Naalala mo pa ba kung paano mo ako sinaktan?
Ikaw ang unang lalakeng minahal ko sa mundong ito. At ikaw, sa lahat ng tao, ang una ring dumurog ng puso ko.
Naaalala mo pa kaya ang mga pangako mo sa akin noon, na bibigyan mo 'ko ng magandang buhay. Magsusumikap ka para maitaguyod ako hanggang sa hinaharap?
Sobrang saya ng mga panahong iyon dahil mayroon akong isang tulad mo na nagmamalasakit sa akin ng lubos.
Naaalala mo rin kaya?
Noong mga araw na umiiyak ako at ikaw ang una kong tatakbuhan dahil alam kong sa isang yakap mo lang, gagaan na ang pakiramdam ko.
Tinuring mo akong isang prinsesa. Parang isang kayamanan na nararapat ingatan...
Pero sa isang iglap...
Biglang nagbago ang lahat... naglaho kang parang isang bula.
Sumapit ang ika-labing tatlo kong kaarawan, iyon ang unang beses na wala ka sa tabi ko. Sobra akong nalungkot noon dahil hindi ako sanay na wala ang presensiya mo sa mga ganoong okasyon. Pero kinagabihan din ng araw na iyon, dumating ka. Pinatahan mo ako at sa regalong binigay mo ay napawi ang pagtatampo ko sa'yo.
Tinabihan mo ako sa pagtulog at mahigpit akong nakayakap sa'yo dahil baka sa ilang sandali ay umalis kang muli.
Hindi ako nagkamali dahil sa muling pagsikat ng araw, hindi kita natagpuan.
Tunay ngang bata pa lang ako nang mga panahong iyon, hindi ko maintindihan at hindi malinaw sa akin ang lahat. Lagi kong tinatanong ang isang babaeng lubos mo ring minamahal kung nasaan ka na, at ang palagi niyang sagot ay nasa trabaho ka daw.
Lumipas ang mga araw, buwan at taon. Unti-unti kong naiintindihan ang lahat. Naunawa ko ang dahilan ng mga luhang parating lumalabas mula sa magagandang mata ni mama.
Natuto akong gumamit ng mga makabagong teknolohiya at doon kita nahanap. Nasaktan ako sa nakita ko, pero mas nasaktan ako sa tuwing iisipin ko si mama. Masakit para sa akin bilang isang anak, pero alam kong mas doble, triple, o higit pa ang naidulot mo sa kanya.
Sa maraming panahon na nagdaan ay nakita ko kung paano siya naging matatag. Nagawa ko ring maging matatag alang-alang sa kanya.
Pero sadyang mapaglaro ang tadhana, seventeen years old ako nang ma-diagnose si mama sa sakit na lung cancer. Doon ka lang ulit muling nagpakita sa amin. Gustong gusto kitang saktan noon, sampalin at hampasin dahil pinabayaan mo kami. Pero wala akong ginawa kundi pigilan ang sarili, pigilan ang mga luhang nagbabadyang umagos. Nagusap kayo ni mama at nandoon lang rin ako sa loob ng kwarto, tahimik na nakikinig.
Nakita ko kung paano kang humingi ng tawad. Lumuhod ka pa nga sa harap ni mama at umiyak ng lubusan. Napuno ng paghihinagpis ang puso ng bawat isa. Pinatawad ka niya pero hindi na maibabalik pa ang nakaraan. Huli na ang lahat... Ilang araw ang lumipas, namatay si mama. Para bang gumuho ang mundo ko sa pangyayaring iyon. Gusto kong mamatay at mawalan na rin ng buhay. Pakiramdam ko ay nagiisa na lang ako.
Hindi naging biro ang lahat. Tumayo ako sa sariling mga paa at pinilit na bumangon mula sa sakit na pinagdaan. Hindi ako umasa sa'yo. Lumayo ako at namuhay nang magisa.
Lumipas pa ang maraming taon. Maaaring ang sugat na iniwan mo ay naghilom na, ngunit hindi nagawang mabura ng nakaraan ang bakas ng sugat na dinulot mo sa akin.
Alam mo bang dahil sa'yo ay nawalan ako ng pagtitiwala? Iwas ako sa mga kagaya mo, mailap at tila masama ang loob sa lahat ng kalalakihan. Tinuturing ako ng mga kaibigan kong 'man-hater' at siguro'y tama sila doon. Kinamuhian kita pero hindi ko maintindihan and sarili kung bakit idinamay pati ang iba.