NALULUHANG pinagmamasdan niya ang lalakeng pinakamamahal na si Lance na natutulog sa kaniyang tabi. Hinaplos niya ang mukha nito at hinalikan niya ito sa mga labi ng ilang segundo.
"Paalam mahal ko, maraming salamat sa nangyari sa atin kagabi. Para sa akin iyon na ang pinakamagandang regalo na natanggap ko sa buong buhay ko." Ang masuyong bulong niya sa natutulog na binata. Namula siya bigla nang maalala ang maiinit na tagpo na namagitan sa kanilang dalawa ni Lance kagabi. Hindi niya aakalaing magagawa niya ang mga bagay na iyon. Ni konting pagsisi ay wala siyang nadama nang buong puso niyang ipagkaloob ang sarili sa binata.
Maingat na bumangon siya mula sa kama at dali-daling isinuot ang mga damit na isa-isa niyang pinulot sa sahig. Pagkatapos niyang magbihis at mag-ayos ng sarili sa harap ng salamin ay patingkayad niyang tinungo ang pinto bitbit ang kaniyang sapatos upang hindi makalikha ng anumang ingay. Sa huling pagkakataon ay pinagbigyan niya ang sarili na sulyapan ang binata bago niya pinihit ang seradura pabukas at tahimik na umalis.
TAHIMIK na umiiyak si Lily habang nakasakay na siya sa isang pampasaherong bus. Wala siyang pakialam kahit pinagtitinginan na siya ng mga kapwa pasahero. Ipinikit niya ang kaniyang mga mata at hindi niya maiwasang alalahanin ang nakaraan sa pagitan nilang dalawa ni Lance.
Nasa high school pa lamang silang dalawa ni Lance ay hilig na siyang asarin nito. Halos araw-araw ang kanilang bangayan sa isa't-isa kaya dumami ang kanilang fans kuno na ginawan pa ng fanpage sa facebook ng mokong. Tampulan na tuloy sila ng tuksuhan doon kaya minabuti na lamang niyang huwag buksan ang kaniyang facebook account.
Pagkagraduate nila ng high school, napagkasunduan ng kaniyang mga kaklase na magbakasyon sa beach resort na pag-aari ng pamilya ni Lance. Ayaw niya sanang sumama dahil tiyak aasarin na naman siya ng binata subalit hindi pumayag ang kaniyang mga kaklase na hindi sila buo kaya napilitan tuloy siyang sumama sa mga ito. Tulad nga ng kaniyang inaasahan, walang oras na di siya inaasar ng binata kaya ang ginawa niya hindi na lamang niya ito pinapatulan.
"Hello, Lilypad! Nag-enjoy ka ba sa honeymoon este summer vacation natin?" Nakakalokong tanong sa kaniya ng binata. Tatayo na sana siya mula sa kinanauupang bench upang iwasan ito subalit kaagad siyang nahawakan nito sa braso.
"Oopps, teka lang naman. Lilypad ka na agad gayung kadadapo mo pa lang? Usap muna tayo."
"Pwede ba bitiwan mo nga ako Lance! Tao ako at Lily ang pangalan ko hindi lilypad!" Nanlilisik ang mga matang asik niya sa binata.
"Weh? Di nga?" Nang-aasar na sagot nito sa kaniya habang mahigpit pa ring hawak nito ang kaniyang braso.
"Jeh, Ara, Mich, pwede bang pakipatay na itong mokong na ito? Kapal eh."
Imbes na tulungan siya ng mga kaibigan ay nagsitawanan lamang ang mga ito.
"Lily, ikaw na lang. Kayang-kaya mo naman 'yang mokong na yan eh," ang sabi ni Ara.
"Oo nga naman Lilypad este Lily pala. Babush d'yan muna kayo! Tayo na dali, iwan na natin sila."
"Aba't, hoy huwag n'yo akong iwan dito!"
"Alam mo Lilypad, kahit patayin man nila ako ay tiyak bubuhayin mo pa rin naman ako eh. Para kasi akong langgam, na hilig mong patayin at buhayin sa forum games. Di ba, mahilig kang maglaro niyon? Ikaw pa, alam ko namang matagal ka ng patay na patay sa akin eh kaya tiyak bubuhayin mo pa rin ang isang gwapong tulad ko."
"Ako? Patay na patay sa 'yo? Kailan pa? Kapal mo naman tol! Kahit ikaw na lang ang natitirang nilalang sa mundong Earth, hinding-hindi kita papatulan ano! At never kitang bubuhayin, itaga mo 'yan sa bato!"