Murder 1

1.2K 31 2
                                    

Murder  1

9:52 pm

 Sa tapat ng Melong’s sari-sari store

“Anong problema, p’re” maangas na tanong ni Kevin. Dumahak siya ng plema at dumura.

Umiwas ako sa pagkakatitig sa matighiyawat niyang mukha. “Wala naman, brad. Nabili lang ng yosi.” Kinuha ko ang lighter na nakasabit at sinindihan ang sigarilyong nakaipit sa aking nguso.

 Kauulan lang at tahimik ang kadalasang maingay na tindahan ni Mang Melong. Tamang-tama at wala ang mga pesteng tropa ni Kevin at solong-solo ko siya. Napasulyap tuloy ako sa itak na itinago ko sa hilera ng paso sa may gilid na nasa likod naman ng mahabang bangko kung saan parating tumatambay ang mga parokyanong manginginom ng sari-sari store.

“Meron kaba d’yan?” mahinang tanong ko kay Kevin maya-maya. Hindi ako direktang nakatingin sa kanya at sa halip nakatingala ako sa taas na may mga nagsasayaw na gamo-gamo sa palibot ng fluorescent light.

Mataman niya akong sinipat, kinilatis.Nang masigurong harmless ako, saka siya sumagot, “Two hundred.”

Kinapa ko ang magkabilang bulsa ng aking pantalon at dinukot ang dalawang daang pisong buo sa kaliwa.

“Ito,” inabot ko ang pera.

Mabilis na kinuha iyon ni Kevin at pinalitan ng isang maliit na pakete ng shabu. “Puro ‘yan,” paninigurado niya.

Sinuri ko ang maliit na pakete, pinitik-pitik kahit hindi naman ako marunong sumipat kung ano ang puro at hindi purong shabu. Pagkatapos, isinuksok ko ang paketeng plastic sa kaliwang bulsa sa likod.

Hindi kami nagkibuan. Nakatayo lang kami pareho at nakatingin lang sa malayo. Kanya-kanya sa paghithit-buga ng yosing kanina lang ay mahaba pa at ngayon ay papaikli na. Ang bango ng paligid, amoy probinsya. Tila binanlawan ng katatapos lang na ulan ang lahat ng masangsang na amoy na idinamit ng polusyon sa paligid. Kasama ng malamig at preskong samyo ng hangin, binitbit nito ang mga madidilim na alaaala ng tarantado kong katabi. Bigla tuloy sumama ang pakiramdam ko, umasim. Ito talagang si Kevin, kahit kailan panira ng mood.

Si Kevin, sa inyo na hindi nakaaalam, ay isang malaking salot sa aming lugar (dati kong lugar dahil lumipat na kami ngayon). Isa siyang tanyag na tulak cum akyat-bahay slash hired killer dash snatcher dito sa Purok 17, Zone 2.

“S’ya nga pala may pinabibigay sa’yo si Boss Tukmol. Regalo daw dahil lakas malakas benta mo dito sa inyo,” lumakad ako nang kaunti sa kaliwa, inusog ang mahabang bangko, dumukwang, iniangat ang mga paso at maingat subalit palihim na kinuha ang kinakalawang na itak na nakatago doon.

“Ano ba ‘yan?” may pananabik ang boses ni Kevin. Akala mo batang nag-aabang na mabigyan ng pamasko. Kausap niya ang likod ko habang inaabot ko ang itak. Buti naman. Katulong ko rin ang malamlam at naghihingalong ilaw ng fluorescent light upang pansamantalang ikubli ang surpresang inihanda ko para sa kanya.

“P’re, puwedeng tulong naman dito. Medyo mabigat kasi ‘tong package na pinabibigay ni Boss Tukmol pa sa’yo,” umingit ako nang kaunti para mas makatotohanan ang acting.

Lumapit siya sa akin, “Ako na nga d’yan. Ako na ang kukuha.”

“No need na, p’re,” sabi ko nang maramdamang dalawang hakbang na lang ang layo niya sa aking likuran. Saka ako tumayo pagkatapos hawak na sa kanang kamay ang itak. “P’re, ‘sensya na. Wala naman talagang ‘package’

Nakatingin siya sa kalawanging itak, may kunot na ang noo, “Ano ‘to joke?”

“Hindi p’re. Ikaw ang joke.” Simple at mahinahon lang ang pagkakasabi ko. Saka ko itinaas ang  kanang kamay na may tangang itak at buong lakas na ibinagsak iyon sa kanya. Sinalag ng loko ang atake, pero ano bang laban ng buto’t balat niyang braso sa isang katulad ko---katulad kong may itak at may nag-uumapaw na poot para sa kanya?

Murder The Five [COMPLETE]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon