Mga kabundukang hitik sa kagandahan
Karagatang walang kasing pantay sa yaman
Abot-langit ang kariktan
Ating kalikasan ay biniyayaan
Sa unang panahon kung tayo'y mababalik
Saliw ng hangin sariwang umiihip
Kagalakan sa puso sa kanila'y mababatid
Kay suwerte ng mga taong dumanas sa ganitong himig
Milyong diyamante sa kalangitan ay kumikislap
Polusyong gumagambala, nariyan na't nagpapalasap
Subukan ngayo'y mapatingala
Mangingilan-ngilan na lamang ang lumulutang at nagpapakita
Isang araw, tayo'y makakakita
Ginoong mangingisda ano po ang iyong ginagawa?
Mga isda at mga korales ang iyo bang hangad?
Parang may mali yata sa inyong ginagawa
Sa magkabilang kamay, dinamita ang nakapunla
Ito'y inihagis hatid ang tunog ng pagkapariwara
Lumutang ang mga isdang hindi makatarungan ang pagkuha
Korales na kabigha-bighani'y tuluyan nang nasira
Dumating ang panahon si Ginoong mangingisda ay muling pumalaot,
Siya'y nagtaka at malungkot na tumugon,
"Nasaan na ang mga isdang aking ikinabubuhay?"
Iyon pala'y unti-unti nang naglalaho at namamatay
Kaanyuang ibon kung sa ati'y mabibigay
Siguradong lilipad tayo ng walang humpay
Lahat ay yuyuko, mapapaiyak, magdarasal
Bundok na kulay berde'y nahulog na sa putikan
Sa pangalawang araw, bagyo ang dumating
Lahat tayo'y hindi mawari ang gagawin
Pagkakita'y malapit na ang tubig na sisisirin
Maraming buhay ay maaaring hugutin
Nanay, tatay, nasaan na kayo?
Lunod sa tubig, balot ng putik sa kanila'y umanyo
Kumurap-kurap ma'y hindi panaginip ang nangyayari
Ilang lungkot na kaya ang hindi mapawi
Natapos ang unos, tumambad ang karahasan
Palibot ng iyak sa buong kapuluan
Ramdam ang pighati sa tinig na maririnig
Kapit lang kaibigan, ito'y matatapos din
Ilang beses ng nangyari?
Ilang beses ng naulit?
Nasaan ba ang mga taong wala ng pagsusubali?
Sumambit man ng paumanhin ay mahirap ng mabawi
Hayan na, ang nakahuhumindik na ganti ni Inang Kalikasan
Sugapa ang galit at pilit na tinatakasan
Hanggang kailan pa ba mananatili ang ganitong gawa?
Sa tingin ko'y responsableng pag-iintindi ang dapat ipasimula