Nung mga sandaling iyon ay wala na akong ibang magawa kundi ang manatiling nakatitig na lamang sa mga mata ng best friend ko.
Sa totoo lang, hindi ko talaga inaakalang ang nakaraan pala namin ang tinutukoy niya, at mas inaasahan ko pang isang komento tungkol kay Aaron Brillantes ang muli niyang itutugon. Hanggang ngayon, namamalagi pa rin pala sa kanyang isipan ang kasalanang nagawa ko sa kanya noon. Hindi pa nga talaga niya iyon tuluyang nakakalimutan.
Magsasalita na sana ako, planong ipaliwanag ang panig ko sa kwento at pati na rin ang aking mga naging dahilan, nang bigla na lang siyang umimik muli.
“Ano kaya ang naging pagkukulang ko at sadyang hindi talaga magawang makipaghiwalay ni Aaron sa girlfriend niya para makasama ako?” Sambit niya, sabay yuko pagkatapos.
Aaminin kong agad akong napasimangot nang marinig ko ang mga sinabi niya.
Kahit kailan, babalik at babalik pa rin talaga sa gagong Aaron Brillantes na yun ang buong isipan at atensyon niya.
Huminga naman ako nang malalim, at tinitigan siya nang maigi.
“May mga lalaki kasing sadyang makasarili. Hindi nila magawang makuntento sa isang babae lang, kaya kadalasan, naghahanap pa talaga sila ng iba.” Pahayag ko, at pagkatapos ay huminga muli ako nang malalim bago magpatuloy. “Pero meron namang ibang mga lalaki na sadyang mga tanga talaga. Kasi kahit na nasa piling na nga nila ang mga babaeng pinakamamahal nila na alam nilang nagpapasaya at kumukumpleto sa kanila at sa mga buhay nila, pinakawalan pa nila.”
Agad na nasundan ang panayam kong ng isang nakaiilang na katahimikan. Hindi na nagsalita muli si Nikki kahit nung lumipas na ang halos isang minuto, at mas lalo lang niyang inilayo ang kanyang titig sa akin, hindi na talaga ako magawang tingnan nang diretso.
Mamaya-maya ay bigla na lang siyang tumayo mula sa kanyang kinauupuan, at dagling sinukbit ang handbag na dala-dala niya.
“Uwi na tayo.” Saad niya, at agad-agad na siyang nagsimulang maglakad paalis.
Nagbuntong-hininga na lamang ako at nag-atubiling sumunod sa kanya. Hay. Ni hindi man lang niya ginalaw ang mga pagkaing ibinili ko sa kanya. At sigurado akong hanggang mamaya, hindi na siya kakain pa dahil sa kawalan ng gana.
Tahimik lang kaming dalawa sa halos tatlumpung minutong biyahe namin pauwi, hindi na talaga nag-uusap o nagpapansinan man lang. Agad-agad ring bumaba sa jeep si Nikki nang ipara ko na iyon, hindi man lang ako hinintay na unang bumaba para alalayan siya.
At nanatili kami sa ganitong disposisyon hanggang sa ihatid ko na siya sa tapat ng gate ng bahay nila. Hinintay ko munang makapasok siya sa looban bago ako dumiretso sa sarili kong tirahan.
“Bye, Nikki.” Pagpapaalam ko sa kanya nang mabuksan na niya ang gate ng bahay nila gamit ang pansariling susi niya.
Tumango na lamang siya saglit sa aking gawi, at nang makapasok na siya sa loob ay madali niyang sinarado ang gate.
Halos isang minuto ang lumipas nang umalis na rin ako sa aking kinatatayuan at nagsimulang maglakad patungo sa direksyon ng gate ng bahay namin.
Sigurado akong gusto niyong malaman ang dahilan kung bakit kami naghiwalay ni Nikki noon at kung paano rin iyon nangyari. Sa totoo lang, isa lang naman talaga kasi ang dahilan kung bakit kami nag-break noon e. At ang dahilang iyon ay ang napakatinding kasalanang nagawa ko sa kanya mahigit anim anim na buwan na ang nakalilipas, na isinagawa ko hindi lang nang isang beses, kundi inulit ko pa sa pangalawang pagkakataon.
May 18, 2012. Yan ang araw na sinagot ako ni Nikki at naging kami. Sa totoo nga, yun ang isa sa mga pinakamasayang araw na dumating sa buhay ko. Dahil pagkalipas ng mahigit pa sa sampung taon ng pagiging one-sided ng pagmamahal ko sa kanya, sa wakas ay sinuklian na rin niya ang mga nararamdaman ko at naging mas higit pa sa simpleng magkaibigan ang relasyon namin sa isa’t isa.
BINABASA MO ANG
My Best Friend and I [ TEMPORARILY DISCONTINUED ]
Teen Fiction[From Friendship to Love Series Book I] Temporarily discontinued. Storyline to be changed completely. New content to be posted at an indefinite date. HUWAG NA MUNANG BASAHIN. MABIBITIN LANG KAYO. IIBAHIN KO ANG BUONG PLOT NITO. UTANG NA LOOB. HUWAG...