Ako Na Lang (One Shot)

4.1K 89 19
                                    

"Ako na lang."

'Yan ang sabi mo sabay kuha sa bag na naglalaman ng 17 inches na laptop ko nang minsang magkasabay tayo pauwi. Tumanggi pa nga ako noon pero sadyang mapilit ka. Ikaw pa rin ang nagdala hanggang sa makarating tayo sa apartment na tinutuluyan ko. Akalain mong hinatid mo pa pala ako.

"Salamat sa pagdadala at paghatid na din. Ingat ka," sabi ko ng nakangiti sa'yo.

Hindi ka umimik. Nakatingin ka lang sa'kin at habang tumatagal naiilang na ako. Tatanungin na sana kita kung may kailangan ka pa ba ng bigla mong iangat ang kamay mo at ipatong sa ulo ko. Akala ko kung anong gagawin mo, 'yun pala guguluhin mo lang ang pagkakalugay ng buhok ko. Bigla akong nainis sa'yo. Hindi ko alam kung alam mo pero kasi ayaw na ayaw kong pinapakialaman ang ayos ng buhok ko.

"Prince naman eh!" pagmamaktol ko. Tiningnan kita ng masama pero mukhang wala lang sa'yo. Akmang magsusuklay ako gamit ang mga kamay ko ng bigla mong hawakan. Sa mga oras na 'yon parang may kung ano akong naramdaman. Kakaiba. Pero parang may mali sa pakiramdam na 'yon. Na hindi dapat kung saka-sakali.

"Ako na lang," sabi mo. Medyo napapitlag pa ako ng muli ay naramdaman ko ang pagdampi ng kamay mo. Sinimulan mong hagurin ang buhok ko pero halos hindi ko maramdaman. Naaalala ko tuloy nung bata pa ako. Gustung-gusto ko kapag sinusuklay ni Mama ang buhok ko, gumagaan kasi ang pakiramdam ko.

"Kahit naman hindi ka na magsuklay, ayos lang. Mukha ka pa rin namang tao tingnan," pang-aasar mo kaya natigil ang pag-iisip ko. Ayos na sana. Ang kaso may pagka-maloko ka rin talaga.

"Umuwi ka na nga!" singhal ko sa'yo sabay kuha sa kamay mo at sinubukang pilipitin. Pero hindi ko kaya. Mahina nga pala kasi ako. At nakakainis lang dahil patuloy ka pa rin sa pagtawa.

"'Wag mo na kasing subukan kung alam mong talo ka lang. Ikaw lang din ang masasaktan."

Napamaang ako sa sinabi mong 'yan. Para 'atang malalim ang ibig sabihin. Nagtatanong ang mga mata kong tumingin sa’yo. Pero wala akong mabasa. Wala akong makita. Tumatawa ka pa rin kasi dahilan para magtago ang mga mata mo. Oo na, chinito ka nga pala. Magsasalita na sana ako ng bigla kang tumalikod at nagsimulang maglakad palayo. Hinintay kong lumingon ka pabalik pero tanging kaway na lang sa ere ang ginawa mo.

 ---

Lumipas ang mga araw at napagtanto ko na mas naging malapit tayo sa isa't-isa. Gumaan ang loob ko sa'yo. Madalas mo akong pinapatawa pero mas higit pa rin ang mga pang-aasar mo. Madalas rin tuloy ang kurot at hampas na pinapatikim ko sa’yo. Inaaamin ko, naging masaya ako sa takbo ng samahan natin. Kahit paano kasi hindi ko na siya naiisip. Hindi na masyadong masakit. Sa wakas, naging totoo na ulit ang mga ngiti ko.

Pero sadyang mapagbiro ang tadhana dahil nagbalik siya. Hindi ko alam kung dapat ba akong matuwa. Hindi ko alam kung ano ang dapat kong maramdaman. Masyado akong naguluhan. Lalo na ng sabihin niyang gusto niyang bumalik kami sa dati. Na mahal niya pa rin ako. Kung sabagay ‘yun din naman ang gusto kong mangyari noon kaya nga pilit din akong gumawa ng paraan. Hanggang sa sumuko ako. Naalala ko kasi ‘yung sinabi mo nung araw na sinubukan kitang balian.

---

"Ang gwapo ko nga siguro talaga para matulala ka ng ganyan," bungad mo pagpasok mo ng klasrum isang araw. At imbes na awayin ka ay ngumiti na lang ako ng pilit sa'yo at yumuko. Sa kauna-unahang pagkakataon wala na akong narinig na anumang pahabol na hirit mula sa'yo. Mas pinili mo na lang tumuloy sa kinauupuan mo. Gusto kong magalit sa sarili ko ng oras na 'yun. Hindi ko alam kung bakit. Ayoko lang siguro kasi talagang pati ibang tao naaapektuhan ng dahil sa pinagdadaanan ko.

Gumising na lang ako isang araw na iba na. Na may nagbago. Nagkaroon ng distansya sa pagitan nating dalawa. Madalas iniiwasan kita. Hindi ko maintindihan ang sarili ko. Sa isip ko tama lang na 'yun ang gawin ko. Gusto ko kasing paniwalain ang sarili ko na si Brent pa rin. Na siya pa rin ang mahal ko.

