Hindi ko alam kung sino sa ‘tin ang unang sumuko . Kung ikaw ba o ako. But in the first place, I knew we were never meant to stay together.
Sa totoo lang, hindi ko alam kung bakit pinatagal pa natin. Dahil ba ayaw mong ma-disappoint ang parents mo? Dahil ba natatakot akong magsimula ulit na hindi ka kasama? Dahil ba nasanay na lang tayo sa isa’t isa?
Bata pa lang tayo, natali na tayo sa isa’t isa. Lumaki ako sa paniniwalang tayo ang magkakatuluyan. Na tayo ang dapat magkatuluyan dahil iyon ang itinanim sa utak ng mga magulang natin. Mula grade 1 hanggang high school, tayo lagi ang pinagpa-partner. Walang oras na hindi tayo nakakatanggap ng tukso mula sa iba. Halos sila na ang nagdesisyon para sa ‘ting dalawa.
Niligawan kita dahil akala ko mahal kita. Dahil iyon ang sinabi nila. Dahil iyon ang ine-expect ng iba mula sa ‘kin.
Noong sinagot mo ako, I admit, napakasaya ko noon. Sa wakas, napasagot ko na rin yung mahal ko. Pero at the same time, may pagdududa ako. Hindi ko kasi makita sa expression mo na masaya ka. Hindi ko mahanap yung ngiti mo na nagsasabing, “yes! Finally, kami na.”
At first, masaya pa ako. Kahit nararamdaman kong hindi mo naman talaga yun ginusto, na minsan nagpapahiwatig kang napilitan ka lang, gumawa pa rin ako ng paraan para mag-work yung relasyon natin. Kasi nabulag ako. Kasi ipinipilit ko sa sarili kong mahal mo ako.
Sa bawat “I love you” ko, ngumingiti ka lang. Sa bawat yakap ko, sasabihin mong okay lang. Sa bawat titig ko sa mata mo, kalungkutan ang nakikita ko.
Minsan naisip ko, halimaw ba ako sa paningin mo? Bakit natatakot ka sa ‘kin?
Lahat ng bagay na ginagawa ko para sa ‘yo, tinatanggihan mo. Sasabihin mo, okay ka lang. Na kaya mo nang mag-isa. Nanlulumo ako. Am I that unimportant to you?
Habang tumatagal, unti unti na ring nauubos ang pasensya ko. Sa ‘yo at sa maraming bagay. Naging iritable ko. Kaunting kanti lang, napipikon na ako. Tumigil na rin ako sa pagsuyo sa ‘yo.
Ikaw din, unti unting nagiging katulad ko. Yung dating Lira na kilala ko, yung sobrang mapagtimpi, mabait, mahinhin, unti unting nagbabago. Katulad ko, paubos na rin ang pasensya mo. Kahit yung mga maliliit na bagay lang, pinag-aawayan na natin. May masabi lang tayo na hindi natin gusto, halos sumabog na tayo sa sobrang galit.
Habang tumatagal, lalong lumalala. Umabot sa puntong araw araw tayong nag-aaway. Kahit yung mga pinakamaliit na detalye ng away natin, isinusumbat natin sa isa’t isa. Kung sinong nauna sa ganito, sa ganyan. Kung sinong nagsimula, kung sinong gumaganti lang, kung sinong pinakaagrabyado sa ‘ting dalawa.
Isang beses, pinagselosan mo yung kaklase kong babae. At ako, pinagseselosan ko yung orgmate mong lalaki. Ironically, hindi naman natin mahal ang isa’t isa para magselos. Gusto lang nating gumawa ng palusot para matapos na ang lahat ng ito.
Oo, umabot sa puntong na-realize ko ring hindi pala kita mahal. At napagtanto kong gano’n ka rin sa ‘kin. Na may sari-sarili tayong dahilan kaya pinasok natin at pinatagal itong relasyon na ‘to. Siguro dahil sa pangako mo sa tatay mo na pakakasalan mo ako? Kasi yun na ang bukambibig niya simula bata pa tayo. Actually, yun na ang bukambibig ng mga magulang natin simula bata pa tayo. Na dapat ganito, dapat ganiyan. Na dapat pareho tayo ng kurso, ng skwelahan, ng lahat lahat. Na dapat pagka-graduate natin, maging ganito, maging ganyan tayo. Na tayo ang dapat magkatuluyan.
Ewan ko. Siguro pumayag ako kasi noon pa man, iniidolo ko na talaga ang mga magulang ko. Naniwala akong lahat ng ginagawa nila, lahat ng desisyon nila para sa akin, iyon ang tama. Nagpadala ako sa kagustuhan nila. Nawalan ako ng disposisyon. Nakisabay lang ako sa daloy ng mga pangyayari.
Dahil sa pagkakamaling ito, nagbago tayo. Binago tayo ng mga bagay na hindi naman natin gusto. Binago tayo ng mga pangyayaring hindi natin inaasahan. Ang relasyon natin ay hindi relasyon. Isa iyong ugnayang walang halong pag-ibig. Nabuo ayon sa desisyon ng iba. Pinalaki at pinalago hindi ng pagmamahal kundi ng awa, takot at galit.
Sa tagal ng relasyon natin, ganoon katagal nabulok ang puso ko. Naging bato. Sobrang lamig. Puno ng butas. Pero sa tuwing nag-aaway tayo, unti unti ring nasusunog ang puso ko. Naging itim, hindi kanais-nais. Hindi ko na makilala kung sino ako.
Naaawa ako sa ‘yo dahil alam kong hindi mo naman ‘to ginusto. Naiinis ako sa sarili ko dahil hinayaan kong humantong ang lahat sa ganito. Natatakot akong tuluyan akong kainin ng galit ko. Natatakot ako para sa ‘ting dalawa.
Kaya bago pa man mangyari iyon, pinapakawalan na kita. Dahil may karapatan kang maging masaya. At may karapatan akong maging malaya.
**********************
Inspired by G-Dragon's song called Black. :)