Dear Ex

1.3K 56 65
                                    

Dear Ex,

Nag-aalala ako sa iyo kasi mahal kita.

Ang tagal na rin noong huli mong sinabi sa akin ang mga katagang iyan. Nakakapanibago. Nakakagulat. Hindi kasi ako makapaniwala na kahit ilang taon na ang nakalipas, iba pa rin ang atake sa akin ng bawat salitang binibitiwan mo.

Bakit ba kasi bumalik ka pa? Hindi mo ba alam na nasasaktan ako sa ginagawa mo? Alam mo ba noong araw na nagkita tayo ulit, kinutuban na akong may mangyayaring hindi maganda. Nakakatawa nga dahil may nakasalubong pa ako noon na itim na pusa. Akalain mong may mga pagkakataon palang nagkakatotoo ang mga pamahiin? Nagsisisi akong nagpumilit pa akong pumunta ng mall noong araw na ‘yun. Kung sanang hindi ko sinunod ang luho ko, hindi sana tayo magkikita ulit. Hindi sana ako masasaktan ulit ng ganito.

Alam mo, nakakainis ka eh. Sabi mo sa akin, kung bibigyan ka ng pagkakataon, ako ‘yung gusto mong mapangasawa pagdating ng panahon. Sabi mo sa akin, ako lang hanggang huli. Pero anong nangyari? Iniwan mo ako sa ere. Hanggang salita ka nalang talaga siguro. Bakit nga ba hindi pa ako nasanay? Lagi namang hindi natutupad ‘yung mga pangako mo sa akin. Hindi mo naman kasi talaga ako naging priority.

Naaalala ko tuloy noong halos dalawang buwan palang tayo. Ang sweet natin sa isa’t isa noon. Naghihintayan tayo sa pag-uwi, at ‘pag naman pinayagan ako ng parents ko, nagsasabay na rin tayong maghapunan sa labas. Ang saya natin noong mga panahong iyon. Kung anu-anong pangako ang binitiwan natin sa isa’t isa. Sabi natin, kahit anong mangyari, hindi tayo maghihiwalay. Pinangako ko sa iyo na kahit makakita pa ako ng mas gwapo o mas mabait, hindi kita ipagpapalit. Sabi mo sa akin, kahit sino pa ang babaeng manlandi sa iyo, sa akin ka lang. Tinupad ko naman ‘yung akin, di ba?

Sigurado naman akong hindi mo pa nalilimutan si Patrick. Grabe ka magselos doon noong tayo pa. Kahit na paulit-ulit kong sinabi sa iyo nag magkaibigan lang kami, nagagalit ka pa rin. Hindi mo kasi inaalala ‘yung pangako ko sa iyo. Alam mo namang tinutupad ko ang mga pangakong ginagawa ko, pero ewan ko ba sa ‘yo. Di ka nagtiwala sa akin. Pilit mo akong pinalayo sa kanya, sinunod ko iyon. Ayos lang naman sa akin noong una, pero kalaunan parang lahat nalang ng mga kaibigan kong lalaki, inilalayo mo na sa akin. Siyempre nasaktan ako dahil wala akong magawa. Sa huli, ikaw pa rin ang nasunod.

Isang araw na may sakit ako, pinilit ko pa ring pumasok sa school. Alam mo naman, ayaw na ayaw ko kasi talagang nagkakaabsent. Mas mahalaga sa akin ang pag-aaral noon kaysa sa kalusugan ko. Hindi ko sinabi sa iyo na may sakit ako kasi mag-aalala ka sa akin at ayaw kong mangyari iyon. Kalagitnaan ng klase namin sa Math, tinawag ako ng teacher para sagutin ‘yung problem sa board. Kahit nanghihina ako, tumayo pa rin ako at lumapit. Mali pala iyon. Bigla nalang kasi akong bumagsak sa sahig.

Isa sa mga bagay na ayaw ko ay ‘yung pinapagalitan mo ako. Pagkagising ko, nasa infirmary na ako’t nasa tabi kita. Matutuwa sana ako kung hindi lang seryoso ang mukha mo. Pagkakita ko palang sa iyo, alam kong sermon ang aabutin ko. Agad kong iniwas ang tingin ko sa mga tingin mo. Masakit kasi sa parte ko na makita kang galit sa akin. Lahat naman siguro ng girlfriend gano’n. Tumayo ka mula sa kinauupuan mo at lumapit sa tabi ko. Nagsalita ka pero ang tanging narinig ko ay pagtatanong mo kung kumusta na ba ang pakiramdam ko. Nagulat ako. Lalo na nang sabihin mo sa akin na nag-aalala ka. Inasahan kong ang lalabas sa bibig mo, kundi ‘Bakit ba kasi ang tigas ng ulo mo?’, ‘Tangina naman, Jane’. Pero hindi eh. Sinabi mo mahal mo ako. Magmula noon, mas lalo na kitang minahal.

Makalipas ang isang taon, matibay pa rin ang relasyon natin. Ang saya nga kasi laging sinasabi ng mga tao na sana tayo ang magkatuluyan. Madalas rin tayong sabihan na perfect para sa isa’t isa. Naaalala ko pa nga ang sinasabi sa akin ng mama mo na sana ako nalang maging manugang niya. Ako lang naman daw kasi ang nakakapagtiis sa kasungitan mo. Ang sarap sa pakiramdam na legal ang relasyon natin. Walang dapat itago. Walang sikreto… ‘yun ang akala ko.

Ayaw ko sanang ipaalam sa iyo ito pero alam ko kung bakit tayo naghiwalay. Alam kong hindi ‘yun dahil kay Patrick, alam kong may iba kang nagustuhan noong tayo pa. Ilang buwan bago mangyari lahat ng iyon, nakita kita sa kalsada na may kasamang babae. Blue ang kulay ng ID lace niya kaya nakasiguro akong mas bata siya sa atin ng isang taon. Hindi mo siguro napansin na nasa kabilang banda ako, nagdire-diretso lang kasi kayo sa paglakad. Ang saya niyong tignan. Ang saya pero nakakadurog ng puso. Ang sakit kasing isipin na hindi lang pala ako ang nakakapagpasaya sa iyo ng gano’n. Sana sinabi mo agad.

Wala akong ibang nagawa noon kung hindi bumalik sa school. Ayaw ko naman kasing umuwi na luhaan. Gusto ko pagdating ko sa bahay, masabi ko pa rin sa mga magulang ko na ayos ang lahat sa pagitan natin kahit alam kong hindi. Pagdating ko, hindi na ako pinapasok nung guard kasi nga daw nakalabas na ako. Nanlulumo akong pumunta sa kalapit na waiting shed kung saan ko naabutan si Patrick. Sandaling nagtama ang mga mata namin kaya naman ngitian ko siya ng kaunti. Umusog siya ng kaunti para hayaan akong makaupo.

Alam kong ayaw mo kay Patrick. Pero noong mga panahon iyon, wala na akong ibang choice kundi umiyak sa kanya. Sa sobrang sakit ng puso ko, akala ko mamamatay na ako. Hindi ko kasi matanggap na ‘yung mahal ko, may nagugustuhang iba. Hindi ko matanggap na niloko mo ako. Hindi ko matanggap na hindi mo tinupad ‘yung pangako mo. Ang sakit, sobra.

Lumipas ang mga araw pero wala kang nababanggit sa akin. Naghintay ako na magpaliwanag ka kung bakit hindi tayo nagsabay umuwi noong araw na iyon. Umasa akong mali ‘yung iniisip kong may unti-unti nang pumapalit diyan sa pwesto ko sa puso mo. Kaso umasa ako sa wala. Araw, linggo, buwan ang lumipas pero wala akong narinig na paliwanag mula sa iyo. Tama nga ang hinala ko. Hindi na ako ang nag-iisang mahal mo.

Isang araw na kumakain ako mag-isa sa canteen, lumapit sa akin si Patrick upang sabayan ako kumain. Noong una nagdalawang-isip pa ako kung papayagan ko siya, naisip kasi kita. Pakiramdam ko, sa tuwing nakakasama ko siya, nagtataksil ako. Pero ano bang magagawa ko? Kaibigan ko pa rin naman siya matapos ang lahat ng nangyari. Napaisip ako noong mga oras na ‘yun, gano’n rin kaya ang nararamdaman mo sa tuwing hindi ako ang nakakasama mo? Hanggang ngayong wala na tayo, hindi ko pa rin alam ang sagot.

Graduation practice nang mapagpasyahan mong tapusin ang lahat. Nakita mo kasi kami ni Patrick na magkasama. Aksidente lang ‘yun, alam mo ba? Nagkataon lang na sabay kaming dumating. Ngayon ko lang nasasabi ito kasi hindi mo naman pinakinggan ang paliwanag ko noon. Sa isip-isip ko, may gana ka pang magalit samantalang ako na nga itong niloloko mo. Gusto kong sumagot, gusto kong lumaban. Kaso wala. Malakas ka talaga sa akin. Mas nangibabaw ang pagmamahal na nararamdaman ko. Kung sanang nanaig rin ‘yung pagmamahal mo sa akin, tayo pa rin kaya hanggang ngayon?

Ilang taon rin bago ako tuluyang makapagmove on. Sa totoo lang, noong una, nagsisi akong hindi kita ipinaglaban. Sa huli, naisip ko na tama lang iyon para hindi na ako tuluyang masaktan. Third year college na tayong pareho ngayon. Ibig sabihin, tatlong taon na ang nakalipas. Matagal na rin pala.

Kaso bakit gano’n? Nakamove on na ako eh. Bakit bigla ka na namang nanggugulo? Hindi ba ikaw rin naman ang nakipaghiwalay? Hindi ba ikaw ang nang-iwan? Bakit kung kailan naghihintay ako na bumalik ka, hindi ka dumating? Bakit ngayon pa kung kailan wala na? Pasensya ka na, naiinis lang kasi talaga ako sa iyo. Hindi pa rin kasi talaga nawala ang pagiging late mo eh. Late ka na nga sa pagdating mo sa mga klase mo noon, late ka pa rin sa pagbalik mo sa akin ngayon.

Masaya ako sa muli nating pagkikita, pero hindi ako masaya sa alok mo, kaya nga nagsisisi rin ako kahit papaano na muling nagkrus ang mga landas natin. Pasensya ka na talaga. Hindi na tayo pwedeng magsimula ulit. Hindi na natin pwedeng ibalik ang dati. Nangyari na kasi eh. Iniwan mo na ako. Ipinagpalit mo na ako. At tapos na rin ako sa iyo. Masakit para sa akin na saktan ka. Oo, espesyal ka pa rin sa akin. Kaya nga apektado pa rin ako sa mga sinabi mo. Pero wala talaga, hanggang dito nalang tayo.

Sabi nila, kung kayo talaga para sa isa’t isa, kayo talaga. Akala ko rin noon, tayo na hanggang huli. Pero hindi naman pala lahat ng akala ay tama. Huwag kang mag-alala, alam kong may mahahanap kang babaeng mas nararapat sa iyo. Ingatan mo lagi ang sarili mo. Mahal pa rin kita, pero bilang kaibigan nalang. Hanggang sa muli nating pagkikita.

Sumasaiyo,

Your Ex

Dear ExTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon