Kung alam mo lang (ONE SHOT COMPLETED)

132 4 1
                                    

a/n: I did this one, 3 years ago, sa isang malayong pook..first year college pa lang akoooo.. XD nakita ko lang, naka-98 ako dito nun eh haha

Ipinikit-pikit pa ni Rai ang kanyang mga mata upang tiyaking hindi siya namamalikmata. Hindi siya maaaring magkamali at kahit pa sampung taon na ang nagdaan, kabisado pa rin niya ang maamong mukhang nasa harap ng kanyang mesang pang-opisina, si Jazz iyon, kababata niya.

“Ikaw pala ang pumalit kay Tom, Jazzie Salvador”, kinakabahang panimula ni Rai na hindi pa rin makapaniwala sa mga nagaganap.

Si Tom ang kanang kamay niya sa kompanya at kailan lamang ay nag-resign na ito dahil nagkasakit ang asawa nito at kailangan ng mag-aalaga

“Oo, ako nga ‘SIR RAI-AN CRUZ’’, matabang na tugon ni Jazz na wari bang sinadyang bigyang diin ang salitang ‘sir’.

“Heto na nga pala yung naiwang trabaho ni Tom, maaari ka ng magsimula,” sagot na lamang ni Rai dito para matapos na ang makalaglag-pusong eksenang iyon.

Butil-butil ang pawis ni Rai ng makaalis na ang dalaga. Batid niyang hanggang ngayon ay galit pa rin ito sa kanya. Parang ipo-ipo sa bilis ng pagbalik ng mga alaala sa kanya sampung taon na ang nakakalipas. Malinaw pa sa kanyang alaala ang paulit-ulit na sinabi ni Jazz sa kanya,

“Manloloko ka! Manloloko ka!,” habang tuloy-tuloy ang pag-agos ng mainit na likido sa mga mata nito. 

Nagmula sa mayamang pamilya sina Rai at Jazzie. Nasa ika-unang grado sila ng una silang magkakilala. Pareho sila ng suot na uniporme, nakapalda, pareho din hanggang balikat ang buhok at kapwa mailap sa iba. Batid ni Rai ang tunay niyang katauhan kaya’t mailap siya sa iba habang si Jazzie naman ay kulang sa kalinga ng mga magulang na nagdulot ng pagiging mailap din niya sa iba.

Ang mga pagkakatulad na ito ang naging daan upang maging matalik na magkaibigan ang dalawa. Pagmamay-ari ng pamilya ni Rai ang paaralang pinapasukan nila ni Jazzie at ito ay paaralan para sa mga babae lamang. Nag-iisang anak si Rai at ganoon din si Jazzie. Pangarap na pangarap ng ina ni Rai na magka-anak ng babae at kahit ‘menopausal baby’ na ang dumating sa kanilang mag-asawa ay sabik na sabik pa rin siyang maging babae ito.

Gayon na lamang ang paninibugho ni Mrs. Cruz nang lalaki ang sa kanila’y ipinagkaloob. Nahirapan siyang tanggapin ito at upang hindi masayang ang lahat ng kanyang pinaghandaan, binihisan niyang parang babae ang anak at pinangalanan pa na Rai-an. Isang mainit na pagtatalo noon ang naganap sa sala ng pamilya Cruz.

“Por Dios Por Santo, Josefa hindi maaaring mag-aral ang ating ank sa eskwelahang nilaan para sa mga babae lamang. Hindi ka ba naawa sa anak mo, Josefa? Lalaki ang anak natin at hindi babae at lalong hindi bakla,” naghihimutok na pagtutol ni Mr.Cruz sa asawa

“Manuel, ayokong mamulat sa maagang pagbabarkada ang ating anak at ipinaliwanag ko na sa anak natin na pulos away lamang ang kakaharapin niya kapag nagkaroon siya ng mga kaklaseng lalaki at nauunawaan ng anak natin iyon. Pabayaan mo na ako Manuel, isa pa mas matitignan natin siya sa kanyang pag-aaral lalo’t ikaw ang punong-guro sa paaralan.

"Lahat ng mga guro ay kausapin mo at tiyak kong papayag sila sapagkat napakabuti mo sa kanila,” pamimilit pa ni Mrs. Cruz sa asawa .

“Ewan ko ba sa’yo, Josefa! Gumagawa ka ng kahihiyan.” Biglang balik ng eksena sa isipan ni Manuel ng minsan silang dumalaw sa doktor. 

“Mr. Cruz ang maipapayo ko lamang ay ibayong pang-unawa sa inyong asawa dahil sa mga panahong ito, siya ay sumasailalim sa in-denial stage na nangyayari talaga sa mga may-edad na ng nagkaanak at hindi pa natupad ang kanyang hinahangad,” paliwanag ng doktor. 

.“Hanggang kailan po ito, dok?” tanong ni Mr. Cruz. 

“Panahon lamang ang makapagsasabi.” , ani ng doktor.

Iyon nga ang nangyari, nasunod pa rin si Mrs. Cruz. Gaya ng napagkasunduan, tanging mga guro lamang ang nakaalam ng katotohanan. At ngayon nasa ika-limang grado na sina Rai at ang naging matalik niyang kaibigan, si Jazzie. At kahit pa limang taon na din silang magkaibigan, hindi alam ni Jazzie ang katotohanan.

Natatakot din kasi si Rai na baka hindi na siya kaibiganin pa nito kapag nalaman nito ang lihim sa kanyang pagkatao.

Nagulat na lamang si Rai-ang sa tili ng kaibigan, nasa tahanan kasi sila nito at gumagawa ng proyekto..

"Jazzie! Bakit ka sumisigaw banyo ha?”,  tanong ni Rai. Hindi pa gaanong kabuo ang boses ni Rai kaya’t hindi mo maiisip na lalaki talaga siya. 

“Kadiri Rai! May dugo na ako. . . ’’ sagot nito.

“Ano’ng dugo? May sugat ka ba? Saan? Patingin…” nag-aalalang tanong ni Rai sa kaibigan.

“Ano ka ba? Wala akong sugat, buwanang dalaw ito, ibig sabihin dalaga na ‘ko! Paliwanag nito. 

“Ganoon ba?” sagot na lamang ni Rai, napakamot na lang ito sa ulo.

“Ikaw kaya girl? Kailan ka magiging dalaga?” Nasamid na na lamang si Rai sa winika ng kaibigan.

Ginabi na sila bago matapos ang kanilang proyekto at ipinasya ng mga magulang ni Jazzie na doon na matulog si Rai at tatawagan na lamang ang mga magulang ni Jazzie.

Hindi mapakali si Rai sa kama ng gabing iyon. Pabiling-biling siya sa kama at hindi makatulog. Katabi niya si Jazzie at mahimbing na ang tulog nito. Panay ang dasal ni Rai. Batid niyang nagkakasala na rin siya sa kaibigan. Kanina ay napilit siya nitong sabay silang maligo dahil pareho naman daw silang babae. Tawa pa nga ng tawa ito kanina dahil hindi niya hinubad ang shorts niya ng maligo sila at kung anu-anong dahilan na lamang ang sinabi niya.

Ang bilis ng panahon, nasa huling antas na sila sa elementary at unti –unting napapansin ni Rai ang pagtamlay ni Jazzie. Hindi na nakatiis si Rai at tinanong ang kaibigan. 

“Pakiramdam ko kasi, tomboy ata ako,” mangiyak-ngiyak na sagot nito. T_T .“Ayoko sanang ipaalam sa’yo dahil baka layuan mo ‘ko dahil iba ako,” madamdamin pang dugtong nito. 

Kinagabihan, hindi na naman nakatulog si Rai at para bang pinagbagsakan siya ng langit at lupa. 

“May iba pala siyang gusto at ang masakit, tomboy pala siya.”Pagkawika noon ay nakatulog na din si Rai.

Araw ng graduation, at may mahalaga daw na ipagtatapat ang prinsipal. Iyon na pala ang katapusan ng lahat.

Ipinagtapat lang naman ng prinsipal ang katauhan ni Rai sa lahat. Hindi naman ito dinibdib ng karamihan maliban sa isa, si Jazzie. Sinubukan ni Rai na magpaliwanag dito ngunit sinampal lamang siya nito.

“Tinuring kitang kaibigan! Ikaw lamang ang nagpahalaga sa’kin pero hindi pala totoo! Hindi na nga ako pinapahalagahan ng magulang ko, niloko mo pa ako! Manloloko ka! Manloloko ka!” umiiyak na nagtatakbo ito.

Simula noon ay hindi na nakita ni Rai si Jazzie. At ngayon, heto at nakita na ulit ni Rai si Jazzie, ang kanyang secret first love.

Naalala na naman niya nang aminin nitong tomboy ito. Iyon ang first heartbreak niya. 

“Puso nga naman talaga! Engineering din pala ang kinuha niyang kurso, tomboy nga talaga,” bulong ni Rai sa sarili.

Lumipas ang araw at buwan ng napakabilis at ngayon ay isang taon niya ng kasama sa trabaho si Jazzie at isang taon na din siyang naguguluhan at nasasaktan. Uwian na sa trabaho at halos si Rai na lamang at tatlo pang kasamahan ang natitira sa opisina. 

Pauwi na sana siya nang may makaagaw sa kanyang pansin at nasa ilalim iyon ng mesa ni Jazzie sa opisina. Isa iyong diary na magbabago sa lahat. 

“Hindi na ako galit sa kanya, ang totoo, galit ako sa sarili ko dahil inakala ko noon na umiibig ako sa kapwa ko babae gayong hindi naman pala siya babae. . . kung ‘di tunay na lalaki.”

-Wakas-

a/n: Thank you for reading? any comments? ♥

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Sep 23, 2013 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Kung alam mo lang (ONE SHOT COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon