Chapter 8

7 1 0
                                    



Kaagad siyang dumistansya kay Eric. "Okay lang ako. Sanay na akong nasasaktan. Nakakailang ang pagiging concern mo. May kasama pang paghawak. Masyado kang touchy. Feeling close."

Hindi pinansin ni Eric ang mga sinabi niya sa halip ay tinitigan lang siya nito. Nakaramdam siya ng hindi maipaliwanag na pagkailang sa ginawa nito. Tila ba nababasa nito ang buong pagkatao niya. Ang kabuuan ng nararamdaman niya sa mga nakalipas na mga araw.

"Hindi dahil nasaktan ka ay palagi ka na lang masasaktan. May mga bagay lang talaga na dapat nating pagdaanan."

Napabuga siya ng hangin. "Wala bang shortcut?"

"Kung naghahanap ka ng shortcut para maiwasan ang heartache, para ka lamang naglakad sa ilalim ng ulan at pilit na iniiwasang mabasa."

Literal na napanganga si Ysabel sa sinabi ni Eric sa kanya. Noong masaktan siya kay Marcus talagang inakala niyang hindi na siya makaka-move on. Ilang beses niyang hiniling n asana paggising niya nasa ibang dimension na siya. Ilang beses niyang hiniling na sana totoo ang Ibong Adarna at magpapa-ipot siya para maging bato na siya. Ilang beses niyang tinanong ang sarili kung may shortcut ba sa pagiging brokenhearted. Kung may formula ba para hindi na dumaan sa napakahabang proseso ng paghilom ng pusong pinira-piraso.

Ngayon kay Wesley naman. Hindi niya malaman kung alin ba ang mas masakit ang magmahal at basta na lang iwan o ang magmahal at lokohin. Mayroon bang pinipiling antas ng sakit ang puso? Hindi ba kapag nasaktan ka ay nasaktan ka. Period.

"Ikaw?"

Nagsalubong ang mga kilay ni Eric sa tanong niya. "Anong ako?"

"Paano mo kinaya? Paano ka naka-move on?"

Isang simple ngunit maunawaing ngiti ang isinagot ni Eric bago nagsalita, "Iba-iba ang tao, Belle. Iba-iba rin ang mga pinagdaanan. Sabi nga sa kanta, different folks, different strokes."

Tumango si Ysabelle. "Pero lahat ay nasasaktan. Sa paano man ay naramdaman ang katulad na antas ng sakit ng pusong nasugatan, 'di ba?"

"Tama ka."

"So, paano nga? May formula ba talaga sa pagmomove-on? Kung walang shortcut, ano ang pinakamadaling landas? Hindi ba puwedeng i-fastforward na lang? Ayoko na kasi...ayoko nang dumaan doon. Nakakapagod, mahaba, matagal at masakit..."

Matagal na hindi nagsalita si Eric. Nakatingin lang ito sa kanya na para bang isa itong robot na ina-analisa ang sistema niya. Hindi niya mabasa ang mababanaag sa mukha nito. Hindi niya alam kung ito ba ay nahahabag, naaaliw o naguguluhan sa kanya. Ngunit isa lang ang nararamdaman niya.

Kapanatagan.

May isang bagay sa paraan nito ng pagtingin sa kanya na nagpapakalma sa kanya. Marahil dahil naiintindihan siya nito.

"Walang tamang formula sa pagmove-on, walang shortcut at lalong wala ring fast forward. Dahil sa huli, ang tanging makakagamot lang sa pusong nasugatan ay panahon."

Napabunghalit siya ng tawa matapos marinig ang huling sinabi ni Eric. "Wow! Bagong-bago 'yang sinabi mo ha. Panahon." Ngumiti siya nang pagkalapad-lapad na tila nakakaloko. "Right. Panahon." Agad ding nawala ang mga ngiti niya sa labi. "Buwisit na panahon 'yan!" Tumayo si Ysabel. "Saang botika ba nakakabili ng panahon?" Puno ng kapaitang wika niya. "Pakibili mo nga ako kahit isang bote. Mag-o-overdose ako. Para matapos na ang paghihintay ko sa panahon na 'yan." Sinikap niyang pigilin ang mga luhang nangingilid sa kanyang mga mata. Hindi niya gusto na kaawaan siya ni Eric. Ngunit may dahilan siya.

Nasasaktan ako.

Tao ako eh.

May damdaming nasasaktan.

Hindi na niya hinintay na magsalita pang muli si Eric. Naglakad na siya papunta sa dating silid ng kuya niya. Wala na ang mga dating nakatambak doon. Marahil ay pinalinis na ng mama niya kanina. Kaagad niyang hinanap ang cellphone.

20 missed calls.

10 messages.

Kunot-noo niyang tiningnan kung kanino galing ang mga tawag. Lima roon ay mula kay Amy. Dalawa kay sir Harold at ang mga natira ay kay Wesley. Matagal niyang tinitigan ang number ni Wesley. Saan ba talaga siya nasasaktan? Sa ginawa nito? O sa biglaang pakikipaghiwalay niya rito? Hindi ba dapat matuwa siya na nalaman na niya agad kung ano talaga si Wesley?

Hindi ba mas madaling mawala ang sakit kapag alam mong tama ang desisyon mo? Pero bakit habang lumilipas ang mga araw tila lalong pasakit nang pasakit. Hindi na niya namalayan ang patuloy na pag-agos ng kanyang mga luha. Hindi pa talaga siya umiiyak nang todo. Pinipigil niya. Dahil ang katwiran niya, walang silbing iyakan ang mga lalaking kagaya ni Wesley. Isa lamang iyong pag-aaksaya ng panahon.

Tinawagan niya si Amy. Hindi pa man nakakadalawang ring ay sumagot na ito. "Sis! Kanina pa ako tumatawag sa iyo. Mabuti naman at naisipan mong magparamdam," wika nito sa kabilang linya.

Naupo si Ysabel sa gilid ng kama. "Tungkol pa rin ba 'yan sa sinabi mo sa akin noong nakaraan?"

"Oo. Please."

Sandali siyang tumahimik. Kaagad niyang naalala ang sinabi ni Eric kanina na dapat niyang libangin ang sarili. Kung paglilibang nga bang matatawag ang pagtatrabaho habang naka-leave. Humugot siya ng malalim na paghinga.

"Fine. Kailan ang deadline niyan?"

Narinig niya ang pagsigaw ni Amy sa kabilang linya. Nakikinita-kinita na niya itong nagtatatalon sa tuwa. Ilang sandali pa ay nagsalita na ito, "No deadline, sis! Ang sabi ni sir Harold hindi naman kailangan madaliin. Ipapadala ko sa e-mail mo ang mga detalye. Nandoon na lahat ng sasabihin, pati mga questionaires."

"Okay." Tipid niyang sagot.

"Thank you, sis! Oh, before I hung up. Kumusta ka na? You sound sad?"

"I'm getting there...uhm..I guess..."

"You'll get over him. Huwag mo na siyang isipin."

"Sure. Sige na. I'll check the e-mail later. 'Bye." In-off niya ang cellphone at inilapag ito sa side table. Hindi niya gustong marinig ang tawag ni Wesley or ng kahit kaninoman. She's tired but not physically. Pakiramdam niya ay hapong-hapo ang puso niya nitong mga nakalipas na mga araw. Nahiga siya sa kama at nag-isip kahit alam naman niyang iisa lang ang magiging laman ng kanyang isip kung mananatili siya maghapon sa silid.

Ilang sandali pa ay naramdaman na niya ang pagduyan ng antok. Pakiramdam niya ay unti-unti siyang umaalimbuyo pailalim sa isang napakapusikit na kadiliman. Sinikap niyang may makapitan, ngunit tila siya nasa isang madilim na kalawakan at wala siyang mahawakan. Gusto niyang tumili ngunit tila may kung anong bagay ang nakabara sa kanyang lalamunan.

Hanggang sa ang pusikit na kadiliman na iyon ay napalitan ng isang liwanag. Nasa gitna siya ng isang malawak na pilapi. Sa hindi kalayuan ay may lalaking nakatayo. Hindi niya ito makilala dahil nakatalikod ito. Humakbang siya palapit ditto at saka siya namang pagharap nito sa kanya. Natigilan siya. Huminto sa pagtibok ang kanyang puso.

"M-Marcus?"

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Feb 17, 2016 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Along Came YouTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon