Chapter 58

3K 141 10
                                    


Kahit sa kakarampot na ilaw na tumama sa mukha ni Errol ay kita ang pamumutla at pawis niya. Takot at kaba ang namayani sa kalooban ng binata. Ginala niya ang kanyang tingin. Napapaligiran siya ng mga nagtataasang punong ang mga sanga ay nagpagewang-gewang sa itaas. Bigla siyang kinilabutan. Ano ba itong nangyayari? Kinurot niya ang braso. Masakit. Panaginip ba ito? Sana panaginip lang ang lahat ng ito! Sana magising siya sa kanyang kwarto. Sinampal-sampal niya ang pisngi. Pumikit siya. Dumilat. Nasa gubat pa rin siya. Dinig niya ang mga kulisap. Ang ihip ng hangin sa mga puno. Maya-maya pa ay naririnig na niya ang mga kaluskos at mga yapak ng mga armadong lalaki. Nakarinig ulit siya ng mga putok. Naglakad siya ulit nang mabilis hanggang sa mapatakbo na siya. Tinitingnan niya ang daan upang hindi tumama ang paa sa mga nakausling ugat ng mga naglalakihang puno.

Maya-maya pa ay narinig na niya ang agos ng tubig. Malapit na siya sa ilog. Papalapit sa kanya ang mga kaluskos at mga ingay ng nagsisigawang mga kalalakihan. Nakikita niya ang pagtama ng mga pinong pulang ilaw sa iba't ibang bahagi ng kagubatan. Nasaan na kaya ang matanda? Biglang sinakluban si Errol ng matinding takot at pagkabahala. Baka napatay na nila ang matanda. Lolo ba niya talaga 'yun? Kung anu-ano na ang pumapasok sa isipan ni Errol.

"Dito, dito!"

Dinig ni Errol ang boses ng lalaki. Matindi ang kabog ng kanyang dibdib. Tagaktak na ang kanyang pawis. Baka natagpuan na siya ng mga ito. Ngunit mas nanlumo siya sa sunod na nasaksihan. Matarik ang daan patungo sa ilog. Paano ito? Kailangang makaisip kaagad siya ng paaran.

Kinagat niya ang hawakan ng lampara. Habang hawak ang bag sa kaliwang bewang ay nilipat niya ang sabitan nito sa kanang balikat. Dahan-dahang bumaba ang binata sa matarik at mabatong daan. Kita sa mukha nito ang pawis. Napapapikit ito habang humahawak nang mahigpit sa mga bato habang pababa. Dahil hindi makita ni Errol ang daan pababa ay nahirapan nito. Muntik na itong mapasigaw ng muntik siyang madulas sa isang bato. Nahulog ang kagat-kagat niyang lampara. Naririnig na niyang muli ang mga kaluskos at mga yapak ng nagtatakbuhang kalalakihan. Dinig niya ang isang boses sa di kalayuan.

"Pare, dito!"

Kahit natatakot na mahulog ay nagmamadaling bumaba si Errol. Hindi na niya inalintana ang dumi at putik sa kanyang kamay, mukha, at uniporme. Oo nga pala, nakauniporme pa siya. Nang makababa ay hinanap niya ang lampara na nakita niyang nahulog sa paanan ng isang puno at humihina na ang liwanag. Tinaas niya ito at tinanaw ang ilog na hindi masyadong mabilis ang agos. Ang sabi ng matanda ay baybayin niya ang ilog.

Nakatayo si Errol sa mabatong pangpang. Sa bawat galaw ng kanyang mga paa ay tumutunog ang mga maliit na batong naaapakan. Nagsimula siyang maglakad. Dama niya ang lamig ng kanyang pawis na patuloy sa pagtulo. Gaya ng sabi ng matandang nagpakilala sa kanya bilang kanyang nawawalang lolo ay binaybay ni Errol ang pangpang. Bukod sa kanyang lampara ay wala siyang makitang mga ilaw. Walang kabahayan. Wala siyang mahingan ng tulong. Mabilis na naglakad si Errol. Minsan tumatakbo. Minsan naglalakad ng matulin. Hindi na niya malaman kung ilang minuto na niyang nilalakbay ang pangpang. Wala pa siyang natatanaw na tulay. Nasaan ba ang tulay na sabi ng lolo?

Maya-maya pa ay may narinig siyang mga ingay. Hanggang sa --

"Hanapin ninyo! Hindi 'yun pwede makalayo!"

Nakita ni Errol ang isang lalaking lumabas mula sa kagubatan. Nakatayo ito mga sampung metro lamang ang layo mula sa kinatatayuan niya. May isa pang lalaking lumabas sa di kalayuan. At dalawa. Dahan-dahang napaatras si Errol habang lumalakas ang kabog ng kanyang dibdib. Hindi niya mawari kung bakit at paano siya napunta sa ganitong sitwasyon. Ano ba kasi ang ginawa ng matanda, at nadamay pa siya sa kalokohan nito? Ito na lamang ang tanong niya sa sarili habang pinipigilan niyang maiyak dahil hindi ito ang tamang oras para panghinaan ng loob. Hindi nga ba?

Habang nakatago sa likod ng malaking bato ay sinisilip ni Errol ang mga armadong kalalakihan sa di kalayuan. Tinapon niya sa likod ng mga palumpong ang lamparang bigay ng matanda upang hindi siya makita ng mga ito. Nakita niyang unti-unting pumusyaw at nawala ang ilaw mula sa lampara. Napakadilim na ng paligid. Naghintay si Errol na mawala ang mga boses at yapak na naririnig. Sumilip siyang muli. Naaaninag pa niya ang mga kalalakihan at mga suot nilang headlights. Ang iba sa kanila ay may mga laser-guided snipers na ang pulang liwanag ay nakikita niya sa kaitiman ng kagubatan sa gabing ito.

Takot na takot na si Errol. Bigla nitong naisip ang kanilang tahanan, ang maliwanag na sala, ang mainit na ulam na nakahain sa mesa sa hapunan, ang mga ngiti ng kanyang mga magulang. Bakit ba siya nasadlak sa kamalasang ito? Naalala niya rin ang matanda. Napatay na ba siya. Baka patay na siya. Naalala rin niya ang tila mahiwagang mga bato. Ano ba ang mga iyon? At ano ang kinalaman ng mga iyon sa pagtugis sa kanila ng mga taong ito? Mabilis ang paghinga ni Errol.

Sa kanyang takot at pag-iisa ay naalala niya sina Erik at Ivan. Ngayon niya sana kailangan ang mga ito. Subalit, oo nga pala... Napagtanto niya na nag-iisa na siya. Nag-iisa siya. Bigla siyang nangulila sa mga kaibigan at pamilya. Napasandal na lang si Errol sa batong nagkubli sa kanya mula sa mga armadong lalaki. Bigla niyang naramdaman ang labis na kalungkutan sa kadilimang itong wala man lamang dumadamay sa kanya.

Nasa ganoong estado ng pag-iisip si Errol nang bigla niyang marinig ang malakas na pagbagsak ng kung ano sa lupa sa harap niya kasabay ang nakakasilaw na liwanag na nanggagaling sa flashlight ng armadong lalaki. 

Enchanted Series 1: Ang Huling TagaingatTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon