Isang beses kada taon lamang sumasapit ang araw ng Kapaskuhan. At tuwing papasok ang buwan ng Disyembre, sinisigurado kong handa na rin ang mga kakailanganin kong sangkap at kagamitan sa paggawa ng sikat na sikat na puto bumbong at bibingka.
Simula noong bata pa ako, nakagawian na namin ng ate ko ang pagluluto ng pagbebenta ng mga nasabing kakanin sa may simbahan ng San Gabriel. Subalit katulad nga nang mga nakaraang Pasko, wala pa rin si ate Lucy.
Limang taon na ang nakararaan noong huli ko siyang nakita. Naaalala ko pa kung gaano kami kasaya noon sa ginagawa naming dalawa.
"Ate, ako na po ang maglalagay ng mga nalutong puto bumbong sa dahon ng saging." Wika ko.
"Sige Aaliyah, basta siguraduhin mo na maayos ang pagkahanay ng bawat piraso ah."
"Opo, ate!"
"Ang bait talaga ng kapatid ko. Pa-kiss nga si ate!" At saka niya ako hinagkan sa pisngi.
Habang isinasalansan ko ang mga nabalot na kakanin, si ate naman ay patuloy pa rin sa pagluluto ng bibingka habang kumakanta ng "Pasko na Sinta ko." Isa-isa niya rin nilalagyan ng itlog na maalat ang malapit nang maluto na bibingka. Nang matapos siya sa pagluluto ay nagpaalam siya sa akin na aalis muna.
"Aaliyah, may importante lang na pupuntahan si ate ah. Dito ka lang. Kapag nagkulang ang niluto natin, alam mo na ang gagawin. Kaya mo 'yan. At lagi mong tatandaan na mahal na mahal ka ni ate." Muli niya akong hinagkan sa aking noo bago siya tuluyang lumisan.
Sa pagkakataon na 'yon, naramdaman ko nang may hindi magandang mangyayari. At iyon na nga, ang gabing 'yon na ang huling pagkikita namin. Wala akong balita tungkol sa kanya. Kung nasaan ba siya o kung ano na ang kalagayan niya. Sampung taong gulang ako noon nang umalis siya at iniwan ako.
Sa bawat taon na lumilipas, hindi ako tumigil sa pagbebenta ng kakanin sa tuwing simbang gabi. Nagbabakasakali pa rin kasi ako na isang araw ay bigla na lang susulpot at babalik si ate.
Alas-kwatro na ng madaling araw nang maubos ang mga paninda ko at kalagitnaan na ng simbang gabi ang inabutan ko. Sa pagmamasid ko sa buong paligid, hindi ko mapigilan ang mainggit sa mga nakikita kong pamilya na sama-samang nagsisimba. Ang ilan pa ay magkakahawak ang kamay. Mabuti pa sila, masaya kasama ang mga mahal nila sa buhay. Samantalang ako, heto at nag-iisa.
Dahan-dahan na umagos ang luha mula sa aking mga mata. Hindi ko alam kung bakit ako ganito. Ang tanging alam ko lang ay nangungulila ako. Nangungulila sa kaisa-isang pamilya na mayroon ako.
Miss na miss ko na ang mga panahon na magkasama kaming namamalengke, nagluluto at nagtitinda. Gayundin ang pagdalo namin sa simbang gabi kahit halos wala na kaming inaabutan dahil sa tagal maubos ng aming mga paninda. Ate Lucy, miss na miss na kita. Please, bumalik ka na.
Sa totoo lang, gustong-gusto kong magalit sa kanya subalit mas nananaig pa rin sa akin ang pagmamahal ng isang kapatid. Mas malakas pa rin ang pagtitiwala ko na ibabalik siya ng Diyos sa akin sa tamang panahon. At doon, nananalig ako.
BINABASA MO ANG
Puto Bumbong at Bibingka
Short StoryNapatunayan ko na kung mananalig at magtitiwala ka sa Diyos, darating ang panahon na matutupad ang mga dasal mo. Alamin ang kwento ni Aaliyah at ang kahulugan ng wagas na pagmamahal. (Winner: 2015 Cup Of Tea one-shot contest by MsLittleQueencess)