The Dreadful Ceremony

178 4 2
                                    

"Phasmatos Ravenus On Animum. Phasmatos Ravenus On Animum. Phasmatos Raverus On Animum," sambit ni Cindy.

Binasa niya ang nakasulat sa video na pinapanuod. Napansin niyang umihip ang malakas na hangin sa palabas. Narinig niya ang kakaibang tunog na nililikha ng mga dahon at sanga ng puno. Kitang-kita niyang sumilay ang makahulugang ngiti ng mangkukulam at kinuha ang kutsilyong nasa tabi. Kasalukuyan itong nasa sementeryo at napaliligiran ng mga kandila.

Titig na titig si Cindy sa bawat eksena. Sabik ang dalagang malaman kung ano ang susunod na mangyayari. Lumapit ang mangkukulam sa isang bangkay. Nilaslas nito ang kanyang daliri at ang mga dugong nagmumula roon ay pinatulo sa bungo ng patay, habang patuloy pa rin nitong binibigkas ang mga kataga. Yumanig ang lugar at namatay ang sindi ng mga kandila, nabalutan ng kadiliman ang buong paligid sa palabas.

"Kainis! Bakit nawala?" Napasapo sa noo si Cindy. Nabitin siya sa kanyang pinapanuod. Ilang beses niyang pinindot ang pause at play ng video ngunit wala na talagang lumalabas na imahe. Paglipas ng ilang sandali ay may lumabas na 'The End' sa video. Napasabunot sa buhok ang dalaga at in-off ang laptop niya sa sobrang inis.

Padabog na bumaba ng kuwarto si Cindy bitbit ang kanyang laptop. Mabagal at mabibigat ang nagawa niyang paghakbang papunta sa basement ng bahay. Kasalukuyan siyang nasa probinsiya, sa bahay bakasyunan ng kanyang pamilya. Nagpaalam siya sa kanyang mga magulang na magbabakasyon muna ng isang linggo. Lumiban din siya sa kanyang trabaho. Hindi niya na kailangan ng kasama dahil sa edad na dalawampu't lima ay kayang-kaya niyang mag-isa. Ngunit lingid sa kaalaman ng lahat, kasama niya ang kanyang nobyo sa bakasyong ito.

"Cesar," sambit ni Cindy.

Pagbaba ng basement ay agad niyang tinungo ang isang kuwarto. Pagbukas niya ng pinto ay sinalubong siya ng masangsang na amoy na nagmumula sa loob. Umiling si Cindy at tinakpan ang kanyang ilong. Bumaling ang kanyang tingin sa kasintahan na nakahiga sa sahig.

Lumapit siya rito at nagsalita, "Cesar, iba na ang amoy mo. Nakakasuka na!" Pinalo ng dalaga ang dibdib ng nobyo. Medyo nasasanay na rin naman siya sa amoy nito kahit papaano. "Sorry babe, ngayon lang ako nakababa. Gumagawa kasi ako ng paraan,"muling sabi ni Cindy.

Tumingin ang dalaga sa kabuuan ng kuwarto. Kakaunti lamang ang gamit na nasa loob dahil bihira itong gamitin. Kinuha niya ang silyang nasa gilid at naupo sa tabi ng maliit na lamesa. Ipinatong niya ang laptop doon at binuksan iyon.

Nagsimula na ulit siyang maghanap ng mga video na kakailanganin niya. Sa kanyang paghahanap ay biglang may bumukas na website, kaso dumilim naman ang screen ng laptop niya. Ilang beses siyang pumindot nang pumindot ng kung ano-ano ngunit gano'n pa rin. Kunot-noong napakamot ng ulo si Cindy. Alam niyang full charge naman ang kanyang laptop bago bumaba.

Ilang segundo ang lumipas nang may lumabas na mensahe sa screen.

The most awaited website, where you can find the things you want to know...

Do you want to proceed?

Kuminang ang mga mata ng dalaga. Nanaig ang kanyang kagalakan sa mga nabasa. Kaya pinindot agad niya ang YES button. Biglang lumiwanag ang screen. Buti sana kung simpleng liwanag lang, ngunit hindi. Napatakip sa mata ang dalaga dahil nakakasilaw na ito masyado. Pagkatapos mawala ng liwanag ay may lumabas na search panel sa screen.

Lihim na napangiti si Cindy. Mukhang ito na talaga ang sagot sa kanyang hinahanap. Ilang araw na kasi siyang nagsasaliksik ng mga gagawin at tumitingin ng mga palabas na makakatugon sa kanyang mga katanungan. Sumulyap siya kay Cesar at nagsalita, "Ito na babe. Maghintay ka lang."

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: May 20, 2016 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

The Dreadful CeremonyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon