Asul na kalangitan... Mataas ang sikat ng araw na nagpapatingkad sa dagat at ilang buhay na hayop dito.
Ang mga mangingisda ay nasa kani-kanilang bangka upang makahuli ng pang-ulam at pangbenta sa merkado. Sa isang hindi kalayuang isla napadpad naman ang isang matandang babae na nakataas ang kamay at nakadapa sa maputing buhangin sa tabi ng dagat. Nililinisan din ng alon ang dulo ng kanyang mga hita habang kapiling ang basang bag na ginapangan ng ilang kuhol. Mapuno at madamo ang paligid ng tabing dagat na mapapansin ang anino ng ilang bulkan sa malayo at pawang walang nananahan na tao.
Ilang saglit pa ay hihinga ng malalim ang babaeng natutulog at mapapasuka ng tubig alat. Uubo ito at unti-unting babangon. Puno man ng mga buhangin ang balat at suot na damit, hindi alintana ang sobrang pagod at gutom ng nadarama ng dating eredera... ang bagong salta lamang sa isla... ang kumadrona... si Cassie!
Swerteng nakaligtas si Cassie sa matinding alon na sinuong mula sa kabilang isla. Ang kaniyang ginamit na motorboat ay naiwan sa tabi na may butas na ang ilalim at kumalas na mga wire. Pupunta si Cassie sa malinis na tubig dagat upang maghilamos ng mukha at bibitbitin ang bag upang makapaglakad ng nakayapak. Kakapain niya rin ang pitaka sa bulsa hanggang makitang nabasa na rin ang kaniyang natitirang pera. Naroroon pa rin ang kulubot niyang balat, tuyo at matandang pagmumukha.
Habang naglalakad ay mapapansin niya ang isang maputi at matangkad na lalaki na nakatalikod at nakatayo sa tapat ng damuhan. Ang lalaki ay walang saplot sa katawan... makinis ang balat at may matikas na tindig. Titingnan ito ni Cassie mula ulo hanggang sa kaniyang puwet at mapapansin na umiihi ang lalaki. Pagkatapos umihi ay haharap ito sa babae na ikagugulat ni Cassie. AYYY!
Mapapasigaw ang matanda sa makikita at tatakpan ng kamay ang nakabaling ulo upang magpatuloy sa paglalakad.
"So... sorry Miss...",banggit ng lalaki na tatakpan ng kamay ang maselang bahagi. Bakas ang makisig na itsura nito at namumulang sugat sa itaas ng dibdib.
"Ah... okay lang!",napatigil na sambit ni Cassie na nakaharang pa rin ang palad sa mga mata.
Magtatanong mula sa malayo ang nakatalikod na si Cassie, "Itatanong ko lang sana ang daan papuntang bayan... Nasira na kasi yung bangkang ginamit ko rito"
"Ah... Ganun ho ba? Nasa maliit na isla po kasi tayo! Kung gusto niyo po, magpasundo kayo rito sa ilang taong taga-Bayan para po makapunta kayo roon..."
"Si... sige!", nahihiyang sagot ni Cassie, "Salamat na lang!"
Magpapatuloy sa paglalakad sa buhangin si Cassie hanggang matunton ang isang pahingahan sa ilalim ng mababaw na punong niyog. Wala pang bunga ang puno ng niyog ngunit ang mga dahon ay nagsisilbing harang sa matinding sikat ng araw. Doon siya mauupo at bubuksan ang bag upang kunin ang mga nabasang damit. Isasampay niya isa-isa ang mga dalang damit sa katabing sanga at kukunin ang isang pantalon upang gawing higaan sa buhanginan. Walang anu-ano'y susubukang umupo at magpalipas ng oras dito si Cassie hanggang sa katihin ang buo niyang katawan at mainitan.
Maaakit siyang sumuong ng may damit sa malinis at kalmadong tubig sa dagat...lulublob at magtatampisaw.
HOOOOH! SARRRAAAP!
Magiliw na naliligo sa tabingdagat si Cassie. Walang istorbo... walang usyusero... walang ibang tao.
Nilinis na rin niya ang kanyang anit at buong buhok. Haharang ang isang ulap sa araw upang magpalilim sa bahagi ng kaniyang pinaliliguan at nakapikit na tutungo sa langit na pawang nagdarasal. Pagka-alis ng ulap ay siya namang sambulat sa kaniya ng isang lalaking mas batang itsura na sumisid sa dagat at sa kaniya'y lalapit.
BINABASA MO ANG
Ning Kalibutan
Werewolf"Mag-ingat ka sa mga ungol na maririnig mo... Baka ikaw na ang susunod na biktimahin nito"