Chapter 35

3.2K 144 3
                                    


"Hindi maganda ang aking mga nakikita nitong huli," saad ng isang babaeng may puting bato sa noo. Nakatingin siya sa kawalan habang nakatayo sa bintana. Hawak niya sa isang kamay ang isang umuusok na tasa.

Lumapit ang matandang lalaki dito at tumingala rin sa mga tala. "Hindi ko alam kung tama ba ang aking desisyon noon." Yumuko ang matanda habang hawak ang magkabilang kamay sa likod.

"Nitong huli ay napapadalas ang mga masasamang pangitain. Ang mga panaginip ay nagbabadya ng paparating na lagim." Humigop si Magda mula sa tasa.

"Alam ko. Alam ko." Pinatong ng matanda ang kamay sa balikat ng ale. "Malakas siya, Magda. Hindi sinlakas ni Damian noon pero pakiwari ko'y may kaalaman siya sa itim na mahika na maaaring mas magpalakas sa kanya." Lumingon ang matanda sa lumang librong punit punit na nasa mesang nailawan ng lampara.

"Kuya Melchor, dapat kumilos na tayo habang maaga pa," saad ng ale. Ang tinig nito ay may halong takot at pag-aalala.

"Paano?" tanong ni Melchor sa kapatid.

Sasagot na sana ang babae nang biglang pumuti ang mga mata nito.

"Magda!" Hinawakan ni Melchor ang mga bisig ng kapatid. Kinuha niya ang tasang may lamang tsaa at pinatong ito sa maliit na mesang katabi ng lampara.

Hindi umimik ang babae. Bagkus ay biglang nag-iba ang ekspresyon nito sa mukha. Kasabay nito ang pagkinang ng batong nasa noo nito. Tila ay natatakot ang ale. Ngunit hindi ito makapagsalita. Ilang minuto itong nanatiling di gumagalaw. Ang mga mata nito'y maputi. Biglang kumunot ang mukha nito na tila natatakot. "Huwag! Huwaaaaag!" Napahawak ito sa kanyang dibdib. Nanumbalik ito sa wisyo.

"Magda, ano'ng nakita mo?"

"Tatlong binata. Sa kagubatan... Hinahabol ng mga lalaking itim." Hinihingal si Magda.

"Malamang bumubuo ng hukbo si Cassandra. Subalit para saan?"

"Hindi ko alam. May papatayin sila, Kuya."

Yumuko si Melchor. Nag-iisip ito nang malalim. Ang mga pangitain ay hindi tukoy, at lalong hindi klaro, ngunit nagsisibli ang mga itong babala sa hinaharap. Kung sa nalalapit na hinahanarap o sa matagal na panahon pa ay hindi nila alam. Isa lamang ang sigurado. Mangyayari ang mga nakita ng kapatid. Ibig sabihin kailangan na niyang maghanda. Ibig sabihin kailangan na niyang ihanda ang kanyang apo, ang apo niya na ang hahalili sa kanya sa oras na...

Nakikita niya ang mga senyales na ang apo niya ay may taglay na di pangkaraniwang kakayahan na maaaring hindi pa nito batid sa kasalukuyan. Kung anumang kakayahang meron ang apo ay hindi rin ito batid ni Melchor. Kailangang masanay na niya ito. Ngunit paano siya makakalapit sa apo? Paano niya ipapaliwanag dito na may importante siyang papel sa mga mangyayari sa hinahanarap, na kailangan nitong tanggapin ang kapalaran niya bilang susunod na tagaingat ng mga elemento? Ang mga agam-agam ni Melchor ang nagpapabalisa sa kanya. Kung naipaalam lamang niya noon pa sa apo kung ano ito. Kung nasanay lamang niya ito.

