Author's Note: Hindi ko po ito rights.Nitype ko lang po ito galing sa magasin from our Filipino subject na nabasa ko.Natuwa lang kasi ako sa story.Madami nakarelate eh,siguro dito din po sa readers.Hihi.Pabasa na lang po.Leave comments and vote.Thankyou mwa. :>
***
BAKIT KAPAG TUMITINGIN ka natutunaw ako? Bakit kapag lumalapit ka kumakabog ang puso?
Bakit kapag nandito ka sumasaya ang araw ko?
Ito na marahil ang awiting magbibigay-kahulugan sa nararamdaman ko para kay Christian.Sa tuwing mahihiga ako sa aking kama at makapag-iisa ay tanging pangalan ni Christian ang naiisip ko.Ang dami kong na-iimagine kapag siya na ang tumatakbo sa isipan ko.Kahit ang mga bagay sa panghinaharap ay siya ang unang naiisip ko.Hay! Ano ba talaga ito?
Kung minsan pa,kapag magkasama kami,hindi ko maiwasan na mapatitig sa maamo niyang mukha.May mga pagkakataon pa ngang gusto kong pigilan ang pagtakbo ng oras para naman makasama ko siya ng matagal-tagal.Ang corny man nitong sasabihin ko pero totoong si Christian ang nagbibigay kulay sa aking buhay.
Madalas ko ngang kausapin ang aking sarili na itigil na itong kahibangan ko sa matalik kong kaibigan dahil baka ito pa ang maging dahilan sa pagtatapos ng mabuti naming samahan.Matagal-tagal ko na ring nilabanan ang nararamdaman kong ito dahil ayokong masira at mabahiran ng ibang kulay ang aming pagkakaibigan.Subalit,hindi ko na yata kayang pigilan ito.Habang tumatagal kasi lalong lumalalim ang pagtingin ko kay Christian,at tingin ko ay huli na ang lahat para kumbinsihin ko pa ang aking sarili na kaibigan lamang talaga ang turing ko sa kanya.
Isang saglit lang ay bigla na lang ako napabalikwas sa aking kama nang makita kong mag-iikapito na ng umaga.Dali-dali akong naligo at agad naghanda para sa pagpasok sa eskuwela.Tulad ng mga nakaraang araw,inspirado akong pumasok sa eskuwela dahil muli ko na namang masisilayan at makaka-usap si Christian.
Campus crush kung ituring si Christian,at hindi ito nakapagtataka dahil tunay nga namang makisig at gwapo ang kaibigan kong ito.Isa rin iyan sa dahilan kaya hindi ko maiwasang magselos sa mga babaeng lumalapit sa kanya.Matalino at mahusay din si Christian sa klase.Bukod pa sa mga kahanga-hangang katangiang taglay niya,sadyang mabait at maalaga pa siya.Madalas nga akming mapagkamalang magkasintahan dahil iba talaga ang pag-aalaga at pagpapakita ng suporta niya sa akin sa tuwing magkakaroon kami ng gawain sa eskuwelahan.Subalit,alam kong para kay Christian ang lahat ng ito ay wlang halong anumang kakaibang damdamin.Masakit mang tanggapin,kaibigan lang talaga ang tingin sa akin ng aking una at maaaring huling sinisinta.
Gayunpaman,hindi pa rin ako nawawalan ng pag-asa na darating ang araw na mag-iiba ang ihip ng hangin at matututunan din niya akong mahalin.At ang pag-asang ito ang nagtutulak sa akin araw-araw na gawin ang mga bagay na maaaring sa tingin ng ba ay isang kahibangan lamang.
Nakakahiya mang aminin,minsan ako ang bumibili ng meryenda para kay Christian.Para sa akin kasi,isa itong paraan upang lalong maakit at magkaroon ng interes sa akin si Christian.
Nagin maganda naman ang pag-usad ng aming pagkakaibigan sa bawata araw na kami ay magkasama.Subalit,isang araw ay nagbago ang lahat ng ito.Sa hindi inaasahang pangyayari,habang ako ay nakaupo sa lugar malapit sa kantina na madalas naming pagtambayan,nakita ko si Christian na bumili ng sandwich at iniabot ito sa babaeng nasa tabi niya.Noong una ay hindi ako nag-isip ng anuman sa nakita ko.Nagtaka na lamang ako nang patungo na si Christian sa mesa kung saan ako naroroon habang kasama ang babaeng inabutan niya ng meryenda.Nakangiting binati ako ni Christian nang lumapit sa akin,hinila ang isang upuan at pinaupo ang babae.Sa puntong ito,isang emosyon lang ang nararamdaman ko: sakit.Iyon na siguro kasi ang maaari mong maramdaman kung ang taong mahal mo ay ipinakikilala sa iyo ng taong gusto niyang mahalin at ligawan.
