"NAKAKAINIS!" asar na asar na sambit ni Pearl. Padabog na ibinaba niya ang shoulder bag at libro sa desk ng upuan at umupo.
"O, ano'ng nangyari sa 'yo? Ang aga-aga, badtrip ka," puna ng kaklase at kaibigang si May Anne.
"Oo nga. Ang aga-aga, nakabusangot 'yang mukha mo. Pampa-nega vibes 'yan, friend," ani Tiffany, ang isa pa niyang kaklase at kaibigan. Magkakatabi ang mga upuan nila kaya nakakapagkuwentuhan sila.
"May bakulaw kasi sa gate ng school natin. Sinadya pa talaga niya akong abangan doon para lang mambuwisit. Sino'ng hindi maba-bad trip?" nanggigigil na sabi niya.
Natawa si Tiffany. "Huhulaan ko. Si Lewis na naman, tama?"
Pagkarinig niya sa pangalang iyon ay lalo siyang nabuwisit! Si Seth Lewis Parker, ang lalaking abot-langit ang inis niya, ang lalaking walang sawang nambubuwisit sa kanya araw-araw, ang lalaking mahilig magnakaw ng halik sa pisngi niya.
Hindi matantiya ni Pearl kung may sira ito sa ulo o may sapi. Hindi rin niya alam kung bakit siya ang palaging pinupuntiryang inisin nito. Tila gustong-gusto ng hudyo ang makitang naiinis siya.
Kumukulo ang dugo niya rito. Ayaw na ayaw niyang madikit ni hibla ng buhok niya rito dahil may hatid itong kamalasan sa kanya. Naisip niyang baka nagkakataon lang ang malasin siya kapag malapit ito sa kanya. Pero ilang beses na niyang napatunayan na malas ito sa buhay niya. Tuwing absent ito ay walang nangyayaring hindi maganda sa kanya. Hindi siya natatapilok o nadudulas sa daan. Ang masaklap, minsan lang itong lumiban sa klase. Masaya na siya sa isang araw na tahimik at hindi ito nakikita. Masaya na siya sa isang araw na hindi siya nito ninanakawan ng halik sa pisngi.
Napangiwi si Pearl nang mag-flashback sa isip niya ang matunog na halik nito sa pisngi niya. Napapunas siya bigla ng mukha. Kadiri!
"Hindi na bago sa amin 'yan. Sanay na kami sa bangayan ninyong dalawa. Nakakakilig nga kayo, eh. Love birds!" panunukso ni May Anne.
Nahindik siya. Iyon ang ikinaiinis niya sa mga kaibigan. Tinutukso siya ng mga it okay Lewis. Siya, mai-in love sa bakulaw na iyon? No way! Isa iyong malaking bangungot sa kanya. Imposible. "Yuck! Naririnig mo ba ang sinasabi mo, May Anne? Kahit siya pa ang matirang lalaki dito sa mundo, hinding-hindi pa rin ako papatol do'n! Mamamatay na lang ako kaysa makatuluyan ang bakulaw na 'yon." pag-e-exaggerate niya. "Tigil-tigilan n'yo ako sa pagpapares sa kanya. Magkaaway kaming dalawa. Hindi love birds."
"Ikaw lang naman ang tumuturing sa kanyang kaaway. Si Lewis, inaasar ka lang. Ang suwerte mo nga, eh. Ang guwapo-guwapo kaya niya. Hindi siya bakulaw. He's a hottie! Aba, maraming babae ang hinihiling na mapunta sa mga paa mo dahil pinapansin ka niya. Si Seth Lewis Parker. Pangalan pa lang, nakaka-in love na!" kinikilig na wika ni Tiffany.
Marami ngang babae ang nagkakandarapa kay Seth Lewis Parker. He was a half-Filipino, half-British. Filipina ang ina nito at ang ama nito ay Briton. Pero ayon sa mga kaibigan niya, sa Pilipinas ito ipinanganak, lumaki, at nagkaisip.
Matangkad si Lewis. Marahil ay nasa five-nine o six feet ang taas nito. Maputi ang balat at matangos ang ilong. Mayroon itong dimple sa magkabilang pisngi na lumilitaw kapag ngumingiti ito. Ang itim na buhok nito ay sinadyang guluhin ngunit maayos pa ring tingnan. His eyes were deep-set blue. Kasing-kulay ng dagat. Ang kulay ng mga mata ang namana nito sa ama nito. Marami ang nagsasabi na nahahawig ito kay Luke Hemmings, ang Australyanong bokalista ng sikat na banda na Five Seconds of Summer.
But his good looks were nothing for her. So what kung kahawig ito ni Luke Hemmings at asul ang mga mata nito? So what kung isa itong campus heartthrob? Si Pearl lang ang pinagpalang hindi tinatablan ng karisma nito. Hindi siya naguguwapuhan dito. Most of the girls in their campus were dying to be in her shoes. Palagi daw kasi siyang pinapansin at hinahabol-habol ni Lewis. Hinahabol-habol lang naman siya nito para asarin at galitin. Kung puwede nga lang sanang ibigay sa mga ito ang posisyon niya at matagal na niyang ginawa. Para kay Pearl, si Lewis ay isang kutong gusto niyang tirisin nang paulit-ulit. He was a total nuisance and disaster. Hindi darating ang panahon na magkakasundo sila nito. "Mortal enemy" niya ito.
BINABASA MO ANG
When the Love is Real By: Heidi Star (COMPLETED)
Teen FictionHindi alam ni Pearl kung bakit gustong-gusto siyang asarin ni Seth Lewis Parker. Guwapo at sikat nga ito sa campus na pinapasukan nila subalit para sa kanya ay isa itong "demonyong" nakawala sa impiyerno. At layunin nito ang sirain ang araw niya. Pi...