Dear Papa

1.2K 89 35
                                    

Hello. 

            Remember when you once gave me and my sister Sailormoon dolls because we thought they were so cool and pretty and we looked like them? Pasko noon at hindi ka umuwi. Tinanong ko si Mommy kung bakit at sinabi niya nandoon ka raw sa inyo. Tinanong ko kung saan ‘yung sa inyo na ‘yun at kung pwede ka ba puntahan. Hindi daw kasi malayo.

            Remember when I used to ask you why you are wearing a wedding ring and Mommy doesn’t? Tinawanan niyo lang ako at sinabing magpapakasal din kayo at kami ng mga mga kapatid ko ang magiging flower girls. Tuwang-tuwa ako noon, Pa, kasi gustong-gusto kong magsuot ng dress tsaka mag-make up pati na rin humawak ng basket na puno ng petals. Kikay ‘tong panganay mo eh. Haha.

            Remember when I used to ask you why you went home very seldom? Sasabihin mo o ninyo ni Mommy na busy ka sa trabaho, na malayo yung office mo dito sa atin, na lagi kang ginagabi kaya doon ka na lang sa office matutulog. Bata pa ako noon, tinanggap ko ‘yung mga paliwanag niyo.

            Remember when you used to go with Mommy to fetch me at school? Ako kasi, hindi ko na maalala.

            Papa, maraming masasayang moments natin ang hindi ko na maalala. Yung moments na kinakandong mo ako, niyayakap mo ako kapag nagkikita tayo, ‘yung mga panahon na sinasabihan mo ako ng ‘Siyempre! Mana sa akin ‘yan eh. Anak ko ‘yan.’ Wala na, Pa. Hindi ko na maalala. Sa photo album ko na lang nakikita na masaya tayong dalawa.

            I was in sixth grade then. Magulo na ang sitwasyon natin noon kasi nagkakaroon tayo ng financial problems. Kamuntik na nga kaming mag-stop na magkakapatid noon ‘di ba? Pero nakapag-aral din kami, late enrollees nga lang. Mas gumulo pa para sa akin noong nalaman ko kung paano tayo bilang pamilya.

            Pa, may asawa ka pala. May iba ka pa palang anak bukod sa amin. Hindi po pala ako ‘yung panganay. Lasing kasi si Kuya noon, tapos kung anu-ano sinasabi niya tsaka niya sinabing anak kami sa labas. Na may asawa kang tunay at kabit lang si Mommy. Pa, kumakain ako noon ng sinigang. Favorite ko ‘yun noon pero nawalan ako ng gana kasi nabigyan ng pangalan ‘yung sitwasyon natin na matagal ko nang idine-deny sa sarili ko.

            Alam mo po kung ano ‘yung naramdaman ko noon, Pa? Nasaktan ako at nagalit. Kaya pala hindi ka madalas na umuuwi dito. Kaya pala magkaiba tayo ng apelyido. Kaya pala lagi niyong pinag-uusapan ni Mommy ‘yung mga anak mo daw pati ‘yung isang babae na madalas niyang mabanggit. Galit na galit ako, Pa. Ayaw kitang makita, ni ayaw kitang makausap noon.

            Matagal akong nagalit, Pa. Hanggang ngayon galit ako. ‘Yung galit na pumupuno dito sa puso ko. Masakit na galit.

            Pa, naaalala mo po ba ‘nung recollection ko noong Grade 6? Ikaw ang pina-attend ni Mommy kasi hindi siya makakaalis sa tindahan. Dumating ka naman at natuwa talaga ako noon, Pa. Halos ayaw ko na ngang humiwalay sa’yo noon kasi natatakot ako na baka bigla kang mawala. At nawala ka nga. Tumawag ‘yung boss mo, kailangan ka sa opisina. Nagpaalam ka sa akin. Papa, ayaw kitang paalisin noon. Pinipigilan kita pero wala, eh. Umalis ka at iniwanan mo ako ng one hundred pesos. Naisip ko, gano’n pala. One hundred pesos lang pala ang katapat ko. Pa, iyak ako ng iyak noon. Kasi sa aming magkakaklase, ako lang ang walang magulang na nagsalita sa harap. Nanay ng kaklase ko ‘yung sumama sa akin sa harap. It was a stranger who had put her arms around me when I was crying.

            Ang sakit, Pa. Pinagpalit mo ako sa trabaho mo.

            Gano’n naman palagi. Hindi ka makaka-attend ng family day kasi busy ka. Hindi ka makakanood ng play namin sa school kasi busy ka. Busy ka, Pa.

            I was in fourth year high school then. Ewan ko, pero nag-iba ka, Papa. Ibang-iba ka na. Palagi ka nang galit, palagi mo na kaming pinupuna, palagi mo na kaming pinagbabawalan.

            Oo, Papa. Nagalit na naman ako pero inintindi ko na lang. Iniintindi ko na lang na kaya ka nagka-gano’n eh dahil may sakit ka. Despite those, I tried to please you. But to no avail. Wala akong nagawang tama sa’yo. Parang lahat ng gawin ko, mali. Sablay. Hindi tama.

            Hanggang ngayon, ganyan ka, Pa.

            Palagi mong sinasabi na wala akong utak, na napaka-utak-sardinas ko, na puro katangahan, kawalanghiyaan, kalokohan at katarantaduhan ang pumapasok sa isip ko. Na puro ako pahirap.

            Pa, naaalala mo pa ba noong umuwi ako galing school na nakasimangot at parang pasan ang mundo? Papa, stressed na stressed po ako noon, galing din ako sa pag-iyak kasi nape-pressure na ako at ang liit na ng tingin ko sa sarili ko. Totoong pagod ako pero noong nakita mo akong tapos na maghugas ng mga pinggan sa loob, pinasunod mo naman ‘yung mga hugasin na nasa labas. Sa inis ko, nasimangutan kita kasi nakahiga na ako noon eh. Tapos nagalit ka, Papa. Sinabihan mo ako na lubayan ko na ang pag-aaral kung napapagod na ako.

            Palaging ganyan ang sinasabi mo kapag nakikita mo akong nakasimangot kahit ang hinihintay ko ay magtanong ka kung kumusta na ba ako, ano’ng nangyari sa araw ko, at i-cheer up mo ako, pero wala eh. Papa, sinusubukan ko lang po mag-aral ng mabuti, ‘yung aabot sa expectations mo pero wala. Mali na naman ako. Masama na naman ‘yung ugali ko.

            Papa, hindi po ako nahihirapan sa pag-aaral. Mas nahihirapan po ako na ganito tayo. Na ganito ako sa’yo. Na kapag nakikita ko ‘yung sasakyan mo na nakaparada sa tapat ng bahay o kaya sa parking lot ng school, nai-stress ako at naa-agitate. Na ‘yung presence mo, nakokonekta ko sa anxiety. Hindi ko na po kasi alam kung paano pa kikilos sa harap mo, Papa. ‘Yung kikilos ako na hindi mo ako titingnan na parang walang kwenta ng mga gingawa ko.

            Ikinokompara mo pa nga kami sa mga anak mo. Na kesyo siya, nakatapos ng pag-aaral na walang kang iniintindi. Na kesyo sila, matatalino at masisipag. Masakit, Pa.

            Papa, palagi mong tinatanong kung kailan ako makikinig sa’yo. Kung kailan ako maniniwala sa mga sinasabi mo. Hindi ko po alam. Siguro kapag nabasa mo ito. Siguro kapag naipaliwanag niyo na sa akin kung bakit ganito tayo. Kung bakit napaka-normal para sa inyo na pag-usapan ‘yung isa mong pamilya na parang walang mali sa sitwasyon natin.

            Papa, sorry kung palagi kitang nasisimangutan ha? Hindi ko naman sinasadya eh. Sorry kung hindi ako kagaya nila. Sorry kung hindi ako perfect na anak para sa’yo. Sorry kung ganito ako. Sorry kung sa tingin ko, malayo pa sa pagpapatawad ang nasa isip ko.

            Mahal naman po kita, Pa. Hindi ko lang alam kung kailan ko madi-disassociate ang sakit, galit, disappointment, stress at confusion sa mga salitang ‘yan.

            Pa, ayoko na po ng ganito. Ayoko na pong masaktan ng ganito. Ayoko na pong magalit ng ganito. Nakakapagod po. Nakakapagod na palagi na lang po tayong ganito. Ayoko na, Papa. Marami akong tanong. Maraming bakit sa utak ko na hinihintay kong kusa mong sagutin. Hinihintay ko na kusa mong ipaliwanag pero mukhang naghihintay ako sa wala.

            By the way, Papa, remember? I used to be your favorite daughter.

xxx

Dear PapaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon