Chapter 47

2.9K 138 4
                                    


Napaatras si Errol matapos makita ang nilalang na nakatayo sa pintuan. Malakas ang kabog ng kanyang dibdib, marahil dahil sa biglang pagkakaantala ng kanyang pagtulog at dahil na rin sa kakaibang panaginip, isang nakakahilakbot na panaginip na hindi naman unang beses niyang naranasan. Hindi niya maintindihan kung ano ang pakay nito. Bakit ba andito ito? Hindi niya ito inaasahan.

Nakatalikod ito na tila ay may hawak na hindi mabatid ni Errol kung ano. Gustong magsalita ni Errol ngunit hindi niya magawa dahil sa kaba na nadarama. Mas lalo siyang napaatras nang makita itong unti-unting umikot paharap sa kanya. Mas lumakas ang kabog ng kanyang dibdib.

"Hi sir."

Nakita ni Errol ang pagngiti nito. Ang ayos ng kanyang porma, ang linis. Ayos na ayos ang kanyang buhok. Ang kanyang mukha ay mas matingkad, at mas lalo itong tumingkad sa ngiting pinakawalan nito. Ang mga mapupungay nitong mga mata ay tila nangungusap. Amoy ni Errol ang pabango niya na nagpatindi sa pagkabighani niya sa kaharap.

Nakatayo si Ivan sa pintuan na nakasuot ng maroon na polo na hapit. Nakabukas ang una nitong butones. Litaw na litaw ang kakisigan niya sa suot. Nagmamarka ang matipuno niyang dibdib sa kanyang suot at ang flat niyang tiyan. Nakaitim itong pantalon na hindi gaanong masikip, hindi rin maluwang. Ang sapatos nito ay matingkad. Ang gwapo at tikas ni Ivan ng gabing ito.

Manghang-mangha si Errol sa nakita. Si Ivan na yata ang nakita niyang lalaki na ang husay manamit. Alam niya kung ano ang dapat isuot. Alam niya kung ano ang magpapalabas ng kanyang kakisigan. Alam niya kung paano mag-ayos. Natulala si Errol sa nakita, pagkatulalang bunga na rin ng kaba at ng mga tumatakbo sa kanyang isipan.

"Ah, Ivan," saad ni Errol na di malaman kung ano ang sunod na sasabihin dahil sa tensiyon. "Dumoble yata ang pagkagandang lalaki mo ngayon." Sa wakas ay may nasabi rin siya maliban sa 'ah' o 'eh.' Nakita niya ang mga puting rosas na nakabalot sa pulang telang nakatali sa puting laso.

"Happy Valentine's Day, Sir Errol."

Tinutunaw si Errol ng mga ngiting iyon. Ang mga mapupungay na matang nakatingin sa kanya ay pinapako siya sa kanyang kinatatayuan. Sa sobrang kaba ay hindi na niya alam ang isasagot. Oo nga pala. Binati nga pala siya nito. "Happy Valentine's Day din, Ivan."

"Ikaw ha. Hindi mo man lang ako binati sa text. Hindi ka man lang nagrereply."

"Ah, eh, kasi..."

"Kasi?"

Ang pilyong ngiting iyon. Ang ngiting laging nagpapatigil sa pagtibok ng kanyang puso. Ang ngiting nagpapahimlay sa kanyang diwa. Ang ngiting nagpapahiwatig na ang kabiguan ay niyakap na ng nakaraan. Ngunit, oo nga pala, hindi siya ang nagmamay-ari ng ngiting iyon. Malamang ang ngiting iyon ay para sa babaeng makakasama ng kaharap sa gabing ito.

"Kasi nawalan ng baterya ang cellphone ko," saad ni Errol sa mahina at pumipiyok nitong boses. Lumunok ito upang mawala ang bara sa kanyang lalamunan.

"Pumipiyok ka pa ha. Nagbibinata ka ba ulit, sir?"

Bakit ang lambing lambing ng boses niya? "Ivan, ang gwapo mo." Hindi na rin nakatiis si Errol.

"I know."

Ang kindat na iyon. Tila mahihilo si Errol sa nakikita. "I'm sure matutuwa ang girlfriend mo pag nakita ka niya." Mahina ang boses ni Errol. Pinapahina ito ng mabilis na kabog ng kanyang dibdib. Nakita niyang nanatili lang na nakangiti ang binata sa pintuan. Ano ba ito? Bakit siya nakangiti nang pagkatamis-tamis? "Ah, Ivan, bakit pumarito ka pa? Baka naghihintay na ang date mo."

"Errol..." Humakbang ang bisitang nakagayak.

"Ah, Ivan, kasi matutulog pa ako. Ah, eh, kasi, eh... Kasi napagod ako sa klase kanina. Magpapahinga pa ako."

"Sandali..."

"Sige na, Ivan. Malapit na kaya mag alas syete. Di ba mas mainam na mas maaga ka sa date mo? Espesyal na araw pa naman ngayon."

"Errol... Kasi..." Muling humakbang si Ivan.

"Anong oras ba ang date ninyo?" Nakita ni Errol na nasa tapat niya na ang lalaki. Amoy na amoy niya ang bango nito.

Nilagay ni Ivan ang kaliwang kamay sa kanyang bulsa habang nakahawak ang kanan sa bouquet.

"Pero... Pero kung mamaya pa ang date mo, okay, sige, pwede ka namang dumito. Maupo ka na lang muna. Gusto mo ikuha kita ng maiinom?"

Lumapit si Ivan kay Errol. Inalis niya ang kanyang kamay sa bulsa at hinawakan ang kanang kamay ng binatang bagong gising. Pagkatapos ay...

Tila bumagal ang takbo ng mga segundo. Tila nakuryente si Errol nang hawakan ni Ivan ang kanyang kamay. Ang sumunod na nangyari ay nagpabilis sa tibok ng kanyang puso. Nilapit ni Ivan ang kumpol ng mga rosas kay Errol at pinatong ito sa kanyang kamay. Banayad na ginalaw ng makisig na binata ang kamay ng nakababatang kaibigan upang hawakan nito ang kumpol ng mga bulaklak. Marahan niyang tinulak ang kamay nito upang mahawakan nito nang husto ang mga bulaklak at mailapit ito sa kanyang dibdib.

"Ivan..." Nangingilid ang mga luha sa mata ni Errol habang nakatingin sa binatang hindi na nakangiti, ngunit nakatingin na nang diretso sa kanya. "Ivan?"

"Will you be my Valentine date?"

Tumigil sa pagtibok ang puso ni Errol. Tumigil ang takbo ng oras. Maging ang paghinga ni Errol ay pinahinto ng tanong na iyon na nagpaulit-ulit sa kanyang diwang tuluyan nang inaresto ng tagpong ito. Ngunit hinila ni Errol ang sariling wisyo pabalik, pabalik sa ngayon, pabalik sa katotohanan. Pabalik sa realidad. "Ivan... No, no." Umiling si Errol. Maingat niyang minuwestra pabalik ang kumpol ng mga bulaklak sa maydala nito. "You're joking. Nagbibiro ka lang, di ba?" Naluluha man ay pinilit ni Errol tumawa. "Palabiro ka talaga. Ginu-good time mo na naman ako ha."

"Hindi ako nagbibiro," mahina at malambing ang boses ni Ivan. Marahan nitong itinulak pabalik kay Errol ang bouquet.

"Ivan, sige na. Kunin mo na ulit. Baka kasi malamog 'yung flowers. Sayang naman. Ang gaganda pa naman ng mga ito."

"Errol," mahinang saad ni Ivan. Hinawakan niya ang magkabila nitong pisngi. "Look at me."

Nakatingin si Errol sa mga matang nakatingin din sa kanya. "Ivan, okay na. Okay na." Pinilit ni Errol na tumawa. "I get your joke na."

"No, you don't."

"Please, Ivan," -- tumulo na ang mga luha ni Errol -- "You can stop now. Kung ito ang idea mo ng practical joke, okay na. Natatawa na ako." Tumawa si Errol nang pilit kahit na umiiyak. Ngunit bakit may namumula din ang mga mata ng kausap? Teka, ano 'to? Nakita ni Errol na nilalapit ni Ivan ang kanyang mukha sa mukha hanggang sa... Lumapat ang kanyang labi sa kanyang kanang pisngi.

"Gusto kita makitang nakangiti ngayong araw na ito. Pwede ko ba makitang ngumiti si Sir Errol ngayon?"

Ang mga tinging iyon... Bakit? Bakit nararamdaman ni Errol ang sinseridad ni Ivan sa mga tinging iyon? "Nakapambahay lang ako tapos haggard pa ako."

"Eh di" -- marahang kinurot ni Ivan ang mga pisngi ni Errol -- "maligo ka at magbihis. Maghihintay ako."

May mga agam-agam pa rin ang guro. Ngunit gaya ng sabi ng bisita ay naligo na nga ito, nagtoothbrush, nagbihis, at nag-ayos. Pagkatapos ng kalahating oras ay bumalik ito sa sala na nakaayos ang buhok, naka-t-shirt ito na gray na plain, cream pants na medyo fitting, at dark green na sapatos na walang sintas. Nakita nito na ang malapad na ngiti ng bisita. "Ayoko kasi talaga ng polo. Ayoko ng semi-formal na attire."

"Ngayon lang kita nakitang ganyan ang ayos. Cute mo tingnan."

Uminit ang pisngi ni Errol. Ano daw? Nakita niyang tumayo si Ivan. "Ibig sabihin..."

"Ano?"

"Sa'yo galing yung card na may rose?"

"Naibigay pala ni manong guard?"

"Oo," sagot ni Errol na nakayuko. "Ivan..."

"Yes?"

Lumapit si Errol dito at niyakap ito. "Salamat." Naramdaman niya ang mga bisig ni Ivan sa likod niya. "Hindi ko alam kung bakit mo ito ginagawa. Pero salamat." Bumitiw si Errol sa pagkakayakap kay Ivan at pinunasan ang kanyang mga pisngi.

"Iyakin ka talaga." Ngumisi si Ivan. "Tara na."

Enchanted Series 1: Ang Huling TagaingatTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon