Tumingin siya sa aking mga mata na nagdala ng kilabot sa aking katawan. Hindi nanaman ako makahinga.
Kakalubog lamang ng araw ngunit ang dilim na ng paligid. Ang tanging nakakatulong sakin makakita ay ang ilaw na nasa ibabaw ng aming sinasakyan. Wala itong bubong kung kaya't kitang-kita mo ang langit. Maalog, marahil ay dahil sa mga alon na sumasalubong sa amin. Ang maalat na tubig ay dumadampi sa aking balat sa tuwing ito ay tatama sa katig ng bangkang aming sinasakyan.
Oo, kami ay nakasakay sa isang bangka. Malaki ito at mayroong dalawang katig sa magkabilang gilid upang mabalanse ito at hindi tumagilid. Marami kaming nandito. Narito ang mga kaibigan ko, kakilala, pati na rin ang aking pamilya. Abala silang nag-uusap kung ano ba ang dadatnan namin doon, samantalang ako ay tahimik lamang na nakaupo dahil sa lalaking katabi ko.
Hindi ko siya kilala pero may kung ano akong naramdaman nang hawakan niya ang aking kamay upang alalayan papunta sa aking upuan. Hindi ito kilig tulad ng iniisip mo kundi kaba. Parang mayroon sa kaniyang magpapataas ng iyong balahibo at magdadala ng takot sa iyong dibdib.
Nakakatakot.
Kung titignan mo ang lalaking ito, siya'y makisig, may itsura, matangkad, ngunit may pagka-misteryoso. Tulad ko, buong byahe lang siyang tahimik at patingin-tingin sa paligid. Tila nagmamasid at malalim ang iniisip.
Nakakatakot.
Napabuntong hininga ako. Hindi ako makahinga ng maayos dahil sa kaniya. Hinihiling ko na sana makarating na kami sa islang aming pupuntahan. Naimbitahan lang kami kung kaya't hindi namin alam kung anong meron. Basta ang sabi ay mayroong salo-salong magaganap.
May kung ano silang ipinasuot sa akin. Hindi ko maintindihan kung para saan ito. Ang masasabi ko lamang ay ibang-iba ito sa kanilang mga suot. Dahilan upang mapansin mo agad ako kahit magtago ako sa dami ng mga tao. Parang siyang gown o dress na mahaba at mayroong marangyang disenyo. Tila terno sa suot ng lalaking katabi ko.
Saglit.
Katulad ng sa kaniya?
Ngayon ko lamang napansin na kaming dalawa ang tila naiiba sa lahat. Ang aming kasuotan ay may matingkad na kulay samantalang ang sa kanila ay puro mapuputla. Nagkataon lang kaya ito?
Hindi ko matanong ang aking pinsan na babae at aking ina at ama sapagkat napakalayo nila sa akin. Sila ay nasa unahan samantalang ako ay nakaupo sa bandang gitna. Hindi naman ako maaaring tumayo sapagkat napaka liit lamang ng espasyo upang makagalaw. Wala kang ibang magagawa kundi ang manahimik sa iyong inuupuan.
Kating-kati na ako tanungin itong katabi ko ngunit walang lumalabas sa bibig ko.
Umubo ako. Umaasang mapapatingin siya sa akin ngunit patuloy lang siyang nagmamasid sa paligid, tila walang pakialam sa mundo.
Kinalabit ko siya.
Akala ko hindi siya lilingon. Ngunit nagkamali ako.
Tumingin siya sa aking mga mata na nagdala ng kilabot sa aking katawan. Hindi nanaman ako makahinga. Ang ganda ng mga mata niya. Parang hindi mata ng isang lalaki. Nakakapanindig balahibo.
BINABASA MO ANG
A Night Full of Surprises
Teen FictionAko si Amica, isang ordinaryong tao. Payak lang ang aking buhay. Boring at walang thrill. Isang araw, sa aming paglalakbay ay may nakatabi akong isang misteryosong lalaki. Kakaiba ang kaniyang mga mata. Nakakatunaw. Ang akala kong simpleng gabi ay m...