Minsan sa pagmamahalan… meron ding mga bawal kaya ngayon Ka-barangay… ibabahagi ko sa inyo ang istoriya na pinamagatang “Ang Bawal na Pagmamahalan”. Hango ito sa totoo kong buhay, kaya sana inyong magustuhan
Ako nga po pala si Kean, isang 2nd year student sa isang pamantasan sa Quezon City sa Maynila na kumukuha ng programang Batsilyer ng Siyensiya sa Inhinyerong Elektrikal. Mahirap maging isang engineering student pero kakayanin para maka-survive lang at para maiahon ko ang pamilya ko. Isa din akong Altar Boy sa aming pamantasan, kaya sa tuwing may misa sa amin ako at isa ko pang kasamahan ang tinatawag para mag-serve. At isa din akong DJ sa online radio station. Nakakapagbigay din ako ng saya sa tuwing naka-on air ako. Habang ginagawa ko ang mga iyan, nakilala ko si Mimi… isang freshmen at nasa programang Batsilyer ng Siyensiya sa Inhinyerong Kompyuter. Si Mimi ay isang photographer sa kanilang simbahan at siya ay napakaganda, cute, malambing, sweet at mapagmahal. Nakilala ko siya dahil nagpost siya sa Facebook group nila na kung saan administrator ako. At ang nakalagay na post ay…
“Sino po si Kean Marasigan? ”
Sinagot ko naman ang comment niya roon… “Ako po” pero lumipas ang ilang minuto walang reply sa post na iyon, kaya ako na lang ang lumapit sa kanya… nag-message ako sa kanya at bakit niya ako hinahanap? At ang sabi niya saken magpapaturo raw siya sa CHEM 001, syempre ako naman ay hindi tumangi kase nagpapaturo lang naman eh, tsaka… gusto ko rin siya makilala noon. Kaya noong Ika-22 ng Hulyo 2013, Lunes iyon at tamang tama, wala na akong klase noon kaya nasamahan ko siya sa Library Building 8 doon ko siya tinuruan at masasabi ko na rin na doon kame nag-kwentuhan ng tahimik kase alam naman natin na library iyon mababasa mo doon sa karatulang “Please remain silent at all times”.
Medyo marami rami na rin akong nalaman kay Mimi pero ang isa sa pinakanagulantang ako ay isa siyan… INC (Iglesia ni Cristo) at ng marinig ko yon, halos bumagsak ang mundo ko para bang may pasan pasan ako na mabigat sa likod ko. Pero habang nag-eexplain siya bakit hindi niya sinasabi sa iba ang kanyang relihiyon kase iniisip niya baka iwasan ko siya pero sinabi ko naman sa kanya na hindi naman ako ganong tao, madami din akong kaibigan na INC naging kalaro ko pa nga yung iba dati noong mga bata pa kami sabi ko sa kanya. At pakiramdam ko, gumaan ang loob niya, para bang nabunutan siya ng tinik sa sinabi ko. At doon kami nagsimulang maging close sa isa’t isa.
Ilang linggo pa ang lumipas ay… naisipan ko na siyang ligawan, kahit na… Iglesia siya at alam ko na BAWAL iyon pero hindi ko na inisip iyon dahil nanaig pa rin ang pagmamahal ko sa kanya kaya noong sumunod na linggo nun ay ginawa ko na ang panliligaw sa kanya pero hindi pumayag si Mimi dahil hindi pwede magkaiba kami ng relihiyon. Pero hindi ako nagpadaig sa kanya, sinabi ko ang mga nararamdaman ko para sa kanya at lahat ng iyon ay totoo. Totoong mahal na mahal ko siya at ano naman kung magkaiba kami? Kung mahal naman talaga namin ang isa’t isa bakit hindi diba?
At eto na nga… pumayag siya na ligawan ko siya. Doon ako sumaya ng sobra sobra, halos magkaroon na ako ng jetpack sa likod ko para tumaas ang talon ko sa sobrang saya na nadarama ko. Simula noong pumayag siya ay nagkikita na kami lagi, tuwing umaga kumakain kami ng sabay sa labas, sinasamahan ko siya kung saan man siya pupunta at kung ano pa. At doon na nagsimula na mag-form ang relationship naming dalawa. Pero hindi ko inaasahan na sasabihin niya saken na… “Itigil na natin ito, hindi tayo pwede” sobrang nalungkot ako ng mga oras na yan naisip ko… basted nanaman ako, at eto ang hindi ko malilimutan na sinabi saken ni Mimi… “I love you Kean nung mga araw na napasaya mo ako, di mo ko pinabayaan at dahil minahal mo ako”. Diyan na nagsimulang tumulo ang mga luha mula sa mga mata ko at dahil sa nangyari, napagpasiyahan naming na magkita para mapag-usapan namin ang nangyari noon. Pero imbis na matapos ay nagpatuloy pa ang panliligaw ko sa kanya akala ko noon doon na matatapos ang lahat pero hindi pala.
