Ngunit ang buhay ay isang tuldok na nanggagaling sa maykapal, umuusbong ang mga talulot nito’t nagsisilbing ikaw; o ako at siya. Nagiging ikaw; o ako at siya ang tuldok sa pamamagitan ng ating pag-iisip – isang pagtatantong ikaw; o ako at siya ay isang malaking bagay, na sadyang pipiglas sa kamunduhan ng daigdig. Oo’t naroon na nga ako. Tayo’y isang tuldok na makapupuwing sa paghihiganting ating naisin sa mga kapwang palalo’t hungkag ang puso, na ang isang tuldok ang siyang papasok sa retina ng mga mata at bubulag sa katotohang ikaw; ako at siya ay isang nananatiling tuldok; at bukod doon ay wala na. Wala na ako bukod sa pagiging isang alikabok na nakapupuwing.
Ngunit may isang ikaw na tumingala sa eskapo ng langit, ang hangganan at limitasyon ng pananaw ng makabagong tao. Na siyang nag-isip na ikaw ay umusbong mula sa binigay ng Diyos na alabok at tuldok, umiskapo ka mula sa katotohanan, nangahas na makatuklas ng mga bago. Ngunit hindi mo alam kung saan ka hihinto. Basta ka lamang pumatsada sa isang layon. Nakalimutan mong meron kang takdang landingan. At nangahas pang mag-isip na ang yaring ikaw ay pumapel sa kawalang-hiyaan at kagaguhan ng lipunan. At oo, tumaas ang tingin mo sa sarili mo. Hindi mo nga naiisip na mas malaki sa’yo ang araw at buwan, at hindi lang iyon – ay higit pang matingkad sa liwanag ng mga nagawa mo sa buhay. Tinignan mo ang iyong sarili bilang isang bagay na mas kaayaaya pa sa bukang liwayway, ng dalampasigan sa paglubog ng araw at ng mapuputing buhanging nagsisilbing daungan ng walang hanggang kasaysayan. Nagpasilaw ka hindi sag into o kayamanan ng mundo, nagpasilaw ka mismo sa iyong sarili: inakala mong alam mo na ang lahat. Hindi mo lang kasi ipinangalandankang may magagawa ka, ipinangalandakan mo pang mali ka, masasabi kong mas lalo ka pa tuloy naging tanga. At nakakahiya kapatid na mas bumaba pa ang tingin ng mundo sa’ting mga tuldok. Kung dating ang tingin nila sa’ting mahirap, pina-aba mo na – kaaba-ba, kalunos-lunos at hindi lang karumaldumal. Dinumihan mo ang sarili mong tuldok sa pag-aakalang ikaw na ang pinakamagaling.
Andito tuloy ako. Nanghihina hindi sa sakit kong pisikal kundi sa tarok ng kutsilyong magkabila ang dulo na umungkat sa pagkatao ko – ang katotohanan na lalo pang nagbibigay diin na ako’y isang tuldok. Hindi ko sinisisi ang isang ikaw dahil batid kong hindi lang naman ikaw ang nangahas na maging isang pinaka. Hindi lang ikaw ang nagsabing matindi ang sarili niya, hindi lang ikaw ang nangahas at nagpakatanga sa pag-aakalang mahihigitan niya ang Diyos. Na magiging Diyos siya. Si Lucifer din kapatid. Nagtangkang higitan ang Diyos, nangahas na mag-akalang siya ang pinaka ng pinaka. At naging ganon ka din. Inakala mong higit na magaling ka sa lahat – masasabi kong wala kayong pinagkaiba ng demonyo; ng demonyong si Lucifer.
Pero dumagsa ang isang malaking delubyo ng buhay. Ang sinasabi kong delubyo ay isang positibo at ubod ng positibong delubyo ng daigdig. Isang himala. Isang milagro. Ito ay nang dumating siya sa buhay ng ikaw at ako. Nang salbahin niya ako sa kamunduhan, nang maipaunawa niya na ang buhay ng tao ay mahiwaga’t magara. Nagbago ang pananaw ko sa buhay. Na inakala ko nuon na ang buhay ay wala na kundi ang isang tuldok. Siya ang naligtas sa ‘kin mula sa pag-aalangan sa sarili at sa kap’wa. Nagsilbi siyang seguridad ng ikaw at ako. Higit-higit sa lahat ay inalis niya ang kahunghangan ko. Ipinaliwanag na hindi lang ako basta isang tuldok. May magagawa ako kahit tuldok lang ako!
BINABASA MO ANG
Ikaw; Ako, Siya at Ang Tuldok ng Buhay
RandomAng tuldok ay may salaysay at may kahulugan Na dapat mapansin at maintindihan Kahit sino ka man ay dapat malaman Na dito sa mundo ikaw ay tuldok lang Kahit na ang araw sa kalangitan Siya ay tuldok lamang sa kalawakan Lahat ng bagay ay tuldok ang pin...