Walang imposible sa pag-ibig. Lahat ay hinahamak nito. Wala itong inuurungan. Wala itong sinusukuan. At higit sa lahat, nagtataglay ito ng napakalakas na puwersa na sinuman ay hindi kayang ipaliwanag at labanan. Sa mitolohiyang iyong mababasa, iyong matutunghayan ang pag-iibigan ng mga hindi ordinaryong tao at kung paano sila sinubok ng panahon.
Sa isang kaharian sa Griyego, namumuno ang isang hari na nagngangalang Zeus. Siya ay may kambal na anak na sina Apollo at Artemis sa kanyang asawa na si Leto. Si Artemis ay isang napakagandang dalaga ngunit ni minsan ay di siya umibig ng sinumang lalaki. Siya rin ay ang diyosa ng pangangaso. Si Apollo naman ay isang prinsipe na hinahangaan ng lahat ng kababaihan sa buong kaharian dahil sa kaperpektuhan ng kanyang pagkatao at anyo gaya ng sa kakambal niyang si Artemis. Si Apollo ay mayroong mapupungay na mata na mahahaba ang pilik at bilog na bilog ang itim na parte ng kanyang mga mata. Matikas ang kanyang tindig at ang katawan niya nama'y napakaganda ng hubog. Higit sa lahat, ang pinakakinaaakitan sa kanya ng mga kababaihan ay ang kanyang galing sa panggagamot (dahil siya'y diyos ng panggagamot), pagiging totoo, at ang malumanay niyang boses habang siya'y umaawit (dahil siya rin ang diyos ng musika). Ngunit buong buhay niya namang tinuon ang lahat ng kanyang atensyon sa pagtupad ng kanyang obligasyon sa pagiging diyos kung kaya't hanggang sa dumating siya sa edad na dalawampu't lima, ay wala parin siyang nagiging nobya ... kahit isa.
Isang araw, habang si Apollo'y nag-iikot sa kagubatan, nakasalubong niya si Eros, ang diyos ng pag-ibig. Bata pa lamang sila ay palagi na silang pinagtutunggali at pinagkukumpara dahil sa taglay nilang mga kapangyarihan. Di man sila tunay na magka-away pero yun na ang tingin nila sa isa't isa dahil ito na ang kinamulatan nila. Noong araw na iyon ay naglilibot si Apollo sa kagubatan habang tinutugtog ang kanyang gintong lira. Si Eros naman ay natutulog ng mahimbing noon sa ibabaw ng sanga ng isang puno. Nagambala ang tulog ni Eros kahit na napakaganda ng awitin ni Apollo. Dahil rito, ito'y kanyang kinumpronta. "Apollo! Mahimbing ang aking tulog sa sangang iyon ngunit binulabog ako ng maingay mong lira at nakaririnding tinig. Hindi ba ito lingid sa iyong kaalaman?" ani ng inis na inis na si Eros. "Ganoon ba? Lalayo na lamang ako," tugon ni Apollo. At naglakad na palayo si Apollo. Kanya namang nilagpasan si Eros. "Aba't kay galang mo naman, Apollo! 'Di ka man lang humingi ng paumanhin?! Ikaw na nga itong nakagambala at ikaw pa ang umaasta ng ganyan?!" bulyaw ni Eros. 'Di na ito pinansin pa ni Apollo at patuloy na lamang na naglakad palayo.
Hindi pa ganoong nakalalayo si Apollo nang may naisip na ganti si Eros. "Hmmm... Ni minsan nga pala'y di ka pa umiibig," bulong ni Eros sa kanyang sarili. "May munti akong regalo sa'yo kaibigan." Dagdag ni Eros at ngumiti ng pang-asar.
Bigla-biglang siyang lumipad sa himpapawid at ginalugad ang kagubatan upang hanapin si Apollo. Laking tuwa niya nang makita ito agad. Dali-dali niyang ilinabas ang kanyang pana at pinatama kay Apollo. "Dahil sa panang iyan, iibigin mo ang sinumang babae na iyong makita pagkatama na pagkatama ng pana sa iyo. Ngunit ... " ani ni Eros sa kanyang sarili.
Tanging si Eros lamang ang nakakikita ng kanyang mga pana kung kaya't ng tumama ito kay Apollo, para lamang itong kagat ng langgam sa kanyang dibdib. Bahagyang nahilo si Apollo ngunit dahil wala nga siyang alam, di niya na lamang ito pinansin at napahawak na lang siya sa kanyang ulo.
Sa mga oras ding iyon, namimitas ang isang pangkat ng mga dalaga sa parte ng kagubatan na puro bulaklak. Isa sa mga dalagang iyon ay si Ilona. Mestisa, matangos ang ilong, may mapupulang labi, may mauuumbok na pisngi, may maalon-along buhok, at may magandang ngiti. Ngunit, ang kakaiba sa kanya ay ang kaliwang bahagi ng katawan niya na pulos peklat mula sa pagkasunog. Napakahilig niya sa paru-paro kung kaya't sinundan niya ang paru-parong dumapo sa kanya ngunit agad na lumipad palayo.
BINABASA MO ANG
Si Apollo at si Ilona
RomanceWalang imposible sa pag-ibig. Lahat ay hinahamak nito. Wala itong inuurungan. Wala itong sinusukuan. At higit sa lahat, nagtataglay ito ng napakalakas na pwersa na sinuman ay hindi kayang ipaliwanag at labanan. Sa mitolohiyang iyong mababasa, iyong...