Limang taon na ang lumipas.
Napapabuntong hininga na lang ako tuwing naaalala ko ang mga sandaling masaya sila. Yung mga sandaling nagtanim ako ng galit sa loob ko. Oo. Nagdamdam ako sa kanila. Nagalit ako sa kanila. Puro na lang si kuya. Si kuya. Si kuya. Hindi ba nila ako anak? Sa tuwing may contest akong sasalihan, wala sila. Kasama nila si kuya na pumupuntang ibang bansa. Sa Amerika. Sa England. Sa Japan. Sa Korea. Ako? Sa bahay lang. Kaharap ng pintura , brush at sketchpad. Nasa loob ng apat na sulok ng madilim kong silid. Nag iisip ng masasayang alaala ngunit walang napasok sa utak ko. Tanging inggit at galit ang nagingibabaw sa akin. Tanging mga bangungot ang naiguguhit ko. Mga masasamang pangitain.
Tuwing umuuwi sila galing sa bansang pinuntahan nila, tanging larawan na lang ang naibibigay nila sa akin. Mga masasaya at makukulay na larawan nila kumpara sa malungkot at madilim na larawang naiguguhit ko. Ngunit pasimple akong nagtatago sa isang sulok. Iginiguhit ang bawat larawan na inuuwi nila para sa akin at isinasama ko ang sarili ko na masaya rin kasama nila. Iniisip ko na sana kasama nila ako, na sana masaya kaming lahat at sana buo kami. Bilang isang anak na babae at bunso pa, napakarupok ng damdamin ko para sa kanila. Ngayon galit mamaya okay na. Di ko kayang tumagal ang galit na nangingibabaw sa akin. Kahit papaano gusto ko pa ring maranasan yung init ng yakap ni mama, yung mga pangaral ni papa at yung paglalambing ni kuya. Si kuya na sobra kong kinaiinggitan. Si kuya na iniidolo ko. Si kuya na tinutularan ko. Si kuya na kahit kelan di ko matutumbasan yung halaga niya kina mama at papa.
Minsan, nanalo yung iginuhit ko sa isang contest. Si kuya yung iginuhit ko pero yung mga katangian na makikita sa larawan ay ako. Isang lalaki na mahina, na naghahanap ng kalinga, na nagsusumamo sa pagmamahal ng magulang at nalulungkot. Bibihira ang ganung lalaki kaya siguro napili siya ng mga hurado. Isa ko pa ding ipinanalo ay si kuya na naman ang iginuhit ko na nasa Luneta Park habang umuulan ng nyebe. Nasundan pa ito ng isang lalaki na nakaupo sa isang upuan habang nasa ilalim ng Cherry Blossom. Isa na namang lalaki na nasa harapan ng isang palasyo at katabi ang hari at reyna. At ang pinakahuli kong naiguhit ay isang lalaki na kasama ang mga taong hindi niya kilala na para bang may hinahanap siya. Parang bago sya sa lugar na yun.
Ang sarap sa pakiramdam na manalo ka sa isang patimpalak pero wala nang sasaya pa kung masaya ding nagdiriwang ang mga magulang mo.
Disyembre 24, binago nito lahat. Hindi alam nina mama at papa na sumali ako sa isang contest. Umalis ako habang masaya silang kasama si kuya. Pinapanuod ang mga larawan, nagkukuwentuhan sila nang biglang nagsalita si kuya.
"Bunso. Halika dito kwentuhan tayo"
"Sige kayo na lang. Mukang mas masaya kayo pag kayo lang. Ma, alis lang po ako"
"Bunso, pangako hihintayin kita"
Pagkasabi nun ni kuya, dali dali akong umalis. Tandang tanda ko pa noon yung ngiti ni kuya habang nakatingin sa akin. Sobrang saya niya. Para bang walang wala siyang problema. Sabi ko sa sarili ko, iuuwi ko ang tropeyo at para kay kuya yun. Si kuya ang magiging inspirayson ko sa contest na ito. Masaya akong nagguhit ng pamilyang masaya. Si mama, papa, si kuya at ako. Para kaming isang royal family na nakared carpet na maraming taong hindi namin kilala na nakapalibot sa amin habang pumapatak ang bulaklak ng Cherry Blossom. Masaya ang larawang yun. Makulay na makulay. Suot ni kuya ang paborito nyang polong puti na may kulay asul na burda sa may kuwelyo nito tapos nakaslacks siya. Napakaganda.
12:01
Masaya akong umuwi sa bahay. Patalon talon pa ako habang hawak ang tropeyo na napanalunan ko. Nanalo ako at ibibigay ko to kay kuya. Nang binuksan ko ang gate, nanibago ako. Ang tahimik. Sobrang liwanag. Pumasok ako sa loob at nagulat ako sa nakita ko. Isang kulay puting parihaba ang nakalagay sa gitna ng sala kung saan nakita ko si kuya na nakangiti at masayang nagsabi na hihintayin ako. Lumapit sa akin si mama at sinabing hinintay ako ni kuya hanggang sa huling pagkakataon pero hindi niya na kinaya. Nanghihina akong lumapit sa kulay na puting bagay na napapaligiran ng ilaw at mga bulaklak. Nakita ko si kuya. Ang himbing ng tulog niya. Nakangiti sya.
"Kuya, akala ko ba hihintayin mo ako? May regalo ako sayo oh. Naaalala mo ba yung pangako ko sayo dati na sayo ko ibibigay ang unag tropeyo na matatanggap ko? Eto na oh. Gising ka na oh. Magkukwentuhan pa tayo diba? Gaya nang ginagawa natin dati. Sorry kuya kung hindi na kita nabibigyan ng oras ah. Sorry. Nagselos kasi ako e. Pero ok na kuya oh. Bati na tayo diba? Alam mo namang di kita matitiis diba? Kuya..."
Para akong nakikipag usap na lang sa hangin ng mga panahong yun. Para akong baliw na kinakausap ang wala na. Para akong namatay na rin ng maalala ko si kuya. Naging makasarili ako noon. May sakit pala si kuya noon at may taning na ang buhay niya. Ginawa lang nina mama at papa ang gusto ni kuya kasi gusto nilang maging masaya si kuya sa huling pagkakataon pero napakawalang kwenta kong kapatid. Ipinagkait ko ang ilang oras ng buhay niya para makakwentuhan ako. Ilang linggo akong nagkulong sa silid ko. Gaya lang ng dati na masaya sila pero iba na ngayon, malungkot na din sila. Wala na akong magagawa. Wala na si kuya.
Disyembre 25, 2015
Isang taon na ang nakakalipas pero parang kailan lang nawala si kuya. Araw ng Pasko ngayon at pinili naming maksama si kuya. Nagguhit ako. Isang buong pamilya. Isang masayang pamilya. Habang gumuguhit ako may kung anong pumatak sa sketchpad ko. Kulay puti na galing sa langit. Hinawakan ko iyon. Malamig. Nyebe? Nyebe sa Pinas? Bigla ko naalala si kuya at napangiti sa langit. Alam ko masaya na si kuya kung nasaan man siya. At may kung ano ring pumatak mula sa mata ko.

BINABASA MO ANG
Nyebe sa Pinas
Short StoryAng hirap kalimutan ng mga nakaraan na nagpapabigat sa damdamin mo. Yung bakas ng nakaraan na sana hindi na lang nangyari pero mapapaisip ka din na sana nangyari na nga lang pala yun. Hanggang tingin na lang ako sa mga alaala ng kahapon na kung paan...