Sana

16 1 0
                                    

Musmos pa lamang ako nang kinahiligan ko ang pagkuha ng mga larawan. Namana ko ito sa tatay ko.

Iba kasi ang pakiramdam kapag kumukuha ako ng litrato, sumasaya ako. At gusto ko rin maibahagi ang sayang iyon sa mga nakakakita ng kuha ko.

Gusto kong maipakita sa kanila kung gaano kaganda ang kapaligiran natin; ang ganda ng buhay sa kabila ng mga problema. Ang mapansin nila iyong mga bagay na hindi natin kadalasang nakikita; mga bagay na napapansin lamang natin sa pangalawa o higit pang tingin. Maramdaman ang emosyon ng mga nasa litrato. Makunan ang mga pangyayaring bibihira lang.

At higit sa lahat mahanap ang babaeng nagpapatibok sa puso ko.

Sana balang araw, s'ya naman ang makunan ko ng larawan...

KASAMA AKO.

Naisipan kong maglakad-lakad noon, dala-dala ko syempre 'yung camera ko. Kuha ako ng kuha ng mga larawan. Hanggang sa kanya natapat ang lens ng camera ko. Agad ko syang kinunan at matapos kong i-click 'yung camera, inaalis ko na ito agad sa mata ko para mas mapagmasdan ko s'ya ng maayos. Maganda sya. Pero hindi 'yun ang una kong napansin sa kanya.

Lungkot...

Iyon ang una kong napansin. Mag-isa lang s'yang naglalakad, naka-earphone at nagli-lip sync. Sa unang tingin, mukha naman s'yang masaya at hindi kapansin-pansin ang lungkot n'ya. Pero kapag tinitigan mo na s'ya sa mata, saka mo lang mapapagtanto na umiiyak pala ang kalooban n'ya.

Kung tutuusin, saglit ko lang s'yang nakita ng malapitan dahil nakasalubong ko lamang s'ya sa daan. Ngunit parang huminto ang lahat. Bumagal ang takbo ng oras. At nagawa kong mapansin pati maliliit na detalye tulad ng maliit na nunal sa may bandang labi niya.

Sinubukan ko ulit s'yang kunan bago pa s'ya makalampas. Ngunit sa sobrang pagkataranta ko, 'di ko na maiposisyon ng maayos 'yung camera.

"Di bale na, may larawan na rin naman n'ya ako." Iyon na lang ang itinanim ko sa isipan ko nang makalampas s'ya at mawalan ako ng pagkakataong muli s'yang kunan. Pero nung tsinek ko 'yung larawan n'ya, malabo.

Pinanghinaan ako. Nakakapanghinayang, 'di ko man lang s'ya nakunan ng maayos na larawan.

Kaya lumingon ako at nagbaka-sakaling lumingon din s'ya. Ngunit sino nga ba ako para sa kanya, upang lingunin n'ya. Pinagmasdan ko na lang 'yung papaliit n'yang imahe habang papalayo sa'kin. At bago pa s'ya makalayo ng tuluyan, pinosisyon ko muli ang camera upang kunan s'ya.

"Ayos na 'to kahit likod lang, kaysa naman sa wala." Iyon na lang ang nasabi ko sa sarili ko.

At hanggang ngayon, malinaw pa rin ang larawan n'ya sa utak ko. Kabisadong-kabisado ko pa bawat detalye, lalong-lalo na ang malulungkot n'yang mata.

Pakiramdam ko, magkaugnay ang aming mga kaluluwa at misyon kong pasayahin s'ya. Hindi lang physically kun'di pati 'yung kalooban n'ya. Gusto kong makita na pati mga mata niya'y masaya.

Kaso...

Di ko na s'ya muling nakita.

At hanggang ngayon, naglalakad-lakad pa rin ako sa kalyeng 'yun kung saan ko s'ya unang nakita; umaasang makakasalubong ko s'ya muli sa ikalawang pagkakataon.

Sana this time, makilala ko na sya...

Sana.

SanaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon