Daloy ng Panaginip by Sheena Gwendolyn D. Valdez

37 0 0
                                    

Daloy ng Panaginip

By: Sheena Gwendolyn D. Valdez

Ako si Monique. Monique Delos Reyes. Dalawampung taon ng nabubuhay nang hindi alam ang tunay na patutunguhan. Maraming problema na hindi ko rin alam kung paano ko nalulusutan. Hmmm. Paano nga ba?

Kasalukuyan akong nag-aaral sa kolehiyo at isang taon na lamang ay ga-graduate na ako. Sa wakas ay ga-graduate na rin ako. Sana. Naging mahirap din ang aking mga pinagdaanan bago ako nakarating sa kung nasaan man ako ngayon.

Wala na akong magulang. Sumakabilang buhay sila nang ako ay kinse anyos pa lamang nang dahil sa aksidente. Pabalik na sila noon sa aming probinsya galing sa Maynila nang magkaroon ng bungguan. Boom! Ni hindi man lang sila naidala sa ospital. Nang malaman ko ang nangyari, walang luhang pumatak ngunit nadurog at nawasak ang aking puso.

Panganay ako sa aming limang magkakapatid kaya’t pinilit kong maging malakas para sa kanila. Masakit ang mawalan ng mga magulang sa panahong kailangan na kailangan mo ng magulang na gagabay sa’yo ngunit nangyari ang nangyari at wala akong ibang dapat na gawin kundi ang magpakatatag para sa aming magkakapatid. Sa isang iglap lamang ay gumuho ang aking mundo at napakahirap na ito’y ayusing muli. Paano ko nga ba aayusin nang madalian ang mundong napakatagal kong binuo?

Nagkahiwa-hiwalay kaming magkakapatid. May mga kapatid akong napunta sa tiyuhin ko na kapatid ng nanay ko. Yung isa naman ay sa tiyahin ko na kapatid ng aking tatay. At kung kani-kaninung tiyuhin at tiyahin pa. Palipat-lipat. Basta may matirahan.

Ako nama’y namuhay nang mag-isa. Ako ang nanatili sa aming munting bahay. Nagpapasalamat din naman ako na may mga kamag-anak ako na sinuportahan kaming magkakapatid nang mga panahong gumuho ang aming mundo.

Pumasok ako sa kolehiyo kahit na alam kong hindi ko pa alam kung saan ako kukuha ng pambayad ko ng matrikula. Hindi nagtagal ay nakagawa ako ng paraan. Naging working student ako at nakakuha rin ako ng scholarship. Pinilit kong itaguyod ang sarili ko kahit mahirap. At ngayon nga ay nasa huling taon na ako sa kolehiyo.

Sa limang taon na pananatili ko sa kolehiyo, aaminin kong may mga maling bagay din akong nagawa. Naging gahaman ako sa grado, naging manggagamit ako ng ibang tao, naging madaya ako, naging hindi ako totoo ngunit hindi ako naging lakwatsera dahil wala akong pera at panahon para maglakwatsa.

Naging gahaman ako sa grado dahil sa grado ko nakasalalay ang pananatili ng aking scholarship. Kahit na nakatapak ako ng ibang mga tao ay wala akong pakialam. Sarili ko lamang ang inisip ko. Naging selfish ako. Nanggamit ako ng ibang tao para makuha ko ang gusto ko. Hindi ko inisip na may mga nasasaktang tao nang dahil sa kagagawan ko. Bakit ba hindi ko naisip iyon noon? Masyado ko bang inisip ang sarili ko lamang na kapakanan?

Naging cheater ako. Naging motto ko ang it’s better to cheat than to fail. Masasabi ko nga bang matalino akong tao pagkatapos kong gawin ang pandadaya?

Ngayong ga-graduate na ako at naiisip ko ang mga ginawa ko na totoo namang mali, nahihiya ako sa sarili ko. Alam kong hindi proud sa akin ang mga magulang kong sumakabilang buhay na dahil kahit ako ay hindi proud sa sarili ko. Paano ko maipagmamalaki ang aking diploma kung lagi kong naiisip ang mga bagay na nagawa ko at hindi ko na maaari pang ibalik at itama? Hindi ko tuloy malaman kung ipagpapatuloy ko pang labanan ang buhay kung ang lagi kong naiisip ay sa impyerno rin lamang ang aking kababagsakan.

Impyerno. Sanay na yata ako sa impyerno. Alam ko na kung ano ang pakiramdam ng nasa impyerno dahil impyerno ang nangyari sa akin nang sagutin ko ang aking naging unang kasintahan na si Edgar. Disisyete anyos ako noon. Siya ay gwapo, mayaman, galante, at akala ko’y mabait at mahal niya ako. Akala ko’y sinsero siya nang ako’y kanya pa lamang nililigawan. Ibinigay ko sa kanya ang aking napakatamis na “oo” makalipas ang tatlong buwang panliligaw niya. Akala ko’y isa na iyon sa tamang desisyon ko sa buhay ngunit isa pala ito sa mga pinakamaling desisyon kong nagawa. Naging marupok ako kaya nahayaan ko siyang sirain niya ang aking pagkatao. Wala akong nagawa kundi ang umiyak. Malakas siya at napakahina ko. Hindi ko alam kung paano ko siya lalabanan. Kinasuklaman ko siya at mas kinasuklaman ko ang sarili ko dahil sa pagpayag kong muli niyang sirain ang kakabuo ko pa lamang na bagong mundo. Masakit. Mahapdi. Bumaon sa puso ko ang sugat na kanyang iniwan at sinabi ko sa sarili ko na kahit kailan ay hinding hindi na mabubura ang peklat ng sugat na iyon sa puso ko. Iniwan niya akong parang bula at nag-iwan siya ng tanda ng ginawa niya sa akin.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Jul 30, 2013 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Daloy ng Panaginip by Sheena Gwendolyn D. ValdezTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon