Amain

120 7 6
                                    


Malaki ang pangangatawan mo. May tattoo ka sa kaliwang braso at sa ilalim niyon ay ang peklat na natamo mo ng minsang madaplisan ka ng bala ng baril. Maitim ang 'yong mga balat dala ng araw-araw mong pagtatrabaho. Puti na ang buhok mo dala ng pagtanda. Ang noo mong laging nakakunot ay sadyang nakakatakot. At ang mga labi mong nangigitim na dahil sa paninigarilyo'y madalang makitaan ng ngiti.

Sabi nila masungit ka.

Sabi nila madamot ka.

Sabi nila masama ang ugali mo.

Sabi nila matanda ka na at hindi nababagay kay ina.

Hindi sila nauubusan ng sasabihin. Hindi sila nagsasawang husgahan ka.

Pero mali sila. Maling mali. Ibang-iba ka sa taong tinutukoy nila. Malayong-malayo.

Sa likod ng mukha mong palaging galit ay ang mabuti mong puso. Pusong handang tumanggap, umalalay at magmahal.

Mahal na mahal mo kami ni mama. Sa kabila ng lahat ng salitang ipinupukol nila sa iyo, ay hindi ka tumigil na iparamdam samin ang pagmamahal at pag-aaruga mo. Ang pag-aalaga, pag-intindi at pagsuporta mo sa amin ni mama ay walang pag-aalinlangan. Di mo man maibigay ang marangyang buhay sa amin, ang bagay na ipinaparamdam mo ay di kayang tumbasan ng anumang salapi.

Palagi mo kaming ipinagluluto ng pagkain. At kapag tinamad kami ni mama ay ikaw na din ang maghuhugas ng pinggan. Marunong ka ding maglaba, yun nga lang, halos mapunit ang tela sa kakukuskos mo. At di pa tapos ang labahin mo'y upod na ang sabon. Masipag kang maglinis at mag-igib ng tubig. Hindi mo kami pinapabayaan.

Natutuwa din ako sa mga kwento ni mama ng love story nyo. Lalo na kapag daw nag-away kayo, naglalasing ka at sinusundo mo sya. O di kaya nama'y itatago mo ang lahat ng mga damit nya para di sya makaalis. At ang paborito ko sa lahat, nung nag-away kayo at umalis sya ng bahay. Hindi mo sya sinundan. Tapos nung bumalik sya, nakita ka nyang nagwawalis ng bakuran. Naka-sunglasses habang umiiyak. Tinukso at inasar ka naming dalawa ni mama habang tawang tawa kami sa kakaimagine sa itsura mo. At ang pinakamaaction, nang habulin ka ng itak ng lola dahil tutol sya sa relasyon nyo. Pero di ka nagpatinag. Ipinaglaban mo sya. At ganoon din naman sya sa'yo.

At sa tuwing papasok na ko sa eskwelahan, napapagalitan mo ako dahil sa kabagalan ng kilos ko. Palagi mong sinasabing makupad ako. At kapag binabanggit mo na ang paborito mong linya ("Kupad!") ay matatawa nalang ako. Pagkatapos ay bibilisan ko na dahil baka tuluyan kang magalit. Kapag maputik ang dadaanan ko ay isinasaklay mo pa ko sa likod mo para hindi ako madumihan. Ikaw ang tagapagtanggol ko kapag pinapagalitan at pinapalo ako ni mama. Sa tuwing nandyan ka at hinahabol nya na ako ng pamalo ay kinukuha mo ako't itinatago sa likuran mo. Mahal mo nga ako. Mahal mo ako kahit di ako galing sayo.

Madaming masasayang alaala ang naidulot mo sa amin sa kabila ng ating payak na pamumuhay. Maraming ngiti, tawa, halakhak ang pumuno sa ating simpleng tahanan.

Ngunit sadyang mapaglaro ang tadhana.

Disyembre noon, nagsasaya ang mga tao dahil malapit na ang kapaskuhan. Habang ako, nakatingin sayo, hinahaplos ang yong mukhang di ko maabot dulot ng salaming nakapagitan sa atin. Pag-angat ko ng tingin ay nakita ko ang puting laso kung saan nakasulat ang pangalan ni mama. At sa kabila naman ay ang aking pangalan, sa itaas niyon ay ang mga katagang Mga Anak. Mga katagang nagpangiti sa akin ng mapait.

Nakalimutan mo na ang huminga.


Sa paghatid namin sa'yo sa huling hantungan ay walang humpay ang mga luhang umaagos sa aking pisngi. Nagda-drive ka na daw papuntang langit, sabi ng pari. Madaya ka. Iniwan mo kami ng walang pasabi. Masakit ang maiwan. Mahirap tanggapin agad ang katotohanang kailanma'y di ka na namin makikita, mahahawakan at maririnig. Pero kailangan. Kailangan naming magpatuloy ng wala ka.




Kung nasaan ka man ngayon, gusto kong sabihin na miss na miss ka na namin, papa.

AmainTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon