Kagya't kong itinuon ang paningin sa binibining pumasok na tila Diyosa ng kagandahan mula sa Gresya sa parihabang kahoy na lagusang yaon. Hawak-hawak nito ang mga dilaw na bulaklak sa kamay habang ang mga mapupungay na mata ay nakatitig sa puting kabaong na may mga samu't-saring palamuting kulay ginto. Hindi nito inalintana ang malayang pag-ihip ng hangin sa kanyang mukha. Mariin akong nakatutok sa bawat indayog ng kanyang beywang habang papalapit ng papalapit sa kabaong. Marahan nitong inilatag doon ang mga narsiso at tahimik na umutal ng mga katagang hindi ko mawari mula sa aking kinatatayuan.
Tila batubalaning inutusan ako ng aking kamalayan ng inihakbang ko ang aking mga binti papalapit dito. Habang papaikli ng papaikli ang espasyo sa pagitan namin, isang masidhing pagnanasang hawakan ang kanyang mga malulugay na buhok ang tila nag-udyok sa akin. Pinigilan ko ang aking sarili. Naramdaman seguro nito ang aking presensiya nang magsalita ito habang nanatili paring nakapako ang mga mata sa ataul.
"Sabi nga nila, mabuti pa ang patay, nauutusan nila ang buhay na bumalik sa kanilang lupang sinilangan." Huminga ito ng malalim at bahagyang humarap sa akin. Nagpatuloy ito sa pagsasalita. "Bakit nga ba Leon at ngayon mo lang naisipang bumalik dito St. Morse?"
Marahan kong inangat ang aking ulo. Sumulyap sa akin ang mga matang tila may mga butil ng luhang nagbabadyang umagos. Pinagdaop nito ang mga palad at iniangat iyon sa kanyang noo. Isa iyong pakunuwari ng respeto sa mga patay. Isa malayang tradisyon ng mga Morsiyan.
Siya si Marikit, isang taong malapit sa aking puso. Isang taong labis kong pinagkaitan ng pagkakataong pumasok sa aking buhay sa nakalipas na pitong taon. Nilikom ko ang hangin sa aking paligid at malalim iyong nilanghap. Kapagkawa'y, pinakawalan ko ang namumuong hangin na nakaipon sa aking dibdib. Bahagyang bumuka ang aking bibig upang magsalita ngunit pinutol iyon ni Marikit.
"Hindi mo dapat idadahilan ang kamatayan Leon. Aanhin mo ang halaga ng iyong pananatili dito sa libing ng iyong abuela kung hindi naman niya maramdamang nandito ka? Hindi ako maniniwalang pagbibigyan ka ng Aba na makausap siya kung sakaling hihingi ka ng pagkakataong makapiling siya."
"Malalim ang sugat na iniwan mo sa kanya. Hindi ba mas mahalaga sanang umuwi ka dito ng buhay pa siya ng sa gayun ay kahit bilang na ang mga araw niya'y, makakabuo parin kayo ng mga ala-alang hindi kayang burahin ng kamatayan?"
Makikinita sa mga mata nito ang dinanas na hirap. Pilit nitong ikinukubli ang malalim na pinaghuhugutan ngunit hindi ito nagtagumpay. Lantarang mapagmasdan sa kanyang buong bikas ang dinaramdam.
"Alam kong marami akong pagkukulang sa mga taong iniwan ko dito Ki-i. Lalo na sa'yo."
Nag-iwan si Marikit ng sarkastikong ngiti. "Isang malaking kalokohan. Kailangan pa bang may mamatay upang umuwi ka dito? Sobra ka naming naalala. Sobra kitang naalala."
Sinubukan kong buksan ang aking bibig. Gusto kong sabihin sa kanya na walang araw na hindi ko siya inisip. Ngunit alam kong wala iyong saysay. Sa mga panahong iyon, walang kapararakan ang mga tangka kong suyuin siya.
Umiling siya. Marahang tumulo ang mga luhang namumuo sa kanyang mga mata. Kasabay nito ang pag-ihip ng hangin.. "Taglamig na Leon. Pitong taon. Hindi iyon biro. Isa iyong pasakit sa aming naghihintay sa iyo. Ang lalim ng sugat na iniwan mo at sa bawat pag-irog ng panahon, akala ko maghihilom iyon ngunit, hindi pala."
Inabot ko sa kanya ang kaperasong tela na kinuyom ko mula sa aking kamao upang punasan ang mga luhang malayang humahaplos sa kanyang mga pisngi. Ngunit tiningnan niya lamang ito at matiim na tumitig sa akin.
"I'm sorry Leon. Pero sana, hindi ka nalang bumalik. Sana pinaninindigan mo nalang ang iyong pagkawala. Mahirap umasang hindi ka na lilisang muli. Seguro, hindi na namin pa makakayang gumising ng isang umaga na wala ka na ulit." Tumalikod siya at mabilisang binagtas ang parihabang lagusan na pinasukan niya kanina.
BINABASA MO ANG
the HOWLS
Werewolf(Previously: Dugo ang Luha ng Buwan) Dugo ang luha ng buwan Anino nito'y puno ng hiwaga Na sa bawat pagsinag ng liwanag Isang puso ang nagdurusa Halik ng isang misteryong karugtong Ang tanging sagot sa katanungan Na sa pagsibol ng pag-ibig na wagas ...