya matandaan kung saan at kelan. Sinarado niya ulit ang baul at kinuha ito. Lumabas siya ng kubong tangay ang baul.
Walang anu-ano'y sinalubong siya ng isang babaeng tila ay galit na galit. Bigla siya nitong sinampal. Sa lakas ng sampal ay tumilapon siya. Nakita niya ang baul ilang talampakan mula sa kanya. Pinilit niyang tumayo ngunit hindi siya makatayo. Gumapang siya patungo sa baul, ngunit bigla siyang hinila ng babaeng nakaitim na sutana. May hawak na itong punyal. Sinipa siya nito. Napatihaya siya. Nakita niyang hinawakan na ng babae sa dalawang kamay ang punyal nito at itinuon sa dibdib niya.
Nagising si Errol na pinagpapawisan. Panaginip lang pala ang lahat. Katakataka ang panaginip na iyon. Ngunit mabigat ang pakiramdam niya. Parang may nakadagan sa kanya. Doon niya lamang napansin na may kamay na nakadagan sa kanya. Nang igalaw niya ang kanyang mga paa napansin niyang nakadagan din sa kanya ang mga hita at binti ni Ivan. Ngunit may isa pa siyang naramdaman, isang matigas na bagay sa kanyang likuran.
Ang kani-kanina'y takot na naramdaman dahil sa katakatakang panaginip ay napalitan ng kakaibang sensasyon na dulot ng pagkakayakap sa kanya ni Ivan at ang pagbangga ng matigas na bagay na iyon sa kanyang puwetan.
Hinaplos ni Errol ang bisig ni Ivan. Maskulado talaga siya. Matigas at matipuno ang kanyang braso, halatang nagbubuhat ito ng mga bakal sa gym. Dinama ni Errol ang balat ng natutulog na binata at ang mga pinong balahibo nito. Hindi na rin siya nakatiis at nilapit niya sa kanyang pisngi ang kamay ng katabing binata at inamoy ito. Pagkatapos ay nilingon niya ito. Mahimbing itong natutulog. Napangiti si Errol sa isang magandang tanawin. Ang gwapo niya talaga. At hindi lang siya gwapo, mabait at masayahin pa. Hay, kung naging babae lang siya ay pwede sana. Alam niya ang kanyang limitasyon, gaya ng limitasyon niya kay Erik. Lalaki sila. Babae ang hahanapin. Babae ang iibigin.
Habang hawak ni Errol ang kamay ni Ivan ay hindi niya namalayan ang pagtulo ng kanyang luha. Naiintindihan na niya na kapatid ang tingin sa kanya ni Ivan at nirerespeto niya iyon. Ganoon ang takbo ng isip ni Errol hanggang makatulog muli.
BINABASA MO ANG
Enchanted Series 1: Ang Huling Tagaingat
FantasyHighest Ranking #15 in Paranormal SYNOPSIS: Nang magtagpo ang landas nina Errol at Ivan, namuo ang isang pambihirang pagkakaibigan na sa kalaunan ay sinubok ng agam-agam at pag-aalinlangan. Si Errol ay isang simpleng guro na may simpleng pangarap...