"Tama na, Butch! Wala nang patutunguhan ang pag-aaway natin. Ayoko na!" Halos makita na ang mga ugat ni Lysa sa leeg sa ginawang pag-sigaw sa kasintahan.
"Anong ibig mong sabihin?" kahit nababakas sa mukha ni Butch ang matinding galit ay hindi maikakaila na naalarma ito sa narinig.
"I'm breaking up with you. Ayoko na sa relasyon na 'to, Butch! Sawang-sawa na ko sa mga pagseselos mo at sa pagiging narrow minded mo!"
"Pagseselos? bakit wala ba akong karapatan? Harap-harapan nagpapakita ng motibo sa'yo ang gagong ex mo! Wala na kayo pero kung kausapin mo siya para pa rin kayong may relasyon." naguumigting ang galit niya. Inaamin niyang matindi siyang mag-selos pero nasa lugar at hindi siya magre-react ng ganoon kung walang motibo ang gagong ex ng girlfriend niya.
"Maganda ang offer ng school nila para sa akin. Magiging scholar ako, Butch. Alam mong matagal ko ng gustong makapasok sa school nila. Bakit hindi mo maintindihan iyon?" nanghihinang sabi nito.
Ang pagsasabi nito kay Butch nang tungkol sa scholarship na ibinigay ng school na pag-aari ng papa ni Louie dito ang lalong nagpatindi ng pagseselos niya. Pakiramdam niya ay ginawa lang ng gagong Louie na 'yon para magpagoodshot ulit kay Lysa.
"Iniisip ko lang ang future ko, Butch. Ayokong matulad sa nanay ko na hindi nakatapos ng pag-aaral at naging labandera lang. May pangarap ako, Butch, alam mo 'yan."
Naiintindihan niya. Iniisip din niya ang kaligayahan ni Lysa. Pero bakit si Louie pa? Bakit kay Louie pa siya lumapit? Ginawa niya ang lahat. Alam niyang gusto nitong makapagtapos at maging isang abogado pero hindi sa tulong ni Louie. Hindi sa gagong 'yon!
Dala ng matinding frustrations ay napasigaw at napasabunot siya sa buhok. Hindi niya matanggap na mauuwi lang sa ganito ang apat na taon na relasyon nila. Bumuo na siya ng pangarap at mga plano para sa kanilang dalawa. Na sa oras na nasa tamang edad na sila ay magpapakasal sila at magkakaroon ng masayang pamilya.
"Hindi ko kayang panghawakan ang mga plano mo para sa atin, Butch. Ayoko man sabihin pero hindi ako mabubuhay sa pagkanta mo lang. Ang gusto ko ay yumaman, magkaroon ng sariling negosyo at ng sariling bahay."
Napasuntok siya sa hangin. Puno ng galit at hinanakit ang puso niya. Tang Ina naman eh! Hindi ba niya kayang ibigay lahat iyon para dito? Ginagawa niya lahat para lang kay Lysa. Nagpakatino siya at nag-aral ng mabuti para sa kanilang dalawa.
"Butch..."
Akma nitong hahawakan ang braso niya nang lumayo siya. Tumayo siya sa oval bench na madalas nilang gawin tambayan. Ang lugar na ito ang naging saksi sa mga masasayang sandali at sa mga maliliit na bagay na pinag-aawayan nilang dalawa. Nakakatawa dahil dito rin pala matatapos ang lahat.
Tiningnan niya ang kasintahan, luhaan ito pero nasa mga mata nito ang determinasyon at ang ginawang desisyon. Tumango siya at umiwas ng tingin.
"Kung saan ka sasaya, sige...ikaw ang bahala. Kung gusto mo nang makipag-break sa akin, sige. Pagbibigyan kita."
"Butch..."
"Sige na Lysa. Okay lang." kahit dinudurog ang puso ay nagawa niyang ngumiti.
"Butch...tutuparin ko lang ang mga pangarap ko sa buhay. Kung gusto mo pa rin ako, kakapalan ko ang mukha ko at babalik ako sa'yo."
Tumango siya, kahit iba ang sinasabi ng puso niya.
"Sige na."
"Butch..."
Lumapit ito at kinintalan siya ng halik sa pisngi. Naikuyom niya ang mga kamay sa pagpipigil na yakapin ito.
"Goodbye, Butch."
Hindi niya ito nilingon nang tumalikod ito at humakbang palayo sa kaniya.
Ang sakit. Sumisigid ang sakit hanggang sa kaibuturan ng puso niya. Para siyang mawawasak ng mga sandaling iyon. Naipikit niya ng mariin ang mga mata. Tapos na...Tapos na ang mga pangarap niya.