Dinala ni Ivan sa isang mamahaling dining venue si Errol. Nang dumating sila ay iilan na lang ang bakanteng mesa. Ngunit nagpareserve na ng table si Ivan isang araw na ang nakalipas. Nakita niya ang nakalagay na 'Reserved for Ivan and Errol' sa isang mesa na natatakpan ng pulang tela na makintab. Sa gitna nito ay may nakalagay na vase na may tatlong white roses na magkakaiba ang haba.
Inatras ni Ivan ang isang upuan at pinaupo dito si Errol. Pagkatapos umupo na ito sa kabilang silya. Dinig niya ang mga mahihinang boses ng mga magsing-irog, ang mahinang musika na mas nagpapaganda sa gabi, ang mahihinang tunog ng mga kutsarang tumatama sa mga pinggan ng mga kumakain, ang mga yapak ng mga papasok at papalabas sa lugar na iyon, at ang malalim na hingang binibitiwan ng kaharap. "Okay ka lang ba?"
Tumango si Errol. Ngayon niya lang itong nakitang nakagayak. May itsura ang binata. Hindi nga lang confident. Matalino ito pero parang hindi bilib sa sarili. Matatag pero hindi matapang. Narinig niya itong nagwika.
"Nakaka conscious naman dito. Ang pormal."
"Ayaw mo ba? Gusto mo lumipat tayo?"
"Hindi, okay lang. Ang ganda ng lugar."
Nakita ni Ivan na medyo balisa ang binatang ang buhok ay pinatingkad ng ilaw ilang talampakan mula sa kanilang mesa. Iniiwasan ng kaharap ang kanyang mga tingin. Kung sumulyap ito sa kanya ay panandalian lang at umiiwas agad. "Huy, okay ka lang ba talaga?"
"Ivan, kasi... Tayong dalawa lang ang lalaki at lalaki dito."
"Nahihiya ka ba?"
"Ako, hindi. Ikaw ang iniisip ko."
"Wag mo akong isipin." Hinawakan ni Ivan ang kamay ni Errol. "Gusto ko ngumiti ka."
Ngumiti si Errol. Tila may gusto itong sabihin pero umiwas na ito ng tingin.
Lumapit ang lalaking waiter na nakasombrerong may disenyong puso at nilahad ang menu. Matapos umorder nina Ivan at Errol ay nagpatuloy sila sa pag-uusap. Maya-maya pa ay dumating ang wine at wine goblets nila.
"Ivan, bakit hindi 'yung girlfriend mo ang kasama mo?"
"Wala nga akong girlfriend, di ba?"
"Sa dami mong kakilalang babae, wala kang dinate sa kanila?"
"Ikaw ang gusto kong makasama ngayon."
"Bakit ako?"
"Alam ko kasi wala kang kasama ngayon. Kung hindi kita pinuntahan sa inyo, matutulog ka lang pala buong gabi nang mag-isa."
"Okay lang naman. Sanay na rin ako. Pero, Ivan, salamat ha. First time ko ito."
"First time na?"
"Na may Valentine date. Actually, first time na may formal date."
Bakit kahit ngumingiti si Errol ay parang malamlam pa rin ang kanyang mga mata? "Ako pala ang una mong Valentino." Nakita niyang pinamulahan ito. Alam naman ni Ivan na attracted sa kanya ang binata. Batid niya ito. Hindi man pareho ang kanyang nararamdaman dito ay nais niya itong maging masaya.
"Hindi ka ba talaga naiilang na... Na lalaki ang kasama mo ngayon?"
"Hindi. Hindi ka lang basta lalaki. Importante ka sa akin." Nakita ni Ivan na natigilan si Errol, ngunit ngumiti rin ito.
"Ikaw, Ivan ha. Naninibago ako sa'yo ngayon. Parang ang serious mo."
"Serious ba ako?"
"Oo. Nakakatakot nga, eh."
"Bakit?"
"Kasi baka biglang may bumulagang camera tapos practical joke lang pala ito."
"Loko ka ha." Natawa si Ivan. "Pwera biro, Errol, gusto kita makitang masaya. Parang malungkot ka kasi."
BINABASA MO ANG
Enchanted Series 1: Ang Huling Tagaingat
FantasyHighest Ranking #15 in Paranormal SYNOPSIS: Nang magtagpo ang landas nina Errol at Ivan, namuo ang isang pambihirang pagkakaibigan na sa kalaunan ay sinubok ng agam-agam at pag-aalinlangan. Si Errol ay isang simpleng guro na may simpleng pangarap...