Chapter 1 [第1章]
ISANG TAON simula nang dumating kami ni mommy sa Japan ay balik eskuwela na naman ako. Kinailangan ko'ng maghintay sa sandaling ito dahil hindi ako basta-basta natanggap sa kahit anong paaralan dito last year. Abril kasi nang dumating kami dito at nagsisimula na ang klase. Dito po sa Japan, sa ganitong buwan nagsisimula ang pasukan.
Labing anim na taong gulang ako noon -- sakto'ng edad para sa isang Grade 1 Senior High School (Katumbas ng 3rd Year High School sa Pilipinas kapag K+12, o 4th Year High School sa lumang sistema). Ang kaso, may entrance exam muna bago ka matanggap sa Senior High School. Hindi ko ito naipasa noong nakaraang taon, kaya ngayon lang ako nakapasok.
Dahil baguhan, naka-upo ako sa isang sulok sa likod, para alam kong hindi ako pinagtitinganan ng mga kaeskuwela ko. Pero hindi man sila lumingon sa akin, hindi pa rin nila maiwasang pag-usapan ako.
"Siya iyong sinasabi ko sa iyo," bulong ng ka-eskuwela kong babae sa katabi niya. "Hindi puro ang dugo niya."
"Sayang guwapo pa naman." Sagot naman ng isa pang babae. "At totoo ba'ng mas matanda siya sa atin?"
Dito tumaas ang kilay ko: ang mga hitad na ito -- kababata pa, mga chismosa na. Hoy, naiintindihan ko po kayo kaya pwede ba, tumigil na kayo dahil kapag hindi ako nakapagpigil ay kukulutin ko iyang mga bangs ninyo!
Ano namang pakialam ninyo kung mas matanda ako? Big deal na nga sa inyo na hindi ako purong Hapon eh, pati ba naman edad ko, puproblemahin niyo pa?! Nakakaloka! Sarap pagsasampalin ng kaliwa't-kanang left and right 'tong mga sakang na to. Pasalamat kayo at hindi ako war freak. Kung nandito si Kiyo, hindi niya palalampasin to.
Bigla akong natulala. Naalala ko na naman kasi ang best friend ko'ng si Kaneshiro Kiyoteru. Kamusta na kaya siya sa Pilipinas? Simula kasi nang umalis kami ay hindi na ako nagparamdam sa kaniya. Nangako kasi ako na hindi ako haharap sa kaniya hanggat hindi pa ako handa.
Si Kiyo ang unang lalaking minahal ko ng buong puso. Kaya ko'ng ibigay ang lahat para sa kaniya, subalit hindi ko alam kung hanggang saan ang pagmamahal na kaya niyang ibigay sa akin.
Ipinasiya kong intindihin ang takbo ng utak ng isang katulad ni Kiyo -- ng isang isang anak ng Yakuza. May kinalaman kaya dito ang pagkakaroon niya ng galit sa mga bakla o sadyang mapait lang talaga ang naging unang karanasan niya sa mga ito dahil sa buwisit na si James -- ang baklang captain sa baseball team na kinabibilangan ni Kiyo?
May ilang buwan na rin ang nakalilipas simula nang isagawa ko ang aking misyon. Sa kagustuhan ko kasing maobserbahan ang mga Yakuza ay napadpad ako sa isang bath house na madalas puntahan ng mga ito. Doon ay muntik na'ng maging katapusan ng maliligayang araw ko dahil sa enkuwentro ko sa isang Yakuza Boss na si Kazuki.
Hinding-hindi ko malilimutan ang araw na iyon sa maraming dahilan: una, buwis-buhay na pasyal iyon, pangalawa si Kazuki ay kahawig ni Kiyo, pangatlo dahil nakatapis lang ako ng tuwalya noon, ramdam na ramdam ko sa aking tiyan ang pagkakatusok ng sandata niya, at higit sa lahat -- si Kazuki ay may kasiping na batang lalake noong araw na iyon. Ibig sabihin nito, ang mga Yakuza ay kasing normal lang ng kahit sinong tao. Samakatuwid ay may iba pang dahilan si Kiyo.
"Excuse me."
Bigla akong napabaling sa direksiyon kung saan nagmula ang tinig at halos mapa-nganga ako sa aking nakita. Isang lalake ang nakangiti sa akin at sobrang ganda ng mukha niya. Ang mga mata niya'y singkit na bilugan, matangos ang ilong, at manipis ang labi. Napaka-kinis din ng balat niya. Sa totoo lang, sa sobrang cute ng mukha niya ay maiinggit ang mga kababaihan sa kaniya. Napansin ko rin na hindi siya katangkaran. Lalo tuloy siyang naging cute -- para siyang manika (ang sarap palitan ng damit...haha).
BINABASA MO ANG
Macho Hearts Book 3: Sakura Hearts
General FictionSI HISAGI YUUTO ay nagsumikap na mamuhay ng normal sa piling ng kaniyang bagong pamilya at mga kaibigan sa Japan. Simula nang lisanin nila ang Pilipinas ay nangako siya sa sarili na hindi na mauulit pa ang kaniyang katangahan sa larangan ng pag-ibig...