Pero nagkamali ako. Ang tanga ko. Sa pangalawang pagkakataon hinayaan ko na namang masaktan ang sarili ko ng dahil sa kanya. Dapat pala mas pinag-isipan ko ng mabuti ang naging desisyon ko. Na mas inalam ko kung ano nga ba ang dapat na sundin ko.

---

"You know I’d fall apart without you

I don’t know how you do what you do

‘Cause everything that don’t make sense about me

Make sense when I’m with you..." 

Nagulat ako ng marinig ko ang boses mo mula sa likuran ko. 'Yun ang pangalawang beses na marinig kitang kumanta. Ang presko ng boses mo; hindi makabasag-tenga. Masarap pakinggan. At masasabi kong pagdating sa bagay na ‘yun nasisiguro ko na may ipagmamayabang ka.

Huli na ng mapagtanto kong patuloy pa rin ang pagpatak ng luha sa mga mata ko nang lumingon ako sa direksyon mo. Napaka-seryoso na mukha mo habang papalapit sa’kin. Akmang magpapahid ako ng luha ng pigilan mo ako.

“Ako na lang,” turan mo. Napapikit na lang ako ng maramdaman ko ang pagdampi ng palad mo sa balat ko. Nagpatuloy ka pa rin sa pagkanta.

“Like everything that's green girl, I need you

But it’s more than and one makes two

Put aside the math and the logic of it

You gotta know you want it too...”

Hindi ko na napigilang muling umiyak. Naalala ko bigla ang mga bagay na ginawa mo para sa'kin. 'Yung mga pagkakataon na pinaramdam mo sa’kin na espesyal ako.

‘Yung araw na umaatake ang sakit ko at nahihirapan akong huminga.  Ikaw ang nagpatuloy sa pag-uulat ko sa harap ng klase dahil sa inakala mong baka bumigay ako sa haba ng ipapaliwanag ko. 

‘Yung praktis noon para sa ‘Pep Squad Competition’ kung saan napilit kitang sumali. Muntik na akong mapilay dahil sa maling pagbagsak. Agad mong ibinaba ang babaeng buhat-buhat mo sa balikat para lapitan ako at alalayan. Agad mo rin namang binalingan ang lalaking may buhat sa’kin at pinagsabihan. Hindi ka pa nakuntento at humingi ka pa ng permiso sa trainor na ako na lang ang bubuhatin mo sa lahat ng stunts na gagawin. Sinabi mong hindi nila kaya ang bigat ko. Matutuwa na dapat ako kaso nakakaasar lang 'yung rason mo.

'Yung naiwan ko ang envelope na naglalaman ng hand-outs para sa buong klase sa grocery store kung saan binilhan mo ako ng paborito kong Eggnog at Chuckie. Ikaw na lang ang kumuha kahit pa ang lakas ng buhos ng ulan at gabi na. Bumalik ka ng basang-basa. Maaawa na sana ako sa'yo kung hindi mo lang inabot sa'kin ang bagong biling payong at sinabing sa'kin na lang dahil nakakahiya naman na kababae kong tao ay hindi ko man lang maisipang bumili.

Meron pang iba. Masyado na nga sigurong marami. Pero lahat ng 'yun alam kong nakalagi na sa utak ko. Na lumipas man ang mga taon at magkahiwalay tayo ay hinding-hindi ko makakalimutan.

'Cause I wanna wrap you up

Wanna kiss your lips

I, I wanna make you feel wanted

And I wanna call you mine

Wanna hold your hand forever

Never let you forget it

Yeah, I wanna make you feel wanted...”

“P-Prince…” nauutal kong sambit sa pangalan mo. Bigla na rin lang kitang niyakap pabalik. “S-sorry.”

“No, don't be. Naiintindihan ko. Kasalanan ko rin naman. Kung sana hindi na kita hinayaan pang bumalik sa gagong 'yun. Inakala ko kasi na kapag naging kayo ulit mas sasaya ka pero takte lang sinaktan ka na naman niya. Mei, kung sakali mang handa na ulit 'yang puso mo, pwede bang ako na lang ang araw-araw na magpapangiti sa'yo. Ako na lang ang matiyagang mag-aalaga sa'yo. Ako na lang ang tatanggap sa’yo ng buong-buo. Ako na lang ang buong pusong magmamahal sa’yo. Mahal na mahal kita. Matagal na. Ako na lang ang mahalin mo."

 

Naiiyak akong nangingiti sa mga sinabi mo. Kumalas ako sa pagyakap sa'yo at pinagmasdan ang napaka-seryoso mong mukha. Ramdam ko ang sinseridad sa bawat salitang binitiwan mo. Ramdam ko na totoong mahal mo ako. Nasabi ko noon sa sarili ko,

"Ako na lang siguro talaga...

ang ngayon pa lang aaminin sa sarili ko na mahal na nga kita."


Ako Na Lang (One Shot)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon