Tuluyan nang kinakalimutan ang isang kahapong puno ng mga pangarap na kakambal ng kasiyahan. Ngayon ang tamang pagkakataon para palayain ang kanyang sarili sa hapding dulot ng dusa at pighati. Malapit na siyang magtagumpay sapagkat unti-unti nang nagliliwanag at napupunuan ng bagong buhay ang kahapong nakuyom ng dalamhati at pag-aanlinlangan.
Sariwang-sariwa pa sa kanya ang mahahalimuyak na alaala. Ang panata nila sa isa't-isang lilibutin ang mga natatanging isla sa kanilang malawak na kaharian. Mga pangarap na naitaga sa bato at maghintay lang sila ng tamang panahon para tuparin ang mga ito.
Isang umaga, nagtungo sa ibang kaharian ang prinsipe para sa kanyang misyon sa buhay. Tutol man ang prinsesa ngunit ipinaliwanag niya na para ito sa ikabubuti nilang dalawa. Suntok sa buwan ang hindi masilayan ang isa't-isa. Nakakapanikip ng dibdib ang pagkakalayo ng mag-irog pero nagtitiis na lamang sila. Kung may kapangyarihan nga lamang silang hilahin para mapabilis ang pag-usad ng araw ay matagal na nilang nagawa.
Dumating ang araw na tatlong gabi nang hindi nagpaparamdam ang prinsipe. Sa mga panahong iyon, hindi mahagilap ng prinsesa ang sagot sa tanong na bakit at paano. Nangangamba man siya ngunit pinangibabaw niya ang kanyang malaking tiwala sa kanyang pinakamamahal at pinatatahan ang sarili sa pag-aakalang may gampanin ang prinsipe. Maraming kabayo ang nagtatakbuhan sa kanyang dibdib. Lumitaw ng biglaan ang prinsipe sa kanyang harapan. Hindi maipaliwanag ang kabang ayaw kumawala sa dibdib niya. Ang prinsipe'y mahinahong nagsalita at walang pakundangang sinambit, "Mamamanhikan na kami bukas." Hindi nakaimik ang prinsesa, walang namutawi sa kanyang mapupulang mga labi. Katahimikan ang naghari sa kanilang pagitan hanggang sa maglaho na sa kanyang paningin ang prinsipe.
Mula nang gabing iyon, binagsakan na siya ng langit at lupa. Tanging sarili na lamang niya ang makakapagpaliwanag sa bilis ng pangyayari. Naghihinagpis man siya ngunit umaasa pa ring magbabalik ang prinsipeng nagdulot sa kanya ng pasakit.
Dalawang daan at apatnapung araw na ang nakalilipas. Tinanggap na niyang wala nang magbabago. Wala na siyang mahihintay pa dahil sa una pa lang, wala nang babalik. Panahon na rin pala ng tagtuyot. Nangangalanta ang mga dahon sa mga kabundukan at kapatagan. Ang mga lupaing nangangailangan ng pag-ulan ay nananatiling tigang, kagaya niyang tigang sa pagmamahal dahil kahit anong hiling niya na bumalik ang kanyang sinisinta ay nananatili siyang mag-isa sa isang tabi at 'di mapakali. Walang kalinga. Walang atensyon. Walang nag-aalala. Mas lalong wala siyang pakialam kung patuloy siyang aasa dahil wala pa namang nakabulagta sa kanyang paningin-- ang katunayang nakatali na ang kanyang minamahal.
Sa loob ng walong buwan na iyon, napagtanto niyang kailangang lasapin ang sampal ng pag-ibig na naialay sa kanya. Ika nga, "Ang galit, poot, hinanakit at sama-ng-loob ay hindi dapat kinakalimutan. Ginagamot ito ng totoong pagmamahal at pagpapatawad".
Sa ngayon, naniniwala siyang makakalaya rin siya sa pusong nakakulong sa isang pananaw, paniniwala at kamalayan. Makakalaya rin siya sa pangakong pag-ibig na walang kamatayan.
Siguro nga, ang isang kahapon ay isa na lamang kahapon. Tanging tadhana na lamang ang makakapagpaliwanag sa bagay na iyon.
***
BINABASA MO ANG
Marriage Contract
RomanceIto ay tungkol sa magkasintahang tanging panahon ang pinakahihintay para matawag na hanggang pagtanda ay sila ang magkatuwang ngunit tuluyang pinaglayo ng tadhana. ** (PAGSASALAYSAY)