Alam kong wala akong karapatan na magpakita ng galit,ngunit mayroon naman siguro akong karapatang umiyak,hindi ba? At iyan ang ginawa ko nang magpaalam na ang dalawa at naiwan akong nag-iisa sa may kantina.Totoo pala talaga ang kasabihan na ang taong siyang nagbibigay-lakas sa iyo ay siya rin palang magpapahirap ng kalooban mo.
Kinakabukasan ay hindi ako pumasok sa eskuwelahan,gayundin ng sumunod na mga araw,dahilan upang magtaka at mag-alala ang aking ina at mga kaibigan.Tatlong araw akong lumiban sa klase;ibig sabihin pitumpu't dalawang oras akong nagmukmok sa aking kwarto at naghahanap ng sagot kung ano ang kulang sa akin at ano ang dapat ko pang gawin upang makuhang mahalin ng taong mahal ko.Ginawa ko ang lahat ng ito hanggang sa mapagod ako.
Hindi bulag at manhid si Christian para hindi mabatid ang totoong dahilan kung bakit ako lumiban sa klase.hindi man niya lubos alma kung gaano kalalim ang pagtingin ko,may hinala ako na matagal ng alam ni Christian na may gusto ako sa kanya.Kaya sigurado ako na batid na ni Christian kung gaano niya ako nasaktan nang ipakilala niya sa akin ang kanyang nililigawan.
Kaya naman hindi na ako nagtaka nang lapitan ako ni Christian isang araw at humingi ng pagkakataon na ako ay makausap.Nakipagkasundo naman ako na makikipagkita sa dati naming tambayan.
Nang magkaharap kaming dalawa ni Christian hindi ko mawari ang aking sasabihin.Gusto ko siyang sigawan at sabihin na wala siyang karapatan na saktan ako nang ganoon.Gusto ko rin siyang tanungin kung ano ang nakita niya sa babaeng yun na hindi niya makita sa akin at kung ano ang dapat kong gawin upang ako ang kanyang piliin.Lahat ng ito ay nais kong itanong gaano man kasakit ang maaari kong makuhang sagot.Subalit,wala akong maapuhap na anumang salita na magsasabi kung ano talaga ang aking nararamdaman noong mga panahon na iyon.
Nang magkaroon ako ng lakas ng loob magsalita,inunahan naman ako ni Christian.Natigilan kaming pareho,at nang magtagpo ang aming paningin,nakita ko ang lungkot sa kanyang mga mata.Noon ko narinig ang tinig niya:
"Matagal ko nang alam,Darien.At sa maniwala ka man o hindi,gayundin naman ang nararamdaman ko,hindi nga lang bilang isang kasintahan,ngunit mas higit pa,bilang isang panghabambuhay na kaibigan.At para sa akin,yun ang pinakamahalaga ata ang tunay na iniingatan.Mahal na mahal kita,Darien,at hindi iyan basta-basta mawawala,may nililigawan man ako o wala."
Hindi ko alam kung ano ang mayroon sa mga salitang binitawan ni Christian,pero bigla na lamang akong naiyak.Noon ko napagtanto na ang pag-ibig ay may iba't ibang anyo.Magmula man ito sa kaibigan,kasintahan,kapamilya o kung kanino pa man pagmamahal pa rin itong maituturing.
Bilang isang mabuting kaibigan,niyakap ako ni Christian at naramdaman ko sa higpit ng kanyang yakap kung gaano ako kahalaga sa buhay niya.Hindi man katilad ng pagmamahal ko para sa kanya ang nararamdaman ni Christian para sa akin,damang-dama ko pa rin kung gaano ito kalalim.At sa ngayon ay sapat na ito para sa akin.
*END*
-Credits to Mr. Jose Nelson D. Tumang.
BINABASA MO ANG
Sa Isang Sulyap Mo..
Teen FictionPlease read.I know may matututunan dito kayong moral lesson in the end.Or somehow baka makarelate pa kayo. :))) Thankyou sa mga magbabasa,vote or even leave comment. :">