Hindi handa ang kanyang apo sa anumang magaganap. Paano nito lalabanan ang isang katulad ni Cassandra? Base sa kanilang huling paghaharap ay napagtanto ni Melchor na bihasa na si Cassandra sa paggamit ng kanyang taglay na kakayahan sa pagkontrol ng dilim at kaalaman sa mahika. Pakiwari ni Melchor ay tuso ito. At maaaring naghahanda ito sa muli nilang paghaharap. Nais nitong maangkin ang mga bato, at kung magpapabaya si Melchor ay maaaring maangkin na nga nito ang mga bato.

Ang mga bato ay isa pa sa mga nagpapabagabag sa matanda. Hindi nito alam kung bakit hindi pa sumasanib ang mga ito sa nakatakdang humawak sa mga kapangyarihan ng mga ito. Ang alam niya lamang ay sasanib lamang ang mga ito sa mga nakatakda sa tamang oras. Subalit kailan ang tamang oras na ito? Ilang beses ng tinangkang kunin ang mga batong ito.

"Kuya," saad ni Magda.

Lumingon si Melchor sa kapatid. May pangamba sa mga titig nito.

"Kailangan na nating maghanda. Hindi maaaring maganap ang nangyari dalawampu't limang taon na ang nakalipas."

Umiling si Melchor.

"Ngunit sa nakikita kong premonisyon ay maaaring mas malagim pa ang maganap. Kuya Melchor, ano'ng gagawin natin?"

Bumuntong-hininga ang matandang lalaki. "Hindi ko alam, Magda. Hindi ko alam." Tumingin ito sa malayo.

"Pero, Kuya, tayo lamang sa ngayon ang maaaring makakapigil sa mga magaganap."

"Nagkamali ako, Magda."

"Wala nang saysay ang pagsisisi. Kailangang may gawin na tayo. Kailangan nating maghanda."

"Ano'ng paghahanda ang gagawin natin, Magda? Sa huli kong pakikipagtuligsa sa anak ni Damian ay halos maubusan ako ng lakas. Hinasa niya ang kanyang sarili sa itim na salamangka. Mahihirapan tayong labanan siya, higit na mahihirapan tayong magapi siya."

"Hindi maganda ang aking mga pangitain. Kung hindi tayo kikilos sa nalalapit na panahon ay baka wala na tayong magawa."

"Alam ko. Alam ko. Kailangan ko ng kumilos."

"Kailangang masanay ang susunod na tagaingat. Kuya --"

"Gagawin ko yan. Gagawin ko yan," saad ni Melchor sa mahina at paos nitong boses.

"Hindi natin aabutin ang dulo ng labang ito," saad ni Magda na may namumuong luha sa mga mata. "Iba ang pakiramdam ko sa pagkakataong ito, Kuya Melchor. Ang mga pangitain ng lagim ay iba ang sinasabi." Hinawakan niya ang bisig ng matanda. "Kuya, kailangang maihanda mo na ang susunod na tagaingat sa lalong madaling panahon."

Tumango lang si Melchor.

"Kapag hindi tayo nagtagumpay masisira ang balanse ng kalikasan." Nakasimangot si Magda, kita sa mukha nito ang pangamba. "Magaganap ang isang delubyo. Alam mo ito, Kuya. Alam mo!"

"Batid ko ito, Magda." Yumuko si Melchor at napapikit. "Nakasalalay sa akin ang lahat. Bakit ba sa akin naiatang ganitong tungkulin? Hindi ko ito ginusto. Hindi ko ito pinilit."

"Wala tayo sa posisyon upang kwestyunin ang ating kapalaran, Kuya. Nagkataon lang na ipinanganak tayo sa kakaibang angkan."

"Bakit pa kasi may mga taong sakim sa kapangyarihan, na gagawin ang lahat makuha lamang ang kanilang gusto?" Bumuntong-hininga si Melchor. Sandaling tumahimik ang matanda. "Magda, kailangan ko ng umalis. Magpahinga ka na." Pagkatapos ay kinain na si Melchor ng mga butil ng ilaw at naglaho. Naiwan ang lamparang nagbigay liwanag sa maliit na tahanang tila ay nasa liblib ding lugar. 

Enchanted Series 1: Ang Huling TagaingatTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon