NAPAPANOT NA ANG BUNDOK

104 1 2
                                    

Manghang-mangha na ako sa ating kalikasan noon pa man.Ang ilog,dagat,puno,hayop,kabundukan at iba pa.Tinititigan ko hanggang sa maibulalas na lang ng aking bibig na kahanga-hanga ang pagkakalikha ng Diyos sa mundo.

Ganito ko nasilayan ang katangiang ipinagmamalaki,na matatagpuan sa ating bayan.Kaya kapag inaawit ang himno ng Gonzaga ay damang-dama ko ang bawat katagang paglalarawan nito sa ating paligid.

Kapag sumapit na ang Abril,lahat ng tao'y abala na naman sa bukid.Nang magyaya ang mga kamag-anak namin,sumama akong naki-ani dahil bakasyon naman.Isang araw,nagkayayaan ang mag-anak na puntahan ang bulkan ng Caggua.Mahilig ako sa adventure kaya sumama ako.

Magbubukang-liwayway pa lamang pero maalinsangan na.Nag-unahan kami sa paglakad dahil gusto naming makarating kaagad ang lugar.

Sa paanan pa lang ng bundok,mangilan-ngilan na lamang ang makikitang malalaking punong-kahoy.Tumitindi na ang sikat ng araw,tumatagos na sa aking balat.Hindi na kami halos makalayo bukod sa mainit na panahon,matatarik na daraanan,mahirap pang humanap na puno na sisilungan.Hapong-hapo na ako at sumasakit na rin ang binti ko sa dalawang oras nang paglalakad.Usad pagong na ang aming lakad,walang umiimik,tagatak na ang butil-butil na pawis sa aming mga mukha.Sa sulok ng aking mga mata,sinusulyapan ko kung mayroon man lang maaaring silungan pero nasa dulo pa ng bukid.
Nagpatuloy ang aming paglalakbay,hanggang sa madaanan namin ang dalawang lalaki na walang humpay sa pagputol ng mga puno, wala man lang itinira.At sa gawing kanan nila'y tuyo na ang nga sanga't dahon ng mga puno,baging at mga damo.Sayang,kung tutuusin mapapakinabangan pa sana ito sa mga susunod na araw.Hanggang sa sumalubong sa amin ang makapal at maitim na usok.Hindi ako makahinga kapag nakakalanghap ako ng kahit anong usok.Sa isip ko bakit nila sinisira ang kabundukan?
Dati sa libro ko lang nababasa ang tungkol sa kaingin,ngayo'y kitang-kita na ng aking dalawang mata.Ito pala ang paraan ng paglilinis nila sa mga lupang maraming kahoy pagkatapos putulin patutuyuin,sisigaan hanggang sa tuluyan na itong maabo.

Napabuntong-hininga ako nang mapag-masdan ko ang kapaligiran.Nanghinayang at nalungkot ako sa nakitang pagbabago ng dating birheng kabundukan.Naglalaho na ang kariktan nito dahil pinipinsala na ng mapang-abusong mga tao.

Kung dati'y berde at mangasul-asul ang kanyang kasuotan ngayo'y hinubdan ang kayumangging katawan at pinulbusan ng itim.Pati ang kinakanlong niyang mga anak ay tuluyan nang nangamatay at lumisan.Ang dalisay at malamig na simoy ng hangin na dumadampi sa aking pisngi ngayo'y isang nagngangalit na init ang sumisingaw sa ilalim ng lupa na nangpapahina sa buo kong katawan.Makikitang uhaw na uhaw na rin ang ang lupa sa tagal na rin ng panahong hindi lumuha ang kalangitan.

Sana bumalik ang dati nitong anyo.Buhayin natin muli ang kanyang mga buhok na napapanot baka tuluyan ng makalbo ang kabundukan sa bayan nating Gonzaga.

 NAPAPANOT NA ANG BUNDOKTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon