"Bez, ok ka lang?" tanong sa akin ni Gina. Nakatingin lang siya sa aking repleksyon sa salamin, nakatayo siya sa aking likuran. Pinagmasdan niya ako habang nakatayo lang din ako sa harap ng salamin, ang dalawang daliri ko'y nakadampi sa aking mga labi. Sa likod ng aking isip ay umiikot ang katanungang bakit ako hinalikan ni Luke.
"Ikaw bez, okay ka lang? Ano ba kasi ang pumasok sa isip mo kanina at ikaw pa ang unang sumigaw ng 'KISS'?" sumbat ko naman sa kanya.
"Sorry bez. Biro ko lang naman iyon. Hindi ko naman akalain na totohanin ni Luke ang paghalik sa iyo. At saka sa cheeks ka lang naman niya sana hahalikan. Ikaw tong humarap sa kanya kaya ka nahalikan sa labi."
Hindi ako nakatugon sa sinabi niya. My punto naman talaga si bez. Pero pinagulong ko na lang ang aking tingin sa kanya.
"Hoy bez. Don't roll your eyes on me. Alam ko gusto mo naman iyong nangyari" pabiro niyang dugtong sa sinabi niya.
"Gusto? Masamang biro yan bez ha? Di ako natutuwa" sabi ko, sabay talikod sa salamin at harap kay Gina. Nginitian lang niya ako.
"Wag ka na magdeny bez. Kitang kita naman ng lahat na tuwang tuwa ka sa ginawang panunuyo sa iyo ni Luke. At kakaibang sweetness ang meron kayo kanina habang umaawit. Pano nga ba ulit yong chorus?"
Nagsimulang umawit si Gina. Lucky I'm in love with my bestfriend, lucky to have been where I have been...
Napatigil lang siya sa pagkurot ko sa kanyang baywang sabay bulyaw ng "Tumigil ka na nga!"
"Uy! Ngingiti na yan! Ayaw pa kasing umamin na may gusto ka rin kay Luke eh."
Napangiti ako. At sa pagngiti kong iyon ay napahiyaw naman si Gina.
"OMG bez! Ikaw ha?! Kelan ka pa may gusto sa kanya?"
"Ha? Ewan. Basta nung nagsimula siyang mapalayo sa atin dahil sa kakapraktis eh hinahanaphanap ko siya. Yun bang parang may kulang sa araw ko kasi hindi niya tayo napapansin. Kapag si Regine ang kanyang bukambibig kung magkakasama tayo ay parang may kung anong tumutusok sa dibdib ko. Para bang nagseselos ako. Pero hindi naman ako sigurado kung selos nga ang nararamdaman ko kasi di ko naman alam kung pagmamahal ba ang nararamdaman ko. Ang totoo ay hindi ko naman talaga maintindihan ang sarili ko bez. Siguro dahil bestfriend natin siya kaya ganoon na lang ang nararamdaman ko." Inisip kong mabuti ang aking isasagot kay Gina upang maiwasan ko ang maraming katanungan niya. Alam kong iintrigahin lang ako niyan. Iniwasan ko ring mabanggit sa kanya ang naging pagsasagutan namin noon ni Luke.
"Yes! In love na rin sa wakas ang bestfriend ko! I'm so proud of you bez!" pabirong hiyaw ni Gina.
"Hoy bez! In love na ba yun? At quiet ka lang! Kakakahiya kapag malaman ng iba" sabi ko sa kanya. Napatawa lang si Gina sa sinabi ko. Nagtawanan na lang kaming dalawa.
Paglabas namin ng ladies' room ay nakita agad kami ni Luke na naghihintay pala sa amin.
"Luke! Bakit andito ka? Di pa naman tapos ang concert," tanong ni Gina sa kaibigan namin.
"Tapos naman ang parte namin. And gusto kong kausapin ka Pam. Sorry pala kanina. Ayos ka lang ba?"
Napatingin ako kay Luke. Binigyan ko lang siya ng pilit na ngiti.
"Oo. Ok lang si Pam, medyo nabigla lang siya kanina. So, balik na tayo doon?" sabat naman ni Gina. Salamat lang at ginawa niya iyon. Pakiramdam ko'y hindi ako makapagsalita sa harap ni Luke.
"Aeh, wala akong balak na tapusin pa ang concert. Uuwi na sana ako. Kayo, tatapusin niyo ba?" sagot naman ni Luke.
"Sige, uuwi na lang din ako. Pam, ikaw, uuwi ka na rin?" Bumaling ng tingin sa akin si Gina. Napatango naman ako.
