Should I go?
Kanina pa ito pabalik-balik sa kaniyang isipan. Kailangan pa nga ba niyang pumunta sa isang lugar kung saan alam niyang hindi naman siya masasayahan?
"Don't forget to be the most splendid student later, class." Paalala sa kanila ng adviser nila. Ngunit kahit naman hindi na ito sabihin sa kanila, maglilitawan pa din ang mga magaganda mamaya. Magsusulputan na naman ang mga taong pilit na iniiba ang sarili para lamang may makapansin sa kanila. Lalabas na naman ang mga taong nagagawang makaarkila ng gown ngunit hindi magawang makabayad sa kuryente nila. Lilitaw na naman ang mga taong mapagpanggap mamaya.
Nakikinig lamang si Jessie sa isang sulok. Pinaguusapan ng mga kaklase niya ang mga isusuot nito. Ang mga kapartner nila at ang mga nagastos nila. Nagpapayabangan na naman ang mga ito.
Mamaya na idadaos ang kanilang Prom. Ngunit siya lamang ang hindi natutuwa sa mangyayari mamaya. Ayaw niya talaga sa mga ganitong klase ng pagtitipon. Hindi niya gusto ang mga kaartehan katulad nito.
Ngunit kailangan niyang dumalo dito dahil nakaarkila na ng gown ang kaniyang mga magulang. Sayang naman ang pera kung hindi niya ito gagamitin. Isa pa, may corresponding points ang mga dadalo sa Prom. Kailangan niya ng mga points na iyon upang hindi siya mapag-iwanan sa extra-curricular points.
"Jessie, ikaw? Anong kulay ng gown mo?" Bakas ang excitement sa mukha ng kaklase niyang si Venus. Ito ang pinaka matalik niyang kaibigan at ang maituturing niyang, Best friend.
"Hindi ko alam. Hindi ko pa nakikita eh." Sagot niya sa kaibigan. Totoong hindi niya pa ito nakikita. Wala naman siyang pakialam kung pangit ang kalabasan niya mamaya. Wala naman siyang pakialam sa ganitong event kaya ayos lang kung hindi siya magiging maganda.
"Ang tae mo talaga. Don't you know how cool our prom is?" Sabi nito sa kaniya.
"Hindi ka ba naeexcite?" Muling tanong ni Venus kay Jessie. Bakas naman sa mukha niya na hindi siya naeexcite sa mangyayari mamaya. Transparent naman siya kaya bakit kailangan pang itanong ng kaibigan niya iyon sa kaniya.
Bakit naman siya maeexcite kung alam niyang buong gabi lamang siyang uupo doon. Isa pa, walang nag-aya sa kaniya na maging kapartner sa prom. Nakakahiya na halos lahat ay nasa gitna at sumasayaw, samantalang siya ay nakaupo lamang doon. Babae din siya at masakit sa kaniya na walang nagyaya dito.
"Pumunta ka doon ah. Masarap pa din sa feeling yung naranasan mong dumalo sa prom. Wag kang KJ, Jessie." Paalala nito sa kaniya. Halos lahat ng kaklase niya ay pinipilit siyang magpunta doon. mas gugustuhin niya pang matulog na lamang kaysa magpunta doon.
"Sabi mo, you want to experience everything. Kaya pumunta ka." Biglang lumaki ang tyansa ng pagpunta niya mamaya. Nais niya kasi talagang maranasan ang lahat ng bagay na dapat niyang maranasan.
Nais niyang maranasan ang magcutting kahit isang beses. Kaya naman napagdesisyonan niya na magcutting noong isang linggo. Gusto niya ding matulog sa klase kaya ginawa niya. Masaya siya na kahit papaano, naranasan niyang magawa ang gusto niya. Ngunit isang beses lamang niya itong inulit. Ang importante sa kaniya ay nagawa niya ang mga bagay na tingin niya ay masaya.
"Oo na." Pagpayag niya.
"Anak, konting make-up lang. Mukha kang ewan dun kung di ka magmamake-up." Pagpilit sa kaniya ng kaniyang ina. Nakakunot lamang ang noo nito dahil ayaw niya talaga sa make-up.
Nakasuot na sa kaniya ang gown na inarkila ng papa niya. Maganda ito at gusto niya ang kulay. Halter gown ito kaya naiilang siya.
"Ma, pwede namang hindi ako maglagay niyan eh." Pag-angal niya. Hindi niya talaga gusto ang konsepto ng make-up. Para kasi sa kaniya, kaartehan lamang ito. Hindi naman dapat nilalagay. Hindi niya talaga maintindihan kung bakit kailangan pang maglagay ng mga babae nito. Para kasi sa kaniyang paningin, mukhang bakla ang mga babaeng may make-up.