Baby, Don’t Cry ni metaphorxx.
Umuulan na naman. Hindi ko alam kung ano ang nais ipahiwatig ng ulan, kung bakit ito bumubuhos. ‘Yung bang rason na ‘di ko narinig sa mga guro, sa mga taong magaling sa siyensya. Nais kong tanungin ang mga ulap kung sila ba’y nahihirapan na kung kaya’t ibinubuhos nila ito o kung sila ba’y sawi tulad ko.
Dalawang taon na rin ang lumipas, dalawang taong punung-puno nang hinagpis, hapdi, hinanakit at paghihinayang. Mahal kita pero ‘diko man lamang napatunayan sa’yo. Umalis ka hindi dahil hindi mo ako mahal… umalis ka nang dahil sa pagsinta mo. Hindi ko ninais na kamuhian ka, hindi ko sinasadyang masaktan ka pero siguro ganoon na talaga ang ating tadhana. Alam kong ginawa mo ang lahat para sa akin, naramdaman ko ang pag-iirog mo ngunit nang dahil sa aking pagkakamali. Hindi ko man lamang masuklian ito.
Minsan nakakainis na rin ang lagi kong rason, ‘Tao lang tayo, may emosyon na minsa’y nagdadala sa atin sa kapahamakan.’ Lagi ko ‘yang sinasabi sa mga taong nasa paligid kong nasasaktan, sa pag-ibig man, pamilya o sa kaibigan pero bakit ngayon nais kong kamuhian ang mga salitang iyan? Tama, tao ako at hindi magiging tayo dahil isa kang taong lobo. Ang ating pag-iibigan ay isang malaking kasalanan sa iyong angkan. Nagmahal at nagmamahal ako sa isang taong lobo subalit walang maniniwala sa akin dahil ang mga tulad mo’y kathang isip lamang sa aking kinabibilangang lipunan.
Inilihim mo sa akin ang tunay mong anyo pero isang araw nakita kong ang mga dati mong kumikislap na mata’y nanlilisik sa ilalim ng mala-pilak na buwan. Nakita ko kung papaano mo patayin ang mga tulad kong mortal, sumigaw ako. Tumingin ka sa akin at tumakbo ako papalayo sa’yo. Nanlumo ako, nadismaya at natakot. Simula noon kahit alam kong mahal pa din kita ay umiwas ako. Naramdaman ko ang pagkalungkot sa’yong puso. Umalis ka ng ‘di nagpapaalam sa kadahilanang ako’y maging ligtas sa kamay ng iyong mga ka-uri. At simula nung ako’y iyong iwan… doon ko naramdaman ang mamuhay nang parang patay. Hinanap kita pero ni anino mo’y ‘diko nakita.
Humiga ako sa aking kama, niyakap ang regalo mong unan at sa pagyakap ko nito’y ramdam ko na rin ang mainit mong mga bisig na pumuprotekta sa akin. Naramdaman ko ang mga likidong walang sawang dumadaloy sa aking mukha at sabay kong ibinulong ang mga katagang, “Lay, bumalik ka na.”
Mas lalo kong hinigpitan ang yakap upang ika’y maramdaman pa.
Biglang kumidlat at kumulog ng malakas. Mas lalo akong umiyak, noon pa ma’y takot na ako sa kulog. Hindi ko alam kung saan ito nanggaling pero tuwing naririnig ko ang hiyaw ng kulog ay hindi na ako magkamayaw sa sigaw nang pagkatakot. Hindi magtigil ang kulog na aking nadirinig animo’y isa itong galit na tigreng nakikipagsagupaan para sa kaniyang sinisinta. Kinuha ko ang aking kumot at nagtakip pati na rin ang unang puno ng likidong galing sa aking mata.
Biglang tumahimik at uminit.
Naramdaman ko ang init na ‘yon, ang init na pumuprotekta sa akin.
Inalis ko ng dahan dahan ang aking kumot. Tumingin ako sa aking harapan. Biglang nabuhay ang aking puso. Biglang nagliwanag ang aking paligid, hindi dahil umaga na kungdi dahil nandito na siya. Ngumiti ako sa wakas pagkatapos ng dalawang taon. Naramdaman ko ang saya na matagal ng nagtatago sa aking puso. At alam kong ako’y ligtas ng dahil sa lalaking nasa harapan ko.
“Lay?” Niyakap ko siya ng mahigpit at ‘diko na siya muling papakawalan pa. Hindi na muli.
Naramdaman kong pinunasan niya ang mga luha kasabay nito’y ang pagyakap niya sa akin at halik sa aking noo. At sinabi niya ang mga katagang iyon… “Baby, don’t cry.”