"Imaginatus"

400 51 47
                                    

Ibinukas ko ang aking mga mata at tanging ang kisameng pininturahan ng puti ang una kong naaninag. Dahan-dahan akong bumangon mula sa pagkakahiga at tumungo sa kusina.

Tatlong araw na ang nakalilipas mula nang huli kong naamoy ang niluluto ni Inay tuwing umaga. Hotdog, itlog, tinapa o tuyo- iyan ang mga madalas na lutuin ng aking Ina para sa aming umagahan. Ngunit, isang araw, naglaho si Inay, kasabay nito, ay naglaho rin ang mga ulam na dati-rati’y aking pinagsasawaan.

Hawak-hawak ang isang tasa ng kape ay pumunta naman ako sa aming sala. Humigop ako ng mainit na barakong kape bago nilingon ang sofa kung saan nakaupo palagi ang aking Ama na may sakit sa bato.

“Anak,pakikamot mo nga yung likod ko,” pakiusap niya noon sa akin habang pasimpleng itinataas ang t-shirt at pumupuwesto patalikod mula sa akin.

Naiinis ako sa tuwing uutusan ako ni ama na kamutin ang kaniyang likod, kailanman at nasaanman. Minsan nga ay hindi ko maiwasang isipin na: “Kailan ba matatapos ang walang humpay na utos ni tatay sa akin?! Kamot dito, masahe sa binti niya, kuha ng tubig, nakakasawa! Madami pa naman akong ginagawa!” Ngunit, hindi ko akalaing, magigising nalang ako nang hinahanap-hanap ang utos ni ama.

Matapos mag-isang  kumain ng umagahan, ay naligo na ako at gumayak. Humarap ako sa salamin at inalala ang mga panahon kung kailan, nagsisiksikan kami ng aking mga kapatid sa pagsasalamin. Si bunso na paikot-ikot sa bahay habang hinahanap ang kaniyang I.d na nailagay niya kung saan, si ate na lagi akong pinapangaralan kung ano ang tama at mali, at si kuya na nagpapaplantsa ng polo, nagpapatahi ng kaniyang butas na slocks, sabay mamimikon at mang-aasar. Lahat sila ay naglahong parang bula.

Suot-suot ang isa sa mga pinakamahal kong damit ay lumabas ako sa aming tahanan at naglakad kahit walang tiyak na pupuntahan.

Tahimik ang buong paligid. Tanging ang tunog ng hangin lamang ang sumisipol sa aking mga tainga. Nasa gitna ako ng kalsada ngunit  walang sasakyan ang maaaring magpasanganib ng aking buhay. Pumasok ako sa malaking mall subalit walang security guard na tumingin sa aking mga gamit, walang saleslady na nangungulit sa akin, at walang cashier na naniningil ng mga damit na kinuha ko mula sa mannequin.

Sa maikling salita, walang ibang nilalang na humihinga sa ibabaw ng lupa kun’di ako lamang, ako at ako. Nasaan ang aking mga pamilya? Nasaan ang aking mga kaibigan? Nasaan ang aking mga kaaway? Nasaan ang aking kapuwa na bubuo sa aking pagkatao? At nasaan ang aking minamahal na kasintahan? Wala akong ideya. Ang tanging alam ko lang, ay gumising ako, ng ako na lamang ang natitira sa mundong ito.

Dala-dala ang mga damit na aking kinuha sa department store ay patuloy akong naglakad sa kawalan. Mula sa malayo ay natanaw ko ang photo booth na madalas naming puntahan ng mga kaibigan ko. Umangat ang magkabilang sulok ng aking mga labi habang tinutungo ang nasabing photo booth. Naghulog ako rito ng tatlong barya at kumuha ng aking litaro. Ilang segundo lang ang lumipas at nadevelop na ang picture na tanging pagmumukha ko lang naman ang nakalarawan. Sinuri ko ang litraro at pinagmasdan ang sarili.

Kapag nagpapakuha tayo ng picture, karaniwan nang, ang una nating tinitignan ay ang ating mga sarili. Kung maganda/guwapo ba tayo sa picture, may magulo ba sa mukha natin o kung may tao bang nakaharang sa atin. Iyan ang tinatawag na “Maka-ako” syndrome. Masyado nating pinagtutuunan ng pansin ang sarili anupat nakakalimutan natin tignan kung ano ang nararamdaman ng ating kapuwa.

Subalit, masusi ko mang titigan ang larawang aking hawak ay hindi ko na magawa ang “Maka-ako Syndrome”. Wala namang akong ibang kasama sa picture na ito. Wala na sila, ang aking mga kaibigan na nagsasabi ng masasakit na salita sa akin, naninisi sa aking mga maling paggawi na naghantong sa masamang resulta, namumuna sa aking bawat ikinikilos, ngunit taglay ang pagmamahal ay nagsisikap lang naman sila na mapabuti ako.

ImaginatusTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon