Inspirasyon

88 4 1
                                    


Sa pagmulat ng mata, kalungkuta'y unti-unting bumalot sa aking isipan... kaarawan pala ngayon ng aking mahal na asawa.

Habang nag-iisa sa aking madilim na kwarto, hindi ko maiwasang maalala ang sandali nang umuwi ako sa Pilipinas.

Malayo pa'y tanaw ko na ang abot-taingang ngiti ng aking mag-ina. "Welcome home, Papa." 'yan ang nakasulat sa sign board na hawak ng aking pitong taong gulang na anak na bumungad sa'kin sa paglabas ko mula sa paliparan. Habang palapit sa kanila'y hindi ko na napigilan ang pagdaloy ng luha sa'king mga mata. Dalawang taon din ang pinalipas ko mula sa bansang dayuhan sa kagustuhang maging maayos ang kalagayan ng aking pamilya. Mga panahong kailangan mong tiisin ang pag-iisa at ang malayo sa kanila. Mga oras na gusto mo mang umuwi dahil sa pangungulila ay hindi mo magawa sapagkat alam mong walang mangyayari sa pamumuhay ng iyong sambahayan kung babalik ng sariling bansa. Dagdagan pa ng bigat ng loob na kapag nagkasakit ka'y walang magawa kundi pagsikapang alagaan ang 'yong sarili.

Dali-daling tumakbo sa'kin palapit ang aking mag-ina at mahigpit na yumakap... yakap na inabot ng matagal na panahon bago ko muling madama.

"Papa ang dami mo naman pong pasalubong, nandyan po ba yung chocolates ko?" masayang sambit ng aking anak habang tila iniinspeksyon ang mga dala kong bagahe.

"Syempre naman anak makakalimutan ko ba naman ang paborito mo?" nakangiting tugon ko habang nakayakap sa mama niya. Dagli naman siyang nagtatalon, yumakap at nagpakarga sa'kin. Napakabigat na pala ng aking anak, pero balewala ito sa bigat ng mga bakal at sementong binubuhat namin sa construction.

"Thank you, Papa." bibung-bibong sabi niya saka ako pinugpog ng halik. Nakakatuwa na kahit sa pictures at cellphone lang kami may komunikasyon ay hindi malayo ang loob ng aking anak sa'kin. Masaya sapagkat alam kong napalaki ng maayos ng aking misis ang aming supling.

"Oh anak, bumaba ka muna d'yan pagod si Papa dahil sa byahe." wika ng aking mahal na asawa habang nagpupunas ng luha sa kanyang mga mata..luha na alam kong dulot ng kasiyahan matapos ang napakatagal na pagkalayo sa akin.

Bago umuwi ay namasyal pa kami sa isang amusement park na kilalang kilala sa lugar namin. Tila isang malaking garden ito na nilagyan ng iba't ibang atraksyon at mga rides. Bagay na bagay para sa mga gustong mag-unwind at mag-enjoy. Makikita ang mga magsing-irog, magkaibigan at magkakapamilya na libang na libang sa mga atraksyon.

Masayang masaya ang aking anak na nakasakay sa carrousel habang hawak ng mama n'ya. Walang pagsidlan ang ligayang nadarama ko habang pinapanood sila. Ang mga ngiti nila ang aking babaunin sa muling pagbalik ko sa bayan ng aking pagkaalipin.

Kararating pa lang namin ng bahay ay sabik na sabik kong binuksan ang aking dalang maleta. Bagamat pata na ang aking katawan sa mahabang byahe at pamamasyal, dali-dali kong inilabas ang aking mga pasalubong para sa kanila. Mabilis na sinukat ng aking anak ang asul na bestida na tinernuhan ng asul na relo at sapatos.

"Thank you papa, ang bait mo talaga. Ang ganda po oh!" sabi niya saka yumakap sa'kin. Bagay na bagay ang mga ito sa aking anak. Habang pinagmamasdan siya'y lalo kong naisip na gaano man maging kabigat at kahirap ang buhay sa ibang bansa ay kakayanin ko, mabigyan lang sila ng magandang buhay at kapalaran.

"Paano naman ang sa'kin?" malambing na sabi ng aking asawa na kanina pa pala kami pinanonood na mag-ama. Kinuha ko ang isang maliit na kahon mula sa maleta at pumwesto ako sa harap niya.

"Pumikit ka muna." utos ko na kanya namang ikinangiti. Bumilang ako ng tatlong segundo saka ko siya hinalikan sa labi. Matamis na halik na puno ng pagmamahal. Napamulat naman siya saka tumingin sa'king mata.

"Ang pilyo mo pa rin talaga!" tila nahihiyang sabi niya. Pakiramdam ko'y bumalik kami sa pagkabinata at dalaga nang mga sandaling 'yon. Humagikgik naman ang aking anak na tila ba kinikilig. Napaisip tuloy ako kung naiintidihan ba n'ya ang nangyayari sa kabila ng kanyang edad.

InspirasyonTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon