Ang Mamang Naka-Green T-Shirt

947 29 0
                                    

Sa Jollibee, Quirino Avenue

10:07 am

Una ko siyang nakilala sa Facebook.

Magulo ang utak ko noon at nasa all time high ang pambu-bully sa akin ni Mark, na dinagdagan pa ng stress ng mga nagbabagsakan kong grades na bunga naman ng sobrang puyat dahil sa gabi-gabing pagpa-party ni Totong sa tapat ng aming bahay. Hindi pa doon natapos ang problema nang isang araw nakarating sa amin ang balita na natagpuan na daw si Tina sa isang mabahong creek, ginahasa at tadtad ng saksak pagkatapos ng tatlong araw nitong pagkakawala.

S’yempre nagpuyos ako sa galit. Pakiramdam ko sasambulat na ang buong mundo sa mukha ko. Ano ba ang naging kasalanan ko at sa akin nangyayari ang lahat ng kamalasang ito? tanong ko sa sarili. Gusto kong magwala, sumabog. Wala na akong ibang bukambibig kundi kung paano ako makakapaghiganti at makakabawi  sa lahat ng mga taong nanakit sa akin. At dahil doon, natakot na sa akin si Thiffany. Nasaan na raw ang Ron na mabait, ‘yung Ron na hindi kayang manakit ng kahit isang maliit na kulisap. ‘Yung Ron na tahimik pero palatawa at sweet at thoughtful at mahal siya.

Pero s’yempre madilim na utak ko noon kaya hindi na ako umimik at hinayaan ko na siyang umalis kahit masakit dahil ang kaisa-isang tao na mahal at pinagkakatiwalaan ko, ay iniwan ako sa gitna ng pinakamalupit na laban na aking susuungin. Bye, Ron, maikli niyang sabi sa ‘kin pitong buwan na ang nakakaraan at pagkatapos nu’n hindi na kami nag-usap.

Sapin-saping problema ang dumadagan sa akin at wala akong matakbuhan at mapagsabihan ng mga problema noon kaya nagpapansin ako sa FB. Nag-post ako doon ng isang simpleng mensahe pero puno iyon ng kimkim na galit.

 I WANT TO GET EVEN…

All in bold, capital letters para ma-emphasize kung gaano ako ka-seryoso. Kung gaano ka-importante sa akin ang mga salitang iyon. May mga nag-like ng post. May nagtanong kung sino daw ba ang pinatutungkulan ko ng mensaheng iyon. Hindi ko sila kinibo at hinayaan na lang silang manghula. Pero may isang PM ang pumukaw ng aking atensyon.

Mayroon siyang username na “The Fallen Angel”. Hindi ko alam kung pa’no niya ako nahanap at kung paano siya nakapag-send ng private message sa akin samantalang naka-customize ang FB account ko for privacy. Pero hindi na ‘yun importante. Basta sabi niya sa message, You want to get even? I can help you.

Nag-reply ako sa PM ni The Fallen Angel and to cut the story short, nauwi kami sa pag-cha-chat. Ang dami naming pinag-usapan mula sa mga simpleng wala lang na gumulong pa sa mga mas malawak pang aspekto ng buhay-buhay. Masarap kausap si Fallen Angel, pero medyo weirdo rin at the same time. Pakiramdam ko habang magka-chat kami na para bang matagal na niya akong kilala. Na para bang nababasa niya kung ano ang tunay na nilalaman ng puso’t isipan ko bago ko pa man ‘yun sabihin.

Fallen Angel: How about we see each other then?

Tanong niya sa akin sa chat bigla. Matagal ako bago nakasagot. Pa’no nga kung weirdo ‘tong si Fallen Angel? Bading na stalker? O ‘di naman kaya serial killer? Turo sa amin ni Miss Katpuno, teacher ko noong grade one, na huwag na huwag akong makikipag-usap sa mga estranghero. Pero ewan! Magaan talaga ang loob ko sa kanya kaya pumayag na rin ako. Noong mga oras na ‘yon, pakiramdam ko kasi, siya lang ang taong lubusang nakakaunawa sa akin at sa mga pinagdadaanan ko.

Me: Okay…

Fallen Angel: Nice! Kita-kits tayo sa Jollibee sa may Quirino Avenue, 10 am, Wednesday.

At naitakda na ang una naming pagkikita na magpapabago sa aking buhay.

Crew cut ang gupit ni Fallen Angel. ‘Yun bang parang gupit PMA. Matipuno ang pangangatawan na akala mo sa gym na siya natutulog (‘di kaya tumitira siya ng steroids?). Sa suot niyang green t-shirt, malinaw na naka-imprenta ang mga salitang, “I’m here 2 save U!”

Murder The Five [COMPLETE]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon