Kabanata IX: Hapunan

55 1 1
                                    

Itinuro ko kay Luke ang direksiyon papunta sa bahay namin. Unang pagkakataon din kasi niyang makapunta sa bahay.

"Ang layo pala talaga ng bahay ninyo. Tapos araw-araw mong binabagtas itong daanang to. Buti na lang at inihatid talaga kita. Di mo na sana kailangang lakarin pa ang madilim na daan na to." sambit ni Luke.

"Naku. Sanay na ako sa daan na to ano. Kahit nakapikit pa akong maglakad, hindi ako matitisod. Ako pa" pahambog ko namang tugon sa kanya.

"Hanga na talaga ako sa bestfriend ko."

"Woooh. Nambola. Magfocus ka na nga lang sa pagmamaneho. Malapit na tayo."

Ilang minuto nga lang at nakarating na rin kami sa bahay. Ipinark ni Luke ang kanyang kotse sa harapang bakuran at saka kami bumaba. Nakatayo lang muna si Luke, pinagmasdan niya ang paligid.

Dahil sa bilog ang buwan sa gabing iyon at walang mga ulap sa langit kaya maaaninag ang aming harap na bakuran. Huminga nang malalim si Luke at saka nag-unat ng katawan.

"Ang ganda naman dito sa inyo Pam. At ang presko pa ng hangin" papuri ni Luke sa aming lugar.

"Talaga! Walang tatalo sa buhay probinsiya. Mas simple ng di hamak kaysa sa buhay lungsod. At mas maganda pa ang mga tanawin. Sayang nga lang at gabi na kaya hindi mo lubusang makita ang ganda dito."

"Kung gaano kaganda ng paligid, wala pa rin itong panama sa ganda ng bestfriend ko" tugon niya sa akin sabay pakawala ng napalaking ngiti.

"Ganon? Ang corny mo Luke" ang sagot ko naman sa kanya. Pero ang totoo'y may kilig akong naramdaman sa kanyang binanggit, hindi ko lang ipinahalata. "Pasok na nga lang tayo."

Pumasok na kami sa bahay. Bumungad sa amin na nasa sala si Nanay na noo'y tinutulungan si Tino sa kanyang mga assignments. Nagmano muna ako kay Nanay bago nagsalita.

"Ma, si Luke nga po pala. Luke, nanay ko, at si Florentino, kapatid ko" pagpapakilala ko kay Luke.

"Magandang gabi po. Inihatid ko lang po si Pam" ani Luke sabay abot ng kanyang kamay.

"Magandang gabi din iho" sagot naman ni Nanay at nakipagkamay sa aming bisita.

"Tara sa kusina. Sakto lang ang dating ninyo para sa hapunan. Dito ka na rin kumain Luke. Tino, ayusin mo muna yang mga gamit mo at kakain na tayo." dugtong pa niya habang tinungo niya ang kusina. Tinulungan ko naman si Tino na ayusin ang kanyang mga gamit bago kami sumunod na tatlo para maghapunan.

Pagdating namin sa may kusina ay nakapaghain na si Nanay. Nandoon na rin si Tatay. Nagmano ako sa kanya at ipinakilala rin si Luke. Naupo kami at nagdasal bago kumain. Sa dulo ng mesa si Tatay. Sa kanyang kanan naman si Nanay, habang ako naman sa kaliwa niya. Katabi ni Nanay si Tino, habang sa akin naman tumabi si Luke. Habang kumakain ay nagpasalamat si Tatay sa paghatid sa akin ni Luke. Tinanong din ng mga magulang ko ang aking kaibigan, at sumagot naman sa mga tanong nila si Luke. Pawang mga personal na tanong ang kanilang ibinato. Tungkol sa pamilya, tungkol sa pagkakaibigan namin, at ng mga katulad pang tanong.

Natigilan kaming lahat nang may natanong si Tino na ikinagulat naming mas nakakatanda.

"Kuya Luke, boyfriend po ba kayo ni Ate?" tanong ng aking anim na taong gulang na kapatid. Pinalo ni Nanay ang kaliwang braso ni Tino sabay sabing, "Ikaw Tino ha?! Kay bata bata mo pa. San mo natutunan yang mga boyfriend boyfriend na yan?!"

"Naku Luke. Wag mo na lang pansinin yang si Tino" dugtong naman ni Tatay. Napangiti naman si Luke, pero napayuko rin kinalaunan. Maging ako ay tila tinablan ng hiya dahil sa natanong ng aking kapatid. Tila may naramdamang kakaiba si Tatay sa pagyukong iyon ni Luke. Wala na ring nagsalita sa aming lima matapos ang tanong ng aking kapatid.

Pagkatapos maghapunan ay dumiretso sina Tatay, Tino at Luke sa sala. Nagpaiwan naman kami ni Nanay sa kusina upang magligpit ng mga pinagkainan.

"Pam, ako na ang maghuhugas ng mga iyan. Punta ka na lang sa sala at samahan mo si Luke." utos niya sa akin.

"Tayong dalawa na lang kaya Nay para mas mabilis matapos." sagot ko naman.

"Bahala ka. Ang sa akin lang naman ay dapat inaasikaso mo nang maayos ang bisita mo."

"Ang totoo Nay, may gusto yatang ipagpaalam si Luke."

"Bakit, Pamulinawen? Boyfriend mo ba yung tao? Halaka. Kaya pala di kayo makaimik kanina sa tanong ni Tino. Pamulinawen ha? Di ba kabilinbilinan ko sa 'yo na..."

Pinutol ko agad ang pagsasalita ni Nanay. "Naku Nay, hindi ko po boyfriend si Luke ha! Nay, di ko nalilimutan yang mga bilin ninyo ni Tay. Kaya nga po nandito si Luke. Magpapaalam po siyang manligaw." paglilinaw ko naman sa kanya.

Napangiti lang si Nanay sa sinabi ko. Ipinagpatuloy na namin ang paghuhugas ng mga pinagkainan. Nang matapos na kami ay pumunta na kami sa sala.

Nakaupo noon sina Tatay at Luke, magkaharap. Pero nakayuko lang si Luke. Walang umiimik sa kanilang dalawa. Wala na rin sa sala si Tino, pati ang mga gamit niya. Siguro ay pinaakyat siya ni Tatay. Umupo na rin kami ni Nanay. Tinabihan niya si Tatay, habang ako naman kay Luke.

Tumakbo sa isip ko kung ano ang nangyari sa kanila at ganyan ang mga hitsura nilang naabutan namin ni Nanay. Bigla kong naalala ang nangyari kani-kanina lang. Napaisip ako, natunugan kaya agad ni Tatay ang tunay na balak ni Luke? May kabang naramdaman ako sa aking dibdib.

Alaala ng Unang Pag-ibigTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon