Kapayapaan? (poem)

424 3 1
                                    

Kaliwa't kanang murahan,

Kaliwa't kanang sagupaan;

Kaliwa't kanang kaguluhan,

Kapayapaan kailan makakamtan?

Kung anu-anong kalokohan,

Kanya-kanyang trayduran,

Walang habas na kasakiman.

Pagkakapantay-pantay nasaan?

Kailan natin pag-iisipan,

Kailan magkakaunawaan,

Kailan itatama ang kabuktutan,

Kapag ba milyon na ang pinaglalamayan?

Sana nama'y atin nang tigilan,

Itigil na ang hidwaan.

Sa halip ihasik ang pag-iibigan

Ang pagkakaibigan ay simulan.

'Wag sana nating hayaan

Mga isisilang pa'y ito ang kamulatan

Pare-pareho lang tayong mahihirapan

Kung pagpapakumbaba'y hindi matututunan.

Nais ko pang masaksihan,

Bawat isang pagbabayanihan.

Maranasan ang kapayapaan,

Dito sa mundong ginagalawan.

Nais ko pang matunghayan,

Mga ngiting bukal sa kalooban;

Pati mga Puti't Kayumangging nagtatawanan,

Bago ako humantong sa'king himlayan.

Hindi tayo nilikha para magpatayan,

Hindi tayo ginawa para mag-angilan

Kaya ipalaganap natin ang pagmamahalan.

Ako ba'y inyong sasang-ayunan?

-Sheila Noreen

Kapayapaan? (poem)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon