Chapter 36

3K 147 2
                                    


Nakatayo si Melchor sa tapat ng bahay ng kanyang anak at apo. Kinubli niya ang sarili sa lilim ng isang punong humarang sa ilaw na nagmula sa poste. Malalim ang iniisip ng matanda habang nakatingin sa bahay. Paano niya ipapakilala ang sarili? Napatawad na kaya siya ng anak sa paglisan nito? Paano niya ipapaliwanag ang kanyang pagkawala? Paano niya sasanayin ang apo? Kailan niya gagawin ang lahat ng ito?

Hinihingi na ng pagkakataon na gawin niya ang lahat ng ito. Makapangyarihan ang kanilang katunggali. Hindi simpleng kalaban ang anak ni Damian. Kinain ito ng puot at paghihiganti. At kung tama ang premonisyon ng kapatid ay bumubuo o bubuo ito ng hukbo ng mga mandirigma at nagpapalakas, samantalang sila ay tumatanda na at nanghihina. Magiging mahirap para kay Melchor ang mga susunod na yugto sa kanyang buhay.

Biglang nakaramdam ng kakaiba sa paligid ang matanda. Lumingon-lingon ito. Agad itong naglaho.

Lumitaw muli ang matanda sa isang madilim na kalyeng may mga lumang gusaling kinakalawang. May mga sako ng basura sa gilid at mga natapong plastik na may lamang mga basura. Walang katao-tao ang lugar. Lumingon-lingon ang matanda. "Sinusundan mo ako. Alam ko. Pero hindi ka magtatagumpay sa binabalak mo." Narinig niya ang matining na halakhak.

"Nagiging paranoid ka na, Tiyo," saad ni Cassandra na biglang naglakad galing sa isang madilim na sulok. "Look, ako ang may benda. Hindi ikaw."

"Hindi lang 'yan ang mangyayari sa iyo kapag nagtangka kang muling maghasik ng lagim." Pilit na nilakasan ni Melchor ang mahina at paos na boses.

"'Wag kang mag-alala. Wala akong gagawin ngayon. Gusto lang kitang makita." Tumawa si Cassandra.

"Alam ko kung anong ginagawa mo. Sinusundan mo ako," kalmadong saad ni Melchor.

"Hindi ba obvious?"

"Bakit ba hindi ka na lang makuntento sa buhay mo, Cassandra? Mukhang komportable ka naman. Mayaman. Ano pa ba ang gusto mo? Bakit kailangan mong maghasik ng kasamaan?"

"Pag-uusapan na naman ba natin 'yan? Alam mo na ang dahilan."

"Walang kwenta ang paghihiganti mo. Wala itong maidudulot na kabutihan sa ating lahat, maging sa iyo."

"Tumahimik ka! Ikaw ang puno't dulo ng lahat ng ito."

"Ginawa ko lang ang dapat gawin." Tinitigan ni Melchor ang babaeng may benda sa isang balikat.

"Ang pumatay?" Ngumisi ito.

"May mahalagang dahilan kung bakit ko nagawa iyon. Ngayon, ikaw bakit mo ba ginagawa ito?"

"Nasabi ko na ang mga dapat kong sabihin." Matalim ang mga tingin ni Cassandra.

"Gumamit ka na naman ba ang orasyon para masundan ako?"

Ngumisi ang bruha. "Gaya ng sinabi ko sa'yo ay hindi lang ikaw ang may taglay na mga kaalamang hindi pangkaraniwan."

"Alam ko. Alam ko." Mula sa bulsa sa suot ni Melchor ay dinukot nito ang lumang libro ng mga orasyon. "May naiwan ka yata." Iwinagayway ito ng matanda.

Nagulat si Cassandra. "Paanong?"

"Nakuha ko ito sa silid ng mga imbestigador nang hindi nila nalalaman. Hindi ito pwedeng mapunta kung kani-kanino."

"Akin na yan!" Aktong kukunin ni Cassandra ang libro nang ilayo ito ni Melchor.

"Hindi mo na pwedeng gamitin ito, pamangkin." Ngumisi si Melchor. "Dito mo ba nakuha ang iyong mga kaalaman sa salamangka?"

Sumimangot si Cassandra. "Ibigay mo 'yan, matanda ka, o..."

"O?"

Kinumpas ni Cassandra ang kamay na walang benda at lumabas ang enerhiyang itim mula rito at dumaloy papunta sa mata, ilong, at bunganga ng matanda. "Sinwerte ka lang noong nakaraang gabi, tiyo. Pero hindi ka laging suswertehin." Nanlilisik ang kanyang mata habang ginagamitan ng itim na salamangka ang pobreng matanda.

Nakahawak sa dibdib ang matanda na nahihirapang magsalita at huminga. Pumipikit ito sa tila ay sakit na nadarama. Umungol ito pagkatapos ay naglaho.

Lumitaw si Melchor sa isang eskinita. Hinihingal ito habang nakahawak sa pader ang isang kamay. May ilaw sa di kalayuan na mahinang tumama sa marupok na katawan ng matandang nababalutan ng marumi at gusot gusot na damit. Nakahawak pa rin ito sa punit punit na libro.

"Mahina ba ang kapangyarihan mo sa lalim ng gabi, tiyo?" Humalakhak si Cassandra. Naglalakad ito sa eskinita mga ilang metro kay Melchor. "O pinahina ka ba ng nakaraan nating duelo?" Isa pang matining na halakhak. Mula sa kamay niyang nasa gilid ng kanyang bewang ay namumuo ang itim na enerhiyang nagpaikot ikot sa kanyang kamay.

"Hindi mo na maaangkin ang aklat na ito." Pilit nilakasan ni Melchor ang humihinang boses na tila mas namamaos pa.

"Sa tingin ko ay kailangan mo munang magpalakas, tanda. Ngunit bibigyan pa ba kita ng pagkakataon?" Inangat ni Cassandra ang kamay na nakaturo ang isang daliri sa matanda. "Akin na ang libro!"

"Hindi mo makukuha ito." Nakayukong naglakad papalayo ang matanda. Hawak niya ang lumang libro sa isang kamay, ang dibdib sa kabilang kamay.

"Kung ganon..." Muling ginamitan ni Cassandra ng kapangyarihan ng dilim ang tiyuhing umiika-ika.

Binalot ni Melchor ang sarili sa mga umiikot na liwanag. Dama nito ang hirap sa pagsangga sa kapangyarihang itim na muli ay nais tumaklob sa pagkatao niya. Umuungol ang matanda habang naririnig niya ang tawa ng pamangkin. "Liwanag sa silanga'y ako'y pakinggan. Salamangkang itim iyong wakasan. Liwanag sa silangan iyong iwaksi... aaarrghh..." Umuungol si Melchor.

Humalakhak si Cassandra habang naglakad papalapit sa matanda. "Para bang walang silbi ang iyong kaalaman ngayong gabi, tiyo."

"... Sa kadilimang ito ako'y ikubli," bigkas ni Melchor. Walang nangyari.

Humalakhak si Cassandra nang mas matining. "Nakakaawa ka, tiyo."

Inulit ni Melchor ang orasyon. Pilit nitong nilakasan ang pagkakabigkas kahit sa hirap na nararamdaman. "Liwanag sa silanga'y ako'y pakinggan. Salamangkang itim iyong wakasan. Liwanag sa silangan iyong iwaksi. Sa kadilimang ito ako'y ikubli." At binigkas pang muli ang orasyon ng isa pang beses. Pagkatapos ay tumindi ang liwanag na bumabalot sa kanya. Nagpaikot ikot ang mga butil ng ilaw na unti-unting lumaki at naging animo'y mga makikislap na liwanag na nagpaikot-ikot kay Melchor. Ngunit mabilis na numipis ang mga ito hanggang sa maglaho. Kasabay ng paglaho ng mga umiikot na liwanag ay ang paglaho ni Melchor.

Enchanted Series 1: Ang Huling TagaingatTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon