"Umalis na kayo rito habang maaga pa!" nakakapangilabot ang wika sa amin ng matandang babae.
Hindi namin pinagtuunan ng pansin ang matanda. Dere-deretso lang kami ni Hayden sa paglalakad.
"Bakit ba kasi tayo napadpad sa lugar na ito ha?" naiinis kong tanong kay Hayden.
"Kasalanan mo 'to e! Kung hindi ka sana nag-walk out sa party, hindi tayo mapapadpad dito." may bahid ng galit sa tonong sagot ni Hayden.
"Sino ba kasi ang maysabi sayo na sundan mo ako ha? Don't tell me, may utang na loob pa ako sayo ngayon?" sarkastiko at mataas na rin ang boses na sagot ko.
"Pwede ba? Tumahimik ka na lang! Wala namang mapapala 'yang pabalang mo na mga sagot e. Naubusan ng gasolina ang sasakyan. Tayong dalawa lang ang nandito. Malilintikan pa ako sa mga magulang mo kapag may nangyaring masama sa iyo!" Inis na inis niyang sagot sa'kin habang binabagtas namin ang daan sa masukal na kagubatan.
Tumahimik na lamang ako. Habang naglalakad, ramdam ko ang pagtayo ng mga balahibo ko sa kamay at leeg dulot ng kakaibang simoy ng hangin sa paligid.
Hanggang sa may nakita kaming munting kubo. Takip-silim na nang mga oras na iyon. Tanging ilaw ng gasera ang maaninag mo sa loob ng kubong iyon.
Ilang beses kaming kumatok at nagbakasakaling may sumagot sa aming mga tawag, pero wala. Kaya nagpasiya akong buksan ang pinto. Hindi naman pala nakasarado, dahan-dahan akong pumasok.
"Ang tigas talaga ng ulo mo, Hunny! Tsk," pabulong na singhal sa akin ni Hayden sabay hawak sa aking kaliwang braso.
"Wala namang tao e. Bukas ang pinto. Pasok na tayo," yaya ko sa kanya.
Pagkapasok namin ay tumambad sa amin ang maliit na mesa. May apat na upuan ito. May apat na mangkok, apat na platong gawa sa plastik at may apat na baso.
Igagala ko pa sana ang aking paningin sa loob nang may maulinigan kaming mga boses sa labas.
Agad kaming umakyat at nakita ang apat na kwarto. Dahil apat ang kwartong naroon, dumeretso kami sa pinakadulo at doon nagtago.
"Pa'no ba yan, wala tayong nakitang pagkain para bukas," sabi ng matandang lalaki.
"Tay, gusto ko po ng puso ng tao. Gutom na gutom na ako," umiiyak na sambit ng batang babae.
"Anak, itong atay na lang muna kainin mo. Wala tayong nahuli e," nanghihinayang namang sagot ng matandang babae.
"Hindi na iyan sariwa, Inay. Mas masarap kapag sariwa pa," pagsang-ayon naman ng batang lalaki.
Nagulat ako sa mga narinig ko at impit na napasigaw. Buti na lang at tinakpan ni Hayden ang bibig ko. Alam kong narinig nila ang pagsigaw ko.
Hindi nga ako nagkamali, papunta na sila sa kwartong pinagtataguan namin. Isa-isa nilang sinuri ang loob hanggang sa mapadpad sa silid kung saan kami nagtatago.
Halos madurog naman ang puso ko nang biglang bumukas ang pinto. Magkasabay kaming natumba ni Hayden.
Hindi na namin pang magawang lumaban. Tinadtad kami ng saksak sa katawan.
Ang huli ko na lamang naramdaman ay ang unti-unting pagbaon ng punyal sa aking dibdib. Kasabay ng pagtusok nito ay ang pagdukot ng aking puso at ang pagdilim ng paningin ko.
BINABASA MO ANG
PUTAHE
HorrorA One Shot Horror story experiment composing of more than 500